Wednesday, December 11, 2019

CPP/Ang Bayan: Palayain si Ka Diego Padilla!

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 7, 2019): Palayain si Ka Diego Padilla!

Mariing kinundena ng rebolusyonaryong kilusan ang iligal na pag-aresto kay Jaime Padilla (Ka Diego), tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southern Tagalog. Si Ka Diego, 72, ay dinakip noong Nobyembre 25 habang nagpapagamot sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City. Sumasailalim siya sa masusing panggagamot ng mga duktor dahil sa sakit sa puso.

Iginiit ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na kagyat na palayain si Ka Diego at ibasura ang mga gawa-gawang kaso laban sa kanya. Kinundena rin ng PKP pagbabawal kay Ka Diego na makausap ng kanyang mga abugado. Anito, labag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees ang pagdakip kay Ka Diego na isa sa mga konsultant ng NDFP.

Kinundena naman ng mga kaanak at abogado ni Ka Diego ang lihim na paglilipat sa kanya ng detensyon mula Camp Crame sa Quezon City tungong San Jose Municipal Jail, Mindoro Occidental noong Nobyembre 27. Halos 24 oras na hindi ipinaalam ng AFP at PNP ang kanyang kinaroroonan.

Sa Rizal, tatlong kasapi ng BHB ang pinatay ng pinagsanib na pwersa ng 80th IB at PNP-Region IV-A noong Disyembre 5, ala-una ng madaling araw. Nang paslangin, natutulog ang tatlong kasama sa kanilang tinutuluyang bahay sa Sierra Vista Subdivision, Barangay Cupang, Antipolo City. Namartir sa insidente si Ermin Bellen, na kilala ng mga kasama at masa bilang Ka Romano. Namatay din ang mga kasamang sina Jose Villahermosa at Lucio Simburoto.

Bago ang pangyayari, ilang araw nang abala ang mga kasama sa pagresolba ng problemang idinulog ng masa sa lugar. Upang palabasing engkwentro ang nangyari, nagtanim ng baril at granada ang mga sundalo at pulis sa pinangyarihan ng krimen.

Pinarangalan ng Komiteng Rehiyon ng PKP sa Southern Tagalog ang tatlong kasama na nag-alay ng kanilang buhay sa paglilingkod sa mamamayan.

Si Ka Romano ay nagsilbi sa rebolusyonaryong kilusan sa loob ng 36 taon. Bago nasawi, bahagi siya ng Komiteng Tagapagpaganap ng nasabing Komiteng Rehiyon. Tumayo rin siyang kalihim ng Komiteng Subrehiyon ng Partido na sumasaklaw sa mga prubinsya ng Rizal-Quezon at Laguna sa nagdaang taon. Sa kanyang pamumuno, tuluy-tuloy na sumulong ang rebolusyonaryong pwersa sa subrehiyon sa pamamagitan ng paglaban at pagbigo sa mga operasyong militar.

Nahalal din si Ka Romano bilang non-attending na delegado sa Ikalawang Kongreso ng PKP noong 2016.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2019/12/07/palayain-si-ka-diego-padilla/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.