Wednesday, December 11, 2019

CPP/Ang Bayan: Mag-asawang magsasaka, pinaslang sa Butuan

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 7, 2019): Mag-asawang magsasaka, pinaslang sa Butuan

Binaril at napatay ng mga elemento ng Regional Mobile Force Battalion 13 ang mag-asawang sina Rolando, 55, at Josephine Egtob, 56, sa kanilang sakahan sa Sityo San Roque, Barangay San Mateo, Butuan City noong Disyembre 2, alas 3 ng hapon. Ang mag-asawa ay mga aktibistang magsasaka na kasapi ng UMAN o Unyon sa mga Mag-uuma sa Agusan del Norte.

Matapos ang pamamaslang, pinalabas ni PCapt Emerson Alipit, tagapagpagsalita ng Butuan City Police Office, sa panayam sa kanya sa radyo, na kasapi umano ang mag-asawa ng Bagong Hukbong Bayan at nabaril sa isang engkwentro. Mariin itong pinabubulaan ng mga anak ng mga biktima. Anila, magsasaka ang kanilang mga magulang at wala silang mga baril. Pinasinungalingan din nila ang umano’y engkwentrong naganap.

Tangkang pagpaslang

Sa Surigao del Sur, pinagbabaril at tinangkang paslangin ng di nakilalang mga kalalakihan si Gaudencio “Junjun” Paclawona, tagapangulo ng Anakpawis Tandag City at konsehal ng Barangay San Isidro noong Disyembre 4. Pauwi noon si Paclawona mula sa nasabing lungsod nang mapansing binubuntutan siya ng apat na kalalakihang lulan ng dalawang motorsiklo. Nagtamo ng bala sa hita ang biktima at agad na isinugod sa ospital.

Sa Negros Occidental, walang-habas na pinaputukan ng mga tropa ng 62nd IB ang bahay ng magsasakang si Cresincio Dilfen sa Sityo Pandan, Barangay Caradio-an, Himamaylan City noong Nobyembre 24, alas-10 ng gabi. Nasa loob noon ng bahay si Dilfen at kanyang mga anak. Sa parehong araw, dalawang kabahayan din ang hinalughog ng mga sundalo sa Sityo Tagmanok.

Iligal na pag-aresto

Inaresto ng mga elemento ng Manila Police District ang apat na kasapi ng Panday Sining matapos ang isang pagkilos sa Mendiola, Maynila noong Nobyembre 30. Isa sa mga inaresto ay menor-de-edad. Kinaladkad at binugbog ng di nakaunipormeng mga pulis ang mga biktima palabas ng dyip na kanilang sinasakyan.

Sa parehong araw, dinakip at binugbog ng mga tropa ng 94th IB si Melchor Lembaga at kanyang biyenan dakong alas-4 ng madaling araw sa Sityo Enatito, Barangay Bukalan, Canlaon City, Negros Oriental. Hindi ipinaalam sa pamilya ng mga biktima kung saan dinala sina Lembaga. Mariing kinundena ng Leonardo Panaligan Command ng BHB ang hindi makatao at iligal na pag-aresto sa dalawa.

Sa Negros Occidental, inaresto ng mga elemento ng 62nd IB ang mga residente ng Sityo Maho-Paho, Barangay San Agustin, Isabela na sina Maricar Estoya, Merencia Gaudia, Elizabeth Antrone, Jorgen Lizajo at Erlinda Garzola noong Nobyembre 23. Inakusahan silang sangkot umano sa isang reyd ng BHB sa Barangay Tinongan.

Militarisasyon

Hindi bababa sa 150 elemento ng 3rd Mechanized IB ang pumasok at nagkampo sa komunidad ng mga Aeta sa Sityo Bunga, Mt. Dueg sa San Clemente, Tarlac noong Nobyembre 4. Nagpatupad ng blokeyo ang mga sundalo at hinanapan ng dokumento sa pagkakakilanlan ang mga katutubong Aeta na papunta sana sa kanilang mga sakahan. Yaong walang maipakita ay sapilitang pinababalik sa baryo at pinagbabawalang magsaka.

Panggigipit at pagbabanta

Dalawang ahente ng militar ang pumasok at kumuha ng mga litrato sa kampus ng paaralang Lumad na Tribal Filipino Program of Surigao del Sur (TRIFPSS) sa Sityo Han-ayan, Diatagon, Lianga, Surigao del Sur noong Nobyembre 12. Bago nito, noong Oktubre 7, parehong insidente ang kinasangkutan ng limang sundalo ng 3rd Special Forces Batallion (SFB) sa kampus ng TRIFPSS sa Sityo Simowao sa parehong barangay.

Nagkapagtala rin noong nakaraang buwan ng tig-isang kaso ng sapilitang pagpasok at panghahalughog sa mga kahabayan sa Toboso, Negros Occidental; at sa San Dionisio, Iloilo.
Tig-isang isidente rin ng panggigipit at pagbabanta ang naitala sa Butuan City, Quezon City, at sa Agoo at Balaoan, La Union sa parehong panahon.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2019/12/07/mag-asawang-magsasaka-pinaslang-sa-butuan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.