RCTU-ST
REVOLUTIONARY COUNCIL OF TRADE UNIONS
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
APRIL 20, 2020
LANTAD NA ang rehimeng US Duterte sa pagiging inutil, korap, pahirap, pasista, kriminal at pabaya sa kagalingan ng mamamayang Pilipino. Hindi kayang pagtakpan ng kanyang mga alipores at tagapagsalita ang kapalpakan at mabagal pa sa usad kuhol na pagresolba ni Duterte sa kasalukuyang pananalasa ng nakamamatay na pandemyang Covid-19, kahit pa nga pinalitan ng oportunistang si Atty. Harry Roque ang gasgas na bolerong si Salvador Panelo. Sa kasalukuyan, patuloy pa sa pagtaas ang bilang ng mga may kaso ng Covid-19 sa bansa na umabot na sa 6,087 cases, pagkamatay ng 397 habang 516 ang nakarekober. Umabot na rin sa 776 ang mga medical frontliners na nagkasakit at 22 ang namatay dulot ng bayrus dahil sa malaking kakulangan ng gobyerno para pangalagaan ang kanilang kaligtasan.
Hindi huhupa, bagkus ay papataas pa ang mga bilang na ito dahil wala namang komprehensibong plano ang gobyernong Duterte para agarang masugpo ang nakamamatay na bayrus. Sa nakalipas na 3 buwan, hindi pa nagkakaroon ng malawakang testing para alamin kung sino ang mga may sakit o nahawahan ng bayrus na Covid-19. Katunayan, naka-ilang pagbabago na ng takdang araw kung kailan sisimulan ng DOH ang “massive” testing sa mga kinokonsider nilang probable at suspect na may sakit. Wala ding planong magkaroon ng testing para sa contact tracing sa mga komunidad na relatibong may malaking bilang ng populasyon at hindi pa rin nakahanda ang mga pasilidad, medical personnel at mga kagamitang medikal na magagamit sana para sa paglaban sa pandemik na Covid-19.
Hindi na rin kayang pagtakpan ni Duterte ang namumuo at tumatalim na hidwaan sa kanyang mga gabinete, tuloy-tuloy ang bangayan sa pagitan ng mga nasa militaristang bloke laban sa mga ekonomista at panig sa malalaking negosyante. Dahil sa tunggaliang ito, napilitang magbitiw sa posisyon si NEDA chief Ernesto Pernia na nagtutulak na tapusin na ang nagaganap na “Lockdown” o Enhanced Community Quarantine dahil sa malakihang pagkalugi ng mga negosyante at pagbagsak ng ekonomiya ng bansa. Sa kabilang banda, ang mga alipures naman ni Duterte sa rubber stamp na Senado ay naglabas ng isang resolusyong humihiling na magbitiw na sa kagyat si DOH Sec. Francisco Duque dahil sa kanyang kapalpakan sa pagsugpo at paglutas sa mabilis na pagkalat ng impeksyon ng Covid-19.
Malinaw na pagliligtas ito sa mabaho na at umaalingasaw na imahe at reputasyon ni Duterte! Ang mabilis at sistematikong aksyon ng mga alipures ni Duterte na kagyat na humanap ng pwedeng masisi upang pagtakpan ang kapalpakan, kabagalan at kriminal na kapabayaan ng gobyerno ay pagsasalba sa mabilis na pagkalantad at pagkabulok ng rehimeng US-Duterte. Ang mga gabinete ay alter ego lamang ng pangulo kaya ibig sabihin, sumusunod lamang sila sa kagustuhan at utos ni Duterte. Malinaw kung gayon kung sino ang pangunahing may kasalanan at dapat magbitiw o patalsikin sa pwesto—walang iba kundi si Duterte mismo.
Sa kabilang banda, naghuhugas-kamay din ang Senado sa sariling kasalanan at kapalpakan sa niratsadang pagkapasa ng BAHO-A o Bayanihan to Heal as One Act (RA11469) na lalong nagdulot ng matinding kahirapan, kagutuman, panunupil at kamatayan sa mamamayan.
ISANG MALAKING KALAMIDAD na tumama sa bansa ang rehimeng US-Duterte dahil ‘di hamak na mas marami ang bilang ng pinaslang, pinahirapan at sinupil ng BAYRUS sa MALACAÑANG kumpara sa Covid-19.
Kitang-kita ang militaristang katangian ng rehimeng US-Duterte. Umabot sa minimum na 52 ang mga dating AFP at PNP opisyal na nakaupo sa gabinete at iba pang departamento ng gobyerno, hindi pa kasama dito ang mga inilagay nya sa mga posisyon sa pangrehiyong pamamahala gaya ng ARMM at iba pa. Sampu (10) dito ay nasa antas ng gabinete at ang 42 ay matatagpuan sa ibat-ibang departamento at institusyon ng gobyerno na may malalaking pondo bilang suhol sa kanila para maging sunod-sunuran sa kagustuhan ni Duterte.
