Thursday, December 21, 2017

CPP/Ang Bayan: Paggamit ng mga drone sa mamamayang lumalaban

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Dec 21): Paggamit ng mga drone sa mamamayang lumalaban

Muling pinalawig ng teroristang rehimeng US-Duterte ang batas militar sa Mindanao. Pinalaki pa ang badyet ng AFP para sa taong 2018 upang bigyang daan diumano ang modernisasyon ng AFP. Patuloy na naglulustay ng bilyun-bilyong pondo ng mamamayan si Duterte para bumili ng bagong kagamitan sa kanyang among US.

Pangunahing target nito ang rebolusyunaryong kilusan, partikular ang Pulang hukbo. Inaasahang magiging tampok ang paggamit ng mga drone o unmanned aerial vehicle system, mga kagamitang militar na walang sakay na piloto at pinaaandar gamit ang remote control o kompyuter, bilang karagdagang armas laban sa BHB.

Ginagamit ang mga drone sa paglikom ng intelidyens, sarbeylans at pag-atake sa mga tukoy na target. Kalakhan ng mga tipo nito ay tumatagal hanggang 17 oras sa ere. May kakayahan itong agarang makapagpadala ng mga larawan sa kompyuter o sa nag-oopereyt nitong tropa o yunit-militar.

Matagal nang ginagamit ang drone sa Pilipinas. Noong 2002, may bumagsak na Predator drone sa karagatan ng Zamboanga. Isang eroplanong pang-espiya naman ang bumagsak sa Mount Tumatangis, Jolo noong 2005.

Sa pamamagitan ng noo’y Joint Special Operations Command ng US na nakabase sa Zamboanga, malayang nakapagpapalipad ng mga drone ang US mula sa mga kampo militar ng AFP. Naiulat noong 2006 na nagpakawala ng Hellfire missiles ang Predator drone ng US para diumano’y targetin ang binansagan nitong terorista na si Umar Patek na nasa Jolo, Sulu. Bigong mapatay si Patek, habang nasawi naman ang mga kasama nito. Matinding takot sa mga komunidad ng Moro ang dala ng mga pambobombang ito.

Noon pang 2012 may gamit nang drone ang AFP sa kanilang operasyon. Ginamit nito ang Raptor, Knight Falcon at TUAV drone noong 2013 nang gapiin nito ang mga armadong grupong Moro sa Zamboanga at tukuyin ang lokasyon ng Moro National Liberation Front.

Taong 2015, bumili ang AFP ng 12 pang-atakeng drone at anim na pangsarbeylans na drone. Kabilang dito ang 15 Scan Eagle drone na ginagamit sa gawaing sarbeylans. Mayroon na ring drone na mayroong electronic surveillance equipment. Ibig sabihin, ginagamit ito para malaman ang presensya at kapal ng mga elektronikong signal mula sa gubat o isang erya na saklaw ng sarbeylans. Kabilang dito ang electronic signal ng selpon, internet, kompyuter, radyong transceiver at iba pa.

Sa gera sa Marawi, ginamit ng tropang militar ang P3 Orion spy plane at Predator drone sa kanilang mga airstrike. May ilang larawang nakuha na pinapalipad at inoopereyt ang mga ito ng tropang militar ng US at mga sinanay nitong mga yunit ng AFP. Namataan ring pinapalipad ang mga ito sa mga komunidad ng Cagayan de Oro at Iligan at kanlurang bahagi ng Misamis Oriental at Lanao del Sur noong nakaraang buwan.

