Saturday, May 6, 2023

CPP/Ang Bayan: Makabuluhang dagdag-sahod, panawagan ng mga manggagawa sa Mayo 1

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 7, 2023): Makabuluhang dagdag-sahod, panawagan ng mga manggagawa sa Mayo 1 (Significant wage increase, workers call for May 1)
 





May 07, 2023

Libu-libong manggagawa sa pangunahing mga syudad ng Pilipinas ang nagmartsa noong Mayo 1, Internasyunal na Araw ng Paggawa, para ipanawagan ang makabuluhang pagdagdag sa sahod at seguridad sa trabaho. Binatikos nila si Ferdinand Marcos Jr sa pakitang-tao niyang mga hakbang at kawalang-tugon sa hinaing ng mga manggagawa.

Sa Metro Manila, 10,000 manggagawa sa ilalim ng All Philippine Trade Unions (APTU) ang nagmartsa mula España tungong Mendiola Bridge sa Maynila. Binubuo ang APTU ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Kilusang Mayo Uno (KMU), Nagkaisa! Labor Coalition, Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), at iba pang mga grupong manggagawa. Kalahok sa martsa ang mga magbubukid, mga propesyunal, kabataan at iba pang demokratikong sektor.

Matapos ang pagkilos sa Mendiola, nagtungo ang KMU at Bagong Alyansang Makabayan sa embahada ng US para kundenahin ang patuloy na paglabag sa karapatang-tao na pinatindi ng ayudang militar ng US. Kinundena nila ang pangangayupapa ni Marcos sa US at nanawagan sa pagbabasura sa mga di pantay na tratadong militar.

Sa Laguna, umabot sa 3,000 manggagawa, kabataan, taong-simbahan at iba pa ang nagtipon sa Calamba Crossing. Nagkaroon din ng programa sa loob ng University of the Philippines-Los Banos.

Sa Cebu City, ginunita ng mga manggagawang Sugbuhanon ang Araw ng Paggawa sa isang martsa sa Osmeña Blvd. Sa Davao City, 400 myembro ng KMU-Southern Mindanao Region at iba pang makabayang organisasyon ang nagtipon para sa paggunita ng Mayo Uno. Pahayag nila, malayong hindi nakasasapat ang ₱428 hanggang ₱443 na minimum na sahod sa rehiyon para tugunan ang batayang pangangailangan ng isang pamilya.

Sa Albay, nagtipon ang mga manggagawa sa Legazpi City sa pangunguna ng May One Committee Bicol. Lumahok sa rali ang mga drayber mula sa No to Jeepney Phaseout Alliance na nagsagawa ng karaban mula Busay, Daraga.

Sa Baguio City, nagtipon sa Igorot Park ang mga myembro ng KMU-Baguio at iba pa sa kabila ng lamig at bumubuhos na ulan. Anila, ang sahod ng manggagawa sa Cordillera na ₱400 ay hindi makahabol sa tumataas na presyo ng bilihin.

Sa Bacolod City, pinangunahan ng United Labor Alliance Negros (ULAN) ang pagkilos para sa karapatan at pambansang minium na sahod na ₱750. Bago makarating ang delegasyon na mula sa Kabankalan City at South Negros, hinarang ang mga ito ng mga pulis sa malapit sa Lorenzo Zayco District Hospital.

Sa Cagayan de Oro, hinarang din ng mga pulis ang 70 myembro ng KMU na nakamotorsiklo sa Barangay Bugo na papunta sa sentro ng syudad para lumahok sa rali. Ayon sa pulis, nagmula sa pambansang pamunuan ang utos na “i-monitor” ang kilos ng mga militanteng organisasyon ng manggagawa sa buong bansa.

Samantala, kinundena ng APTU ang arbitraryong pagbubuo ni Marcos ng isang komite para sa koordinasyon at pamamahala sa pagresolba ng mga kaso sa paggawa sa bansa sa pamamagitan ng Executive Order (EO) 23.

Malayong hindi nakabubuhay ang kasalukuyang minimum na sahod dahil mas mababa ito sa upisyal na “poverty threshold” o pamantayan ng kahirapan na itinakda ng reaksyunaryong estado, ayon sa pag-aaral ng Ibon Foundation.

Mababang itinakda ng Philippine Statistics Authority, ang poverty threshold para sa isang pamilya sa ₱12,030 kada buwan o ₱79 kada araw kada tao. Mas mababa pa rito ang abereyds na minimum na sahod sa buong bansa na nasa ₱8,902 kada buwan lamang. Malayong-malayo ito (63% na mas mababa) sa abereyds na nakabubuhay na sahod na ₱23, 787 kada buwan.

Mas mababa pa ang minimum na sahod ng mga manggagawang-bukid. Ayon sa estadistika ng estado, nasa ₱331 kada araw lamang ang abereyds na tinatanggap na sahod ng mga manggagawa sa mga plantasyon, tubuhan at iba pang empresang pang-agrikultura.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://philippinerevolution.nu/2023/05/07/makabuluhang-dagdag-sahod-panawagan-ng-mga-manggagawa-sa-mayo-1/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.