Para mas patindihin ang panunupil at unti-unting pagpatay sa mga Pilipino, binalangkas ni Duterte, katuwang ang kanyang military inner circle na sina Gen. Lorenzana-Esperon-Año-Galvez at iba pang utak-pulbura sa kanyang gobyerno ang anti-mamamayang EO 70, NTF-ELCAC at Oplan Kapanatagan na may hungkag na panaginip na wakasan ang CPP-NPA-NDF at armadong tunggalian sa bansa. Dahil dito, mabilis na tumaas ang bilang ng nakararanas ng panunupil at karahasan.
Ayon sa Karapatan Monitor (June2016-July2019) may 266 biktima ng ekstra hudisyal na pagpatay (EJK) sa mga aktibista’t progresibo, 404 bigong EJK, 593 iligal na inaresto’t ikinulong, 1,850 iligal na pag-aresto na walang detention sa mga lider masa at kasapian ng mga progresibong organisasyon. Nagpapatuloy din ang pagtaas ng bilang ng mga katutubo, magsasaka at manggagawang nakararanas ng matinding panunupil, karahasan, intimidasyon, hamleting, panggigipit at pagpaslang. Pinalakas din ni Duterte ang Inter-Agency Committee on Legal Action (IACLA), pinangungunahan ito ng AFP at PNP na ang pangunahing layunin ay malawakang magsampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista at kritiko ni Duterte.
Kaliwa’t kanan ang paglabag sa karapatang pantao ng mga sundalo at kapulisan sa kanayunan at sa malalayong barangay. Gamit ang kamay na bakal, pinagbabawalan nila ang mga magsasaka na makapagsaka at makapunta sa kanilang mga bukirin at kaingin. Samantala, habang walang bantay ay sinisira nila at ninanakaw ang mga pananim at mga alagang hayop ng mga magsasaka. Mas masahol, malawakang pinapalayas sa mga lupaing ninuno at lupang agrikultural ang mga katutubo at magsasaka upang pagtayuan ng mga dam, minahan, plantasyon, negosyo at eko-turismo. Para sila mapalayas, malawakang isinasagawa ang walang habas na pamamaril sa mga kabahayan (8,480 biktima) at malawakang pagsasagawa ng aerial bombing at bombardment ng 105mm howitzer na nagdisloka’t puminsala sa kabuhayan ng 369,856 mamamayan.
Kahit sa gitna ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ), walang kahihiyang nagbabahay-bahay ang mga elemento ng Police Regional Office 4A(PRO4A) at AFP-SOLCOM sa mga lider manggagawa sa mga pagawaan sa Santa Rosa City, Laguna katuwang ang kanilang asset at bayarang si Rey Medellin, kinakausap ang mga lider at pamilya nila, tinatakot, pinapasuko at binabantaan dahil mga kasapi daw ng NPA at kapag hindi sumuko ay may mangyayari sa kanila at sa pamilya nila.
Sa kabilang banda, umabot na sa mahigit 30,000 ang pinapatay simula noong 2016 dahil sa inilunsad na war on drugs ni Duterte na ang karamihang biktima ay mga mahihirap na pinagbintangang sangkot sa iligal na droga. Hanggang sa kasalukuyan ay ipinatutupad ang malawakang pagpatay gamit ang Retooled Oplan Tokhang. Walang takot at kahit na katanghaliang tapat ay ginagawa ang pagpaslang sa mga lansangan, komunidad ng maralita at sa mismong mga bahay na ang pangunahing target ay ang mga maliliit na tao o maralitang pinaghihinalaang nagumon sa bawal na gamot.
Samantala, mabibilang sa daliri ang mga pinapatay o di kaya ay hinuhuling malalaking isda o mga drug lord, habang ang mga dati nang nakakulong na mga druglord sa National Bilibid Prison (NBP) ay binibigyan ng ibat-ibang mga prebilehiyo para maipagpatuloy ang kanilang mga iligal na transaksyon sa droga. Pinakawalan din si Peter Lim, isa sa kaibigan at alyado ni Duterte na pinaghihinalaang druglord matapos na bumisita sa Malacañang. Ginagamit din itong palabigasan ng mga kapulisan dahil sa kada mahuhuli ay pwersahang kinukunan nila ng P30k – P35K para makalaya ang mga biktima.
Pagpapasahol pa ng militaristang katangian gamit ang ECQ/Lockdown, pagmasaker sa kabuhayan at trabaho ng mga manggagawa at maralita
Kahapon ay ipinangalandakan na naman ni Duterte na ipapataw nya ang martial rule sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine kapag hindi sumunod sa ECQ ang mga tao at nagpatuloy pa ring tumataas ang bilang ng mga nahahawa at namamatay sa sakit ng Covid-19. Ipinagsigawan din ng kanyang recycled na tagapagsalita na si Atty. Harry Roque ang pagsisi sa mga tao kaya lumalala ang kondisyon ng pandemyang Covid-19, na sa esensya inaabswelto ang rehimeng US-Duterte na sagad-sa-buto ang kakuparan at kriminal na kapabayaan.
