Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Dec 21): Pamamaslang at panggigipit sa ilalim ng martial law
Tiyak ang pagtindi ng paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng muling pinalawig na martial law. Magpapatuloy ang pamamaslang, panggigipit, iligal na pang-aaresto at militarisasyon na isinasagawa ng reaksyunaryong hukbo. Lalupang dadami ang mga biktima ng karapatang-tao lalupa’t nagbanta si Duterte na gagamitin niya sa target practice ng kanyang mga bagong helikopter ang mga yunit ng BHB. Sa nakaraan, hindi ang BHB ang tinatamaan ng kanyang mga bomba kundi mga sibilyang komunidad.
Pamamaslang. Noong Disyembre 17, natagpuan ng Karapatan-Southern Mindanao ang bangkay ni Jeanni Rose Porras, 39, myembro ng Compostela Farmers Association (CFA) sa punerarya ng Nabunturan, Compostela Valley. Bago nito, nag-ulat ang anak ni Porras na mula pa Disyembre 15 ay nawawala na ang kanyang ina. Ayon pa sa anak, noong Disyembre 14, nagpaalam ang kanyang ina na may kakausapin ito, subalit lumipas ang maghapon na hindi ito umuwi at wala ring kontak sa selpon. Si Porras ay masigasig na tagapagtaguyod ng kalikasan laban sa mapaminsalang pagmimina at organisador ng mga magsasaka sa lugar. Matagal nang target ng pagpatay, iligal na pag-aresto at harasment ang mga myembro ng organisasyon ni Porras dahil sa mga anti-militarisasyon, anti-mina at repormang agraryong kampanya ng mga ito.
Noong Disyembre 9, natagpuan ang bangkay ni Bernardo Clarion, 24, sa Barangay Callawa, Davao City isang araw matapos i-reyd ng mga reaksyunaryong tropa ang bahay ng kanyang dinadalaw na kaibigan. Sugatan ang nasabing kaibigan ni Clarion at nawawala rin ang kanyang kapatid. Ang magkapatid na Clarion ay mga myembro ng organisasyong Sulong Kultura.
Sa Sorsogon, noong Disyembre 12, pinagbabaril ng mga elemento ng 31st IB at 508th PNP Public Safety Company sina Jonel Panelo Nuñez at Jun Ventura Gigantones sa Barangay Somagongsong, Bulan.
Noon namang Disyembre 8, alas-5 ng umaga, binaril-patay ng mga di nakilalang armadong kalalakihan si Aldrin Sese, organisador ng Pamalakaya ng Barangay Lagundi, Batuan, Masbate.
Iligal na pang-aaresto at panggigipit. Noong Disyembre 19, inaresto ng mga myembro ng PNP- San Mariano sa Isabela si Elmerito Pagulayan, tagapangulo ng Danggayan Dagiti Mannalon Iti Isabela (DAGAMI)-San Mariano. Sinampahan si Pagulayan ng gawa-gawang kaso ng bigong pagpatay.
Noong Disyembre 16, pinasok ng 22 nakasuot-sibilyang mga sundalo ng 88th IB ang training center ng Buffalo-Tamaraw-Limus (BTL) sa Field 1, Musuan, Maramag, Bukidnon. Hinahanap nila ang tagapangulo ng BTL na si Winnie Loable. Isang araw bago nito, pumunta rin ang tatlong ahenteng militar sa lugar at hinanap naman si Ebaristo Forten, tagapangulo ng Limus.
Noong Disyembre 13, iligal na inaresto ng Marine Battalion Landing Team 7 ang walong Dulangan Manobo sa Sityo Blanga, Barangay Nalilidan, Kalamansig, Sultan Kudarat, alas 4:30 ng hapon. Kinilala ng Karapatan-Soccsksargen ang mga biktimang sina Kuya Gantangan, Anto Gantangan, Jonard Gantangan, Dodo Gantangan, Dinky Gumpay, Palut Saglang, Kasio Ciano at Jitre Gantangan. Mga myembro sila ng Kesasabanay Dulangan Manobo (Keduma), lokal na organisasyon na mariing tumututol sa planong pagpapalawak at pangangamkam ng lupaing ninuno ng David M. Consunji, Inc (DMCI).
Noong Disyembre 16, namatay sa trauma si Joshua Gantangan, 2 taong gulang, matapos pasukin ng MBLT 7 ang kanilang bahay sa Sityo Tinagdanan, Barangay Hinalaan, Kalamansig. Isinugod siya sa ospital pero patay na nang dumating.
Noong Disyembre 12, inaresto ng mga pulis ng Bangued, Abra si Sherwin De Vera, manunulat ng Northern Dispatch Weekly at aktibistang makakalikasan. Ayon sa mga pulis, si De Vera ay may warrant of arrest sa kasong rebelyon na isinampa noong 2014.
Nakatanggap naman ng mga mapagbantang mensahe sa selpon noong Disyembre 18 si Kath Cortez, mamamahayag ng Radyo ni Juan Network-Davao dahil sa kanya umanong pagbatikos sa gubyerno at pagpanig sa mga komunista.
Sa Western Samar noong Disyembre 10, inaresto ng mga sundalo ng 14th IB ang dalawang magsasaka at myembro ng Asosasyon han Kablas nga Parag-uma na sina Doydoy Edusma at Hosep Harumay. Hindi pa natutukoy kung saan dinala ang dalawa bagaman may mga nakakita na kasama sila ng mga sundalo sa Barangay Tula, Paranas. Sa panahong iyon, nakasuot umano si Edusma ng uniporme ng sundalo samantalang si Harumay ay may dalang isang sakong bigas na dapat sana ay dadalhin nito sa kubo nila nang araw na iyon.
Bago nito, noong Disyembre 6, alas 11:30 ng umaga, pinuntahan ng mga pinaghihinalaang ahenteng militar ang bahay ni Reylan Vergara, lider ng organisasyon ng karapatang-tao sa Panay. Umalis lamang ang mga ahente nang lumabas sa bahay ang byenan ni Vergara.
Sa Bukidnon noong Disyembre 3, inaresto ang dalawang lider-magsasaka. Sa Don Carlos, inaresto nang walang mandamyento sina Welhilmino Espinar, pangalawang tagapangulo ng Kahugpongan ng mga Mag-uuma sa Bukidnon, at Jocelyn Palpagan, taga-Maramag, lider ng KADAMAY-NMR.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20171221-pamamaslang-at-panggigipit-sa-ilalim-ng-martial-law/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.