Propaganda editorial from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Dec 21): Editorial - Buong tatag na labanan at ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte
Ibayong pandarambong, malalang kahirapan at pinatinding kabangisan ng panunupil ang hinaharap ng mamamayan sa darating na taon. Mabilis na pinalalalim ng pasistang rehimeng US-Duterte ang libingan nito sa patuloy na pag-alipusta at pagpapahirap sa nagagalit nang mamamayan.
Isang taong batas militar sa saklaw ng Mindanao ang inaasahang solusyon ni Duterte sa krisis na kinakaharap ng kanyang rehimen. Sa pagpapatuloy ng batas militar, higit na mandarahas ang AFP at lubos na gagamitin ng estado ang Human Security Act (HSA) laban sa kalayaang sibil at demokratikong karapatan ng mga tumutunggali sa kanyang pasistang paghahari. Maipagpapatuloy at palalawakin pa ang panganganyon at pambobomba mula himpapawid sa mga komunidad sa kanayunan, ang pagsakop ng mga sundalo sa mga bahay, eskwelahan at gusaling sibilyan, sapilitang ebakwasyon, blokeyo sa pagkain, panghahalughog, pang-aaresto at pamamaslang. Maisasagawa at mapatitindi ang pasistang teror laban sa progresibo at demokratikong kilusang masa sa kalunsuran na malisyosong inuugnay sa rebolusyonaryong kilusan para bigyang-katwiran ang malawakang panggigipit sa kanilang hanay.
Bagamat sa papel ay Mindanao lamang ang sakop ng batas militar, ang totoo’y marami nang pasistang hakbang ang sumasaklaw sa buong bayan. Sa buong bansa, naghahari-harian na si Duterte na parang diktador at sa maraming lugar ay namamayagpag ang berdugong AFP. Gaano man kabaho o kawalang-katwiran ang kanyang mga panukala ay pinagtitibay ng kongreso na kontrolado niya, at patuloy siyang gumagawa ng hakbang para ikonsolida ang paghawak sa korte suprema at ombudsman.
Itinakdang layunin ng pasistang diktadurang US-Duterte na dudurugin ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan bago magtapos ang 2018, una sa pagpulbos nito ng pwersa sa Mindanao at pagkatapos ay isusunod ang Luzon at Visayas, gamit ang mga bagong armas na ipinautang ng amo nitong imperyalistang US. Pinagsisikapan ni Duterte na busalan ang pinakamatatag na mga kumokontra sa kanyang mga plano at pagpapatupad ng interbensyong US sa Pilipinas. Minamaniobra nito ang pagbabago ng konstitusyon sa tabing ng pederalismo upang walang hanggang ipasok sa Pilipinas ang mga baseng militar at lubos na ipadambong ang yaman ng bayan sa pamumuhunan at pagmamay-ari ng dayuhang kapital, at bigyang laya rin ang pagkamal ng tubong korapsyon ng kanyang pamilya at mga kroni.
Kasabay nito, ganap na inaalipusta ni Duterte ang mga hinaing ng mamamayan para sa mga batayang repormang sosyo-ekonomiko na lulutas sa lumalalang karalitaan, kawalang-hanapbuhay, kawalang-lupang sakahan, di-nakabubuhay na sahod, at tumataas na mga presyo ng bilihin. Sa kabila ng mga reklamo ng ilang kongresista mismo, isinagasa niya nitong Disyembre 19 ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) na nagpapataw ng dagdag na buwis sa mamamayan. Isinagasa rin nito ang badyet para sa 2018 na batbat ng korapsyon para sa kanyang mga alipures sa burukrasya sibil at mga pwersang panseguridad.
Nananatiling naghihikahos ang mamamayan. Nasa 22 milyong Pilipino ang dumaranas ng matinding paghihirap at nabubuhay nang wala pa sa P60/araw. Mahigit 11 milyong Pilipino ang walang trabaho o kulang sa trabaho. Nagpapatuloy ang pinakamasasahol na porma ng kontraktwalisasyon at nakapako pa rin sa pinakamababa ang arawang sahod. Halos 6,000 manggagawang Pilipino ang nangingibang-bayan araw-araw dahil sa kawalan ng trabaho sa loob ng bansa. Ayon sa mga estadistika mismo ng gubyerno, aabot sa 784,000 mga trabaho ang nawala sa unang hati pa lamang ng taon.
