Saturday, May 6, 2023

CPP/Ang Bayan: Maruming taktika ng AFP ng pagdukot at sadyang pagpatay

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 7, 2023): Maruming taktika ng AFP ng pagdukot at sadyang pagpatay (Dirty tactics of the AFP of abduction and deliberate killing)
 





May 07, 2023

Sunud-sunod na kaso ng pagdesaparesido (sapilitang pagkawala) ng mga sibilyan, aktibista at rebolusyonaryo ang naiulat sa nagdaang linggo sa buong bansa. Hindi bababa sa walo ang dinukot ng mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) habang tatlo ang sadyang pinatay. Ang mga biktima ng pagpatay ay pinalalabas na nasawi sa mga “engkwentro” sa pagitan ng AFP at Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Ang mga kasong ito ay lubhang paglabag sa internasyunal na makataong batas at sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).
Karahasang-militar sa Negros

Sadyang pinatay ng 94th IB ang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa Negros na si Rogelio Posadas at iniratay ang kanyang bangkay sa Barangay Santol, Binalbagan, Negros Occidental noong Abril 20. Pinalabas na napaslang siya sa serye ng mga pekeng engkwentro.

Dinukot si Posadas ng militar noong gabi ng Abril 19 habang bumibyahe sa Aranda-La Castellana Road sa bayan ng Hinigaran. Kasama niyang dinesaparesido si Lyngrace Martullinas at ang dalawang sibilyang drayber ng inarkila nilang motor na sina Renren delos Santos at Renald Mialen. Hindi pa inililitaw ang tatlo hanggang sa ngayon.

Noong Abril 28, sadya ring pinatay ng 62nd IB ang maysakit na Pulang mandirigma na si Anthony Curson (Ka Miguel), 22 anyos, sa Sityo Malatanglad, Barangay Budlasan, Canlaon City. Si Curson ay may sakit sa kidney at wala sa katayuang lumaban sa panahong iyon.

Nang madakip, dinala si Curson sa bahay ng magsasakang si Leonido Montero at doon labis na pinahirapan bago pinatay. Matapos nito, si Montero ay ipinailalim sa tortyur, inaresto at ikinulong sa gawa-gawang mga kaso.

Noong Mayo 3, isang magsasaka ang dinampot ng 94th IB mula sa kanyang bahay sa Sityo Paloypoy, Barangay Buenavista sa Himamaylan City at ginapos, ininteroga at pinatay. Kinilala ang biktima na si Crispin Tingal Jr.

Hindi pa nakuntento, hinabol din ng mga sundalo ang anak ng biktima at pinagbabaril. Nakatakas siya at nakaiwas sa pagpapaulan ng bala ng mga berdugo. Dulot nito, hindi bababa sa walong pamilya ang napilitang lumikas.

Samantala, nanawagan ng hustisya ang grupong BPO Industry Employees Network (BIEN) Philippines sa pagpaslang sa unyonista at kasapi nitong si Alex Dolorosa sa Bacolod City. Natagpuan ang kanyang bangkay sa Villa Sto. Rosario, Barangay Alijis noong Abril 24. Huling nakitang buhay si Dolorosa noong gabi ng Abril 23.

Nagsilbing paralegal at organisador ng BIEN si Dolorosa. Bago siya pinatay, isinailalim siya sa sarbeylans ng mga ahente ng estado.
Iba pang kaso ng pagdukot

Dinukot ng mga sundalo ng 4th IB ang dalawang tagapagtanggol ng karapatan ng katutubo sa Sityo Buol, Barangay Santa Teresita, Mansalay, Oriental Mindoro noong Abril 24. Ang dalawa, na kinilala bilang sina Mary Joyce Lizada at Arnulfo “Ompong” Aumentado, ay mga kasapi ng Bigkis at Lakas ng mga Katutubo sa Timog Katagalugan (BALATIK).

Inilitaw sila ng militar noong Abril 26 sa isang palabas na engkwentro bilang mga “sugatan na naaresto.” Nakapiit sila ngayon sa kampo ng 2nd ID sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal at pinagkakaitan ng karapatan na madalaw at makausap ng mga kaanak at abugado.

Dinukot at hindi pa rin inililitaw ng mga pwersa ng estado si Dexter Capuyan, isang Bontoc-Ibaloi-Kankanaey na mula sa La Trinidad, Benguet at Gene Roz Jamil De Jesus, isang tagapagtanggol ng karapatan ng mga katutubo. Ayon sa mga grupo ng karapatang-tao, ang dalawa ay huling nakontak noong gabi ng Abril 28 habang nasa Taytay, Rizal para magpatingin sa ospital si Capuyan.

Labis ang pag-aalala ng mga kaanak sa kalagayan at kaligtasan ng dalawa dahil si Capuyan ay inakusahan ng AFP na lider umano ng BHB sa rehiyong Ilocos-Cordillera at pinatungan ng ₱1,850,000.00 para sa kanyang pagkakadakip. Liban dito, idinadawit din si Capuyan sa mga kaso ng pagpatay, bigong pagpatay at tangkang pagpatay sa mga sundalo ng AFP noong Pebrero 2015 sa Barangay Namitpit, Quirino, Ilocos Sur.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://philippinerevolution.nu/2023/05/07/maruming-taktika-ng-afp-ng-pagdukot-at-sadyang-pagpatay/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.