Dahil sa pagsasabatas ng BAHO-A (Bayanihan Heal as One Act), mas lalong nabigyan ng ngipin ang ipinatutupad na militaristang lockdown ng gobyernong Duterte. Ito ang naging mayor na dahilan ng pagmasaker sa mga trabaho’t kabuhayan, paglaganap ng matinding kagutuman, panunupil at paglabag sa karapatang pantao gaya ng right to movement, freedom of speech & expression at right to life ng mga Pilipino.
Maliban sa mas pahihigpiitin ang paggamit sa kamay na bakal o martial rule sa pagpapatupad ng ECQ, gagamitin na rin ang buong lakas ng military intelligence at CIDG para sa contact tracing na kagaya ng ginawa ni Mayor (Ret Gen.) Magalong sa Baguio City. Ituturing din ng kapulisan na kriminal ang mga bikima ng Covid-19 kapag di nila sinabi na sila’y positibo o nakakaranas ng sintomas ng bayrus kahit pa ang dahilan lamang ay ang pagkahiya o pagkatakot sa mararanasang diskriminasyon sa publiko.
Dahil sa ECQ o LOCKDOWN, lumaganap ang pagmasaker sa mga trabaho at kabuhayan ng mga maggagawa at maralita. Sa formal sector, umabot sa 1,049,649 ang apektadong manggagawa na nawalan ng trabaho/nagpatupad ng flexible work arrangement sa buong Luzon, habang sa rehiyon ng Timog Katagalugan ay aabot sa 129,899 manggagawa (MIMAROPA-30,721 at Calabarzon-99,178) ang apektado. Sa Calabarzon pa lamang na may 99,178 apektadong manggagawa na, kung ating kukwentahin ito sa P400 kada araw na sahod sa 26 araw (1 month), may nawawalang sahod sa mga manggagawa na aabot sa mahigit sa P1 Bilyon sa loob ng isang buwan.
Kung tutuusin, ang minimum na sahod na P10,400.00 kada buwan ng isang manggagawa ay kulang na kulang pa sa batayang pangangailangan ng isang pamilyang may 5 miyembro, pero ang mas nakakagalit ay ang lubusang alisin sa isang pamilya ng manggagawa sa rehiyon ang perang kinita sana nya kung hindi sa LOCKDOWN na dapat sana ay para sa pagkain at pangangilangan ng kanilang pamilya. Mumo lamang ang P5,000- P8,000 na consuelo de bobo na ayuda na ipinagyabang ni Duterte sa mga biktima ng ECQ. Hindi lahat ng mga manggagawang apektado ng lockdown ay nakakuha nito, katunayan aabot lamang sa 29,000 ang nabigyan ng DOLE CAMP na nagkakahalaga ng P6,500 kada manggagawa sa CALABARZON at P5,000 naman sa MIMAROPA.
Milyong mamamayan din ang nawalan ng kabuhayan mula sa informal na paggawa, maralitang lunsod, mga maliliit na negosyo, mga magsasaka at mangingisda. Hindi sapat ang P5,000 ipinamimigay mula sa DSWD at DAR, kulang na kulang ito sa batayang pangangailangan ng mga pamilya nila. Habang patuloy na minamasaker ng rehimeng Duterte ang trabaho at kabuhayan ng mga manggagawa, magsasaka at maralita, hayagang kinukurakot ng pangkating Duterte ang pondo ng bayan.
Mabilis na kumukulo ang napipintong pagsabog ng galit ng mamamayan laban sa isang pasista, korap, pabaya, pahirap at mamamatay-taong rehimeng US-Duterte. Kinakailangang kagyat na pangunahan ng mga manggagawa ang pagmumulat, pagpapakilos at pag-oorganisa hindi lamang sa kanilang sariling hanay kundi sa lahat ng sektor at aping uri ng lipunan. Kailangang puspusang labanan at talunin ang pananalasa ng BAYRUS na Covid-19 at ang mas matinding pananalasa ng mamamatay taong BAYRUS SA MALACAÑANG na pumatay na at papatay pa ng libo-libong mamamayang Pilipino!
SINGILIN ANG KRIMINAL NA PANANAGUTAN AT PABAGSAKIN ANG REHIMENG US-DUTERTE!
MABUHAY ANG RCTU-NDF-ST!
MABUHAY ANG CPP-NPA-NDF!!
MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!!!
https://cpp.ph/statement/militaristang-katangian-ng-rehimeng-us-duterte-wakasan-na-pagpapahirap-sa-sambayanang-pilipino-tama-na/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.