Tuesday, March 22, 2022

CPP/Ang Bayan: Panunumbalik ng open-pit mining at TGCP, mariing tinututulan

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 21, 2022): Panunumbalik ng open-pit mining at TGCP, mariing tinututulan (Restoration of open-pit mining and TGCP strongly opposed)
 


Ang artikulong ito ay may salin sa Bisaya




March 21, 2022

Mariing tinututulan ng mamamayan ng South Cotabato ang hakbang ng lokal na gubyerno na amyendahan ang Environment Code na nagbabawal sa open-pit mining sa prubinsya. Noong Pebrero, dalawang serye ng konsultasyon ang kunwa’y isinagawa ng mga lokal na upisyal para kunin ang upinyon ng mga residente. Ito ay kahit wala namang nagbabago sa mga batayan kung bakit una nang ipinagbawal ang pamamaraang open-pit sa prubinsya. Mahigit 3,000 mamamayan ang lumahok sa konsultasyon para tutulan ang open-pit mining. Kabilang sa mga tumututol ang Archdiocese ng Marbel, mga organisasyong magsasaka, mga lider ng mga setler at ng tribung B’laan na lubhang apektado sa mga operasyon ng kumpanya.

Ang mga konsultasyon ay isinagawa sa tulak ng Sagittarius Mines Incorporated (SMI), kasabwat ang ilang mga upisyal at gamit ang ilang lider-katutubo, para muling bigyan-daan ang operasyon ng Tampakan Gold-Copper Project (TGCP). Isa ito sa mga proyektong muling nabuhay matapos ilabas ng rehimeng Duterte ang Executive Order 130 na muling nagpahintulot sa pamamaraang open-pit sa pagmimina sa tabing ng pagbuhay ng ekonomya. Ipinatigil ang ganitong mga operasyon ng noo’y Deparment of Environment and Natural Resources Sec. Gina Lopez.

Noong Oktubre 2021, lumagda ang mahigit 90,000 indibidwal sa petisyon laban sa pag-amyenda sa Environment Code. Bago nito, ibinasura ng isang lokal na korte noong Oktubre 2020 ang kasong isinampa ng SMI para ipawalambisa ang lokal na batas.

Isinabatas ang Environment Code noong 2010 dulot ng paggigiit ng mamamayan sa prubinsya na itigil ang open-pit mining ng noo’y Xstrata-SMI. Naging kasangkapan ang kodigo sa paghadlang ng mamamayan sa TGCP sa harap ng Executive Order 79 ng rehimeng Benigno Aquino III na naglalayong pangibabawan ang pagbabawal sa open-pit mining at pagkalooban ng Environmental Compliance Certificate ang SMI noong Pebrero 2013.

Ang TGCP ay sumasaklaw sa ilampung libong ektarya ng mina sa hangganan ng mga prubinsya ng South Cotabato, Davao del Sur, Sultan Kudarat at Sarangani Province. Sinasabing ito ang pinakamalaking mina ng ginto sa buong South East Asia. Sinasabi ring isa ito sa may pinakamalaking deposito ng copper sa buong mundo.
Walang lubay na paglaban

Tatlong dekada nang nilabanan ng mamamayan ng Far South Mindanao ang TGCP sa paraang armado at di armado. Dahil sa malakas at malawakang demokratikong kilusang masa at sa pakikiisa ng masigasig na armadong paglaban ng masa at matatagumpay na mga aksyong pagpaparusa at opensiba ng Bagong Hukbong Bayan sa rehiyon ay napalayas ang mga dambuhalang multinasyunal na noo’y nag-oopereyt ng mina.

Mula nang buksan ang mina, nagpalit-palit na ito ng may-ari. Noong 2005, ibinenta ng Western Mining Corporation ng Australia ang minahan sa Xstrata Plc., na nagbenta naman ng mga sapi nito sa Glencore noong 2013. Umalis ang Glencore noong 2015 at naiwan na solong opereytor ang SMI.

Sunud-sunod din ang mga tagumpay na ligal ang nakapigil sa tuluy-tuloy na operasyon ng mina sa mga panahong ito. Noong 2004, nanalo ang petisyong inihain sa korte ng organisasyong La Bugal na kumukwestyon sa ligalidad ng Mining Act of 1995. Binaliktad ito ng Korte Suprema dahil kinakailangan umano ng estado ang kita mula sa mga dayuhang mamumuhunan sa mina.

Noong Marso 2020, pinalawig ng rehimeng Duterte ang paso nang Financial and Technical Assistance Agreement nang 12 taon. Sinundan ito ng paglalabas ng National Commission on Indigenous Peoples ng “Certification Precondition” gamit ang diumano’y pagsang-ayon ng mga lider ng tribung B’laan. Subalit ayon sa mga ulat, hayagan ang panunuhol ng kumpanya para mapapayag nito ang mga lider ng mga tribo. Ang pinaghihinalaan namang patuloy na kumukontra ay tinatakot at pinagbabantaan ng militar.

Laganap na karahasan ang itinugon ng militar at mga bayarang ahente ng kumpanya para sa mga kumukontra sa proyektang mina sa anyo ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang, pagdukot at pagtortyur laban sa mga humahadlang sa mga operasyong mina. Ilan sa mga biktimang pinaslang ay ang mga aktibistang sina Renato Pacaide, magkapatid na Lagaro, Boy Billanes, ang mag-amang Datu Anting at Viktor Freay at si Jovy Capion at kanyang dalawang maliliit na anak. May mga kaso ng pagkawala ng ilang indibidwal ang iniuugnay din sa militar.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2022/03/21/panunumbalik-ng-open-pit-mining-at-tgcp-mariing-tinututulan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.