Saturday, May 6, 2023

CPP/Ang Bayan: Lihim na pasilidad militar ng US, itinatayo sa Ilocos Norte

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 7, 2023): Lihim na pasilidad militar ng US, itinatayo sa Ilocos Norte (Secret US military facility, being built in Ilocos Norte)




May 07, 2023

Paspasang nagtatayo ang mga sundalong Amerikano, katuwang ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ng mga base militar nito sa Barangay Bobon, Burgos, Ilocos Norte. Ang lugar na ito ay hindi kabilang sa mga lokasyon na inianunsyo ng gubyernong Marcos kung saan magtatayo ng mga pasilidad ang US sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Inangkin ng US ang 30 ektaryang lupa kung saan ipinwesto ang 40 kanyong howitzer. May mga itinayong gusali na inamin mismo ng mga sundalong Amerikano na gagamitin para sa pagsubaybay o monitoring sa galaw ng militar ng China. Nagtatayo rin ang US ng seawall na kasinlapad ng kalsada bilang portipikasyon ng kanilang base. May haba itong 800 metro, kapal na 15 metro at pundasyong apat na metro pataas at walong metro pailalim.

Nag-aasal hari ang mga sundalong Amerikano sa lugar. Mula Marso 16 hanggang 26, isinagawa nila, kasama ang mga sundalong Pilipino, ang 7-araw na simulation at live-fire exercises sa lugar. Hindi nakapangisda ang maliliit na mangingisda sa mga araw na ito. Nagpahayag sila ng pangamba na magkaroon ng sagupaan ng mga pwersa ng US at China.

“Mahirap ang lagay natin dito,” pahayag ng isang mangingisda. “Paano na lang kapag nasa laot tayo tapos biglang nagputukan ang kanilang mga rocket?” Problema rin sa kanila ang “seawall” na itinayo dahil sagka ito sa kanilang paglusong at pag-ahon sa dagat.

Nang maglunsad ng military drills ang US sa San Joaquin, Sarrat, isinangkot nila ang ilang sibilyan. “(Sa treyning), kami ang nagbubuhat sa mga sundalong Amerikano na kunwari ay mga kaswalti sa gera,” kwento ng isang residenteng pinalahok sa pagsasanay. “Ibig sabihin, ‘pag totoong gera na ay kami ang tagabuhat sa mga sundalong Amerikano na makakaswalti. Ang bibigat pa naman nila!”

Punang-puna ng mga residente ang aroganteng asta ng mga Amerikanong sundalo. Ipinagyayabang nila sa masa na ang mga pasilidad na ipinwesto sa ginagawang kampo militar ay para tiktikan ang galaw ng tropang Chinese at ipinapailanlang nilang mga rocket. Ipinapapanood pa nila sa masa mula sa kanilang mga kompyuter ang kanilang missile network na nakatuon sa China. Di maitatanggi, bahagi ang Ilocos Norte sa opensibang estratehiyang “First Island Chain” ng US laban sa China.

Kasabay nito, pinalakas ng papet na Armed Forces of the Philippines ang presensya nito sa prubinsya. Kasama ng isang kumpanya ng US Marines sa Barangay Bobon ang 4th Marine Brigade Landing Battalion (MBLB). Unang dumating ang batalyon na ito sa Ilocos Norte bilang kalahok ng Balikatan na isinagawa sa bayan ng Currimao noong Hunyo 2022.

Sa ulat ng mga residente, regular na nagrerekorida ang mga pwersang Pilipino at Amerikano sa kahabaan ng haywey mula Tarrag at Balaoi sa Pagudpud hanggang Claveria, Cagayan gamit ang dalawang siksbay. May tig-isang iskwad ng US Marines na nakaistasyon sa Cabungaan South sa Laoag at sa Laoag Airport mismo.

May mga pwersa rin ng US Marines sa Currimao, sa lugar na dating pinagdausan ng Balikatan. Sa bayan ng Sarat, inilusot ng US Marines ang kanilang presensya sa pagkukunwaring nagtatayo ng isang health center. Lahat ng mga barangay at bayan na ito ay nasa baybaying nakaharap sa South China Sea.

Anumang gawing pagpapabango ng mga tropang Amerikano sa lugar, batid ng mga residente sa apektadong mga barangay na magiging mas bulnerable ang bansa sa ligalig ng napipintong imperyalistang digmaan.

“Anumang kaunlaran na sinasabi nilang hatid ng mga tropang Amerikanong iyan, kung ang kapalit naman nito ay ang mas mahirap na kalagayan kapag nagkadigmaan dito sa ating bayan, ay di bale na lang.” Tugon ito ng mga residente sa ipinangangalandakan ng mga tropang Amerikano na ang mga misyon nila ay para sa “pag-unlad ng komunidad.”

Katunayan, laking tuwa nila nang makansela ang bahagi ng Balikatan exercises na itinakdang idadaos sana sa Ilocos Norte noong Abril 24.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://philippinerevolution.nu/2023/05/07/lihim-na-pasilidad-militar-ng-us-itinatayo-sa-ilocos-norte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.