Sa Marawi, pinapaniwala ng rehimeng Duterte at ng lumilikha ng mga drone na risk-free at mas magiging epektibo’t eksakto ang kanilang mga pag-atake sa paggamit nito. Sa totoo, ang drone ay maibibilang sa mga sandata sa malawakang pagpatay dahil hindi nito napag-iiba ang kombatant sa sibilyan. Sa loob ng unang dekada ng paggamit ng US ng drone mula 2001, halos 4,000 tao ang namatay sa humigit kumulang 420 “targeted killing operations. Noong 2010, inamin ng CIA sa isang ulat na sa halos 2,500 Pakistani na pinatay sa pamamagitan ng drone, 35 lamang ang tunay na target. Ang iba ay mga pinagdududahan lamang na terorista.

Bago pa man ideklara ni Duterte na “terorista” ang rebolusyonaryong kilusan, walang humpay na ang paggamit ng kanyang pasistang tropa ng mga attack helicopter at drone laban sa mamamayan at Pulang hukbo. Nitong nakaraang buwan, nag-ulat ang BHB-SMR na kasabay ng pagdating ng papalaking pwersang militar sa mga komunidad, gabi-gabing may umiikot na kulay puting mistulang drone sa kanilang erya. Magsisimula ito nang alas-6 ng gabi hanggang alas-4 nang madaling araw. Naiulat din ng isa pang yunit ng BHB na ginamit ng kaaway ang drone para tukuyin ang pusisyon ng Pulang hukbo. Anila, bago pa makita sa himpapawid, nakarinig sila ng ugong na bahagyang mas mahina sa attack helicopter. Sa layong 200-300 metro nakita ng tropa ng BHB ang isang quad drone may apat na paa at taas na 2-3 sq.ft. Inikot nito ang tereyn sa loob ng 7-10 minuto.

Walang kinikilala ang mga drone kundi ang nagpapatakbo rito, at maaaring maging kumpyansa ang nagkokontrol rito sa pag-atake dahil malayo sila sa aktwal na labanan. Dagdag pa, maraming pagkakataong bumabagsak ito dahil sa mga problemang teknikal. Sa nagdaang dekada, naitala ang higit 400 na mga drone ang bumagsak.

Dahil reaksyunaryo, mersenaryo at walang suporta mula sa masa, mas umaasa ang AFP at tulad nitong mga pasistang hukbo sa mamahaling mga kagamitang militar na binibili gamit ang kaban ng bayan. Ang pinagmamalaking spy drone ay walang iba kundi mekanisadong impormer na mas malayo ang abot ng tanaw at mas mabilis makapagpapaabot ng impormasyon sa handler nito. Tulad ng karaniwang maniniktik, hindi nito nakikita ang sinumang tao na nakakubli sa likod ng bato, dingding na kahoy, malaking puno, makapal na gubat, kahit pa nga sa likod lamang ng salamin o aluminum foil kung hindi nakadikit ang katawan dito sa nasabing mga bagay. Ang drone na pang-atake naman ay naiiba lamang sa eroplanong pandigma dahil wala itong piloto na maaaring mabaril ng kalaban. Sadyang ginagawa ng estado na “nakamamangha” ang bagong kagamitan upang makadagdag na panakot sa mamamayan.

Kailangang pag-aralan ang iba’t ibang paraan para kontrahin ang kapasidad ng mga drone na pangsarbeylans at pang-atake. Kailangang alamin kung saan nakapondo ang mga drone na ginagamit at ang ground control system ng mga ito para mabira. Tuluy-tuloy na pag-aralan at magpaunlad ng mga pamamaraan para iwasan, biguin o isabotahe ang mga ito.

Magagamit nang palatandaan ang paglipad ng mga drone para mataya ang planong operasyon ng kaaway at posibleng mga peligro sa mga himpilan at yunit ng BHB. Gumawa ng mga angkop na hakbang sa pagkilos at komunikasyon.

Dapat maagap na iulat ng mga yunit ng BHB at mga lokal na sangay ng Partido ang paglipad ng mga pangsarbeylans na drone sa kani-kanilang mga saklaw at ang ginawang mga hakbang para biguin ang mga layunin nito.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20171221-paggamit-ng-mga-drone-sa-mamamayang-lumalaban/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.