Laganap ang kawalan ng lupa, disenteng tirahan at serbisyong panlipunan. Samantala, lalupang yumaman ang mga burgesya-kumprador sa ilalim ng panunungkulan ni Duterte. Para sa taong 2017, umaabot na sa $74 bilyon ang pinag-isang halaga ng 50 pinakamayayamang indibidwal sa Pilipinas.
Lalong lumilinaw sa hinaharap na kalagayan na makatarungan at tumpak ang digmang bayan. Walang ibang maaasahang solusyon ang mamamayan para sa kanilang pagginhawa at kasaganahan kundi ang magkaisa at hawakan sa sariling kamay ang kapalaran.
Sa matagalang digmang bayan, dapat maglunsad ang BHB ng paparaming taktikal na opensiba na mahusay na napagpaplanuhan gamit ang mga prinsipyo ng gerilyang pakikidigma, nakasalig sa malalim at malawak na baseng masa, at ipinatutupad ng mga Pulang mandirigmang may mataas na diwang mapanlaban. Walang magagawa ang pinagmamayabang na mga hi-tech na armas sa hukbong bayan na mahigpit na sinusuportahan ng mamamayan at tinatanggap bilang sariling tagapagtanggol.
Dapat patuloy na mag-organisa at kumilos ang masa sa kanayunan at kalunsuran, sa armado at hindi armadong paglaban para sa sariling mga kahilingan.
Ang mamamayan sa mga rebolusyonaryong base ay dapat patuloy na maglunsad ng rebolusyong agraryo at sumapi sa hukbong bayan. Magbuo ng mga milisya na magpapalawak sa saklaw ng mga taktikal na opensiba ng mga regular na pwersa ng BHB. Magtayo ng mga network ng paniktik para mabigo ang mga operasyon ng kaaway at mga grupong sapper na tutukoy at mangwawasak sa mga kagamitang militar ng kaaway, lalo na ang mga makabagong ekwipment.
Sa kalunsuran, dapat ipagpatuloy ng mga demokratikong pwersa ang paggiit sa kanilang makatarungang mga kahingian sa karapatang sibil at pangkabuhayan, sa papalaking bilang ng mga kilos-masa.
Sa harap ng pananalasa ng pasistang teror, dapat pamunuan ng Partido ang malapad na pagkakaisa ng masang manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, taong simbahan, propesyunal, mga patriyotikong negosyante at iba pang demokratikong grupo at indibidwal upang labanan ang pasistang teror ng rehimeng Duterte. Maaaring himukin maging ang mga patriyotikong sundalo at pulis, lalo na ang mga nagmula sa mga batayang uri, na ayaw maging pambala sa kanyon at instrumento ng panunupil sa kanilang kapwa mahirap.
Tulad ni Marcos, ang gaya-gayang butangerong si Duterte ay lubos na sumasandig sa among imperyalista nito habang nagsasagawa ng higit na garapalang korapsyon at maruming pamumuhay at mas malupit na panunupil sa mamamayan. Ngunit hindi tulad ni Marcos, mas malalim ang krisis pang-ekonomya ngayon dulot ng ilan nang dekadang pananalasa ng mga neoliberal na patakaran, at mas malawak na ang rebolusyonaryong kilusang natuto ng mahahalagang aral mula sa mas matagal na nitong pakikibaka.
Sa huli’y walang nagawa ang diktadurang Marcos sa pagtatagpo ng iba’t ibang pwersang pampulitika sa isang malapad na nagkakaisang prente. Wala ring magagawa ang pasistang rehimeng US-Duterte sa mamamayang nagpasya nang lumaban.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20171221-buong-tatag-na-labanan-at-ibagsak-ang-pasistang-rehimeng-us-duterte/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.