Wednesday, December 11, 2019

CPP/NPA-ST: 48 “sumukong” NPA sa Timog Katagalugan, SAY-WAR at FAKE NEWS! NPA sa Rehiyong TK, Matatag, Lumalakas, Lumalawak!

NPA-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 12, 2019): 48 “sumukong” NPA sa Timog Katagalugan, SAY-WAR at FAKE NEWS! NPA sa Rehiyong TK, Matatag, Lumalakas, Lumalawak!

JAIME 'KA DIEGO' PADILLA
SPOKESPERSON
NPA-SOUTHERN TAGALOG
MELITO GLOR COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
DECEMBER 12, 2019

Muling naglubid ng kasinungalingan ang AFP, ang numero unong tagapagpalaganap ng fake news sa bansa, sa pahayag nitong 48 ang “sumukong” NPA sa rehiyon matapos ang pagdakip sa tagapagsalita ng Melito Glor Command – NPA Southern Tagalog na si Jaime “Ka Diego” Padilla. Malisyoso at pang-iintriga ang pinalalabas nitong “nagkakagulo” sa loob ng hanay ng NPA dahil sa “takot” at “hindi pantay ang pagturing sa loob ng NPA.”

Taliwas sa pinangangalandakan ng AFP, nananatiling matatag, mahigpit ang pagkakaisa at patuloy na lumalakas, lumalawak ang NPA sa rehiyon. Totoong malaking kawalan ang pagkakahuli ni Ka Diego at pagkapaslang kay Ka Romano (Ermin Bellen) nitong nakaraan lamang, ganunman hindi ito magiging dahilan ng demoralisasyon, kaguluhan at pagkakahati. Lalung hindi kailanman natatakot ang NPA sa AFP-PNP. Mataas ang morale at diwang mapanlaban ng NPA sa rehiyon. Pinag-aalab lalo ito sa ipinapakitang kabayanihan at katatagan ni Ka Diego at Ka Romano sa kanilang sinapit sa kamay ng kaaway. Nag-aalimpuyo ang paghihimagsik ng mga kumander at mandirigma ng NPA sa rehiyon sa pagmasaker sa tatlong (3) kasama at paglapastangan sa karapatang tao ni Ka Diego na makapagpagamot. Titiyakin ng NPA sa rehiyon na makakamit nila ang rebolusyonaryong hustisya.

Sapat ang kasalukuyang bilang ng mga kadre ng Partido at opisyal ng BHB sa rehiyon upang punuan ang naging kawalan ng pagkawala ng mga kasama at mabilis na makakabawi ito mula sa mga pansamantalang kabiguan. Ang mga kadreng ito ay mahigpit ang pagsapol at matatag ang pagtangan sa paninindigan at prinsipyong isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan hanggang sa tagumpay.

Kabaliktaran sa inaasahan ng mersenaryong AFP-PNP at ng rehimeng US-Duterte, dahil sa dinaranas na matinding kalupitan, pagpapahirap at pambubusabos sa mamamayan ng rehimeng ito, naitutulak nito ang sambayanang Pilipino na lumaban sa lahat ng paraan at humawak ng armas. Sa katunayan, higit na dumarami ang sumasampa sa NPA mula sa hanay ng masang manggagawa, magsasaka, kabataang-estudyante, kababaihan at mga propesyunal. Ang rehimeng US-Duterte mismo ang numero unong rekruter ng NPA.

Kabaliktarang kabaliktaran din ang disiplina at demokrasya sa pagitan ng NPA at ng AFP-PNP. Sa AFP-PNP, pangunahing pinaiiral ang kunsiderasyon sa pera at prebilehiyo, bulag na pagsunod, paggamit ng pamimilit at dahas upang magrekrut at pasunurin ang kanilang mga tauhan. Makikita ito sa pagsisimula pa lamang ng pagsasanay ng mga batang sundalo, sa PMA man o sa iba pang eskwelahan ng AFP-PNP. Ang mga namatay na mga kadete ang magpapatunay sa katotohanang ito. Sa kabilang banda, sa NPA, umiiral ang prinsipyo ng boluntaryong pagseserbisyo ng bawat isa batay sa paniniwala sa kawastuhan ng rebolusyon at pagnanais na ilaan ang sarili upang paglingkuran ang masa. Sa NPA, buhay na umiiral ang pantay na karapatan sa pagitan ng mga opisyal at kawal at mahigpit na isinasabuhay ang tatlong demokrasya sa larangan ng pulitika, ekonomya at militar.

Nagsasalo sa hirap at ginhawa ang mga opisyal at mandirigma, nag-aaralan at nagpupunahan sa isa’t-isa upang maiwasto ang mga pagkakamali at higit na patibayin ang kanilang pagkakaisa at ang pagkakaisa ng NPA sa mamamayan.
Sa gayon, ang NPA sa rehiyon at sa buong bansa ay patuloy na nagtatamasa ng malawak, malalim at di masasaid na suporta mula sa masang inaapi at pinagsasamantalahan. Ang malawak at malalim na suportang ito ng mamamayan ang bertud ng NPA kung bakit hindi ito kailanman matalu-talo ng AFP-PNP sa kabila ng labis-labis na kalamangan nito sa armas, lohistika at suporta mula sa US.

HUNGKAG at simpleng SAYWAR lamang ang mga satsat ng tagapagsalita ng 2nd IDPA. Hangin itong walang laman ni bahid ng katotohanan. Nagiging katatawa-tawa lamang sila sa harap ng mamamayan. Dapat silang itakwil at labanan ng sambayanan at maging ng kanilang sariling mga sundalo na niloloko nila. Dapat nang mamulat ang mga batang sundalo at opisyal ng AFP-PNP. Dapat na nilang talikuran ang mersenaryo at pasistang tradisyon ng AFP at PNP. Dapat na silang sumanib sa nakikibakang mamamayan para ibagsak ang rehimeng US-Duterte, ang punong papet at pasista na nagpapahirap at sumusupil sa demokratikong karapatan ng sambayanang Pilipino.

Mabuhay ang di-magagaping Bagong Hukbong Bayan!#

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.