Tuesday, October 22, 2019

CPP/Ang Bayan: Ang nagtatanim, walang makain

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Oct 21, 2019): Ang nagtatanim, walang makain

Seryoso ang problema ng kagutuman sa Pilipinas. Ito ang iginiit ng Welthungerhilfe at Concerned Worldwide hinggil sa Global Hunger Index (GHI) noong 2019. Ang GHI ay naglalaman ng tantos ng kagutuman at malnutrisyon sa mga bansa. Sinabi rin sa ulat na “nakaaalarma” ang pagkabansot ng mga batang wala pang limang taong gulang, tanda ng laganap na malnutrisyon.

Kabalintunaan na ang kagutuman ay pinakaramdam ng mga pamilyang magsasaka na lumilikha ng pangunahing pagkain ng bayan. Umaabot sa 70% sa sektor na ito ay nabibilang sa pinakamahihirap. Pinakalaganap ang kagutuman sa Autonomous Region in Muslim Mindanao kung saan umaabot sa 44% ang nagugutom batay sa konserbatibong taya ng reaksyunaryong gubyerno.

Mayor na dahilan ng gutom at kakulangan ng pagkain sa kanayunan ang napakababang kita ng mga magsasakang walang sariling lupa at mababang sahod ng mga manggagawang-bukid. Lalo pa itong pinalalala ng Republic Act 11203 o Batas sa Liberalisasyon ng Bigas (Rice Tariffication Law) na pumapatay ngayon sa mga magsasaka ng palay.

Mula nang ipatupad ang batas na ito noong Pebrero, walang-pigil ang pagdagsa ng bigas mula sa ibang bansa. Tinatayang aabot sa 2.3 milyong metriko tonelada (MT) ang aangkatin sa taong ito, kumpara sa 1.9 milyong MT noong 2018. Ang isang tonelada ay katumbas ng 1,000 kilo.

Dahil dito, bumagsak ang presyo ng palay na binibili sa mga magsasaka. Ayon sa ilang pananaliksik, sa abereyds ay lampas 21% ang ibinagsak ng presyo ng palay noong Setyembre kumpara sa parehong panahon noong 2018. Dahil dito, bumagsak ang kita ng mga magsasakang nagbebenta ng tuyong palay mula P29,100/ektarya tungong P10,500/ ektarya na lamang sa buong bansa. Mas malaki pa ang lugi ng mga magsasakang nagbebenta ng “basa” o hindi nabilad na palay.

Luging mga sakahan

Sa datos ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Bikol, P8.50 na lamang ang presyo ng sariwang palay sa bayan ng Polangui, na isa sa mga nangungunang prodyuser ng palay sa Albay. Sa presyong ito, luging-lugi ang magsasaka na gumagastos ng hindi bababa sa P51,130 para sa isang ektaryang palayan. Kabilang sa halagang ito ang gastos sa mga materyales (P8,100) at arawang patrabaho (P43,030). Kung pakyawan ang patrabaho, P48,210 ang kailangan ng magsasaka. Lahat ng gastusin ay binabalikat niya.

Matapos ang tatlong buwan, aanihin sa isang ektaryang palayan ang 70 sakong palay, na karaniwang tumitimbang ng 50 kilo bawat sako. Sa presyong P8.50 kada kilo, kumikita lamang ng P29,750 ang magsasaka. Kung ibabawas ang gastos sa produksyon, walang matitira para sa kanya at lugi siya ng P21,380. Magkakautang pa siya sa panginoong maylupa dahil obligado siyang ibayad ang 10% ng kanyang netong kita bilang upa sa lupa.

Utang din ang inaani ng mga magsasaka ng palay sa Camarines Sur. Sa kabuuang gastos sa produksyon na maaaring umabot ng P49,590, kumikita lamang sila ng P26,250 para sa 75 sako sa presyong P7 kada kilo ng palay. Kapos sila ng mahigit P23,000 para makabawi man lamang sa puhunan. Kailangan pang umutang ng magsasaka sa panginoong maylupa o usurero para makatawid sa susunod na taniman.

Matapos malugi sa pagtatanim ng palay, nahaharap sila sa mataas na presyo ng bigas na umaabot na sa P30-P50 kada kilo. (Sa Albay, karaniwan ang hatian sa netong kita na 40% ang napupunta sa magsasaka. Ang lahat ng gastos sa produksyon ay aakuin ng may-ari ng lupa.)

Ayon sa taya ng PKM, P13.80-P14.50 ang kinakailangan para sa produksyon ng isang kilong palay sa Pilipinas. Lubhang malayo ito kumpara sa P7 sa Vietnam at P11 sa Thailand. Sa mga bansang ito, naglalaan ng subsidyo ang mga pamahalaan para sa pagtatanim ng palay.

Iginigiit ng mga magsasaka ang kagyat na pagbabasura sa RA 11203 at pagtataas sa presyo ng palay. Kung hindi, ibayong gutom ang kasasadlakan nila. Ngayon pa lamang, tinatayang hindi bababa sa P60 bilyon ang naging pagkalugi nila mula Enero-Agosto.

Sa pangmatagalan, ang rebolusyong agraryo ang magtitiyak sa minimum na mga benepisyo para sa mga magsasaka, hanggang sa makamit ang libreng pamamahagi ng lupa para sa kanila. Kaakibat ng iba pang programang sosyo-ekonomiko, higit na nagiging kapaki-pakinabang ang produksyon ng mga magsasaka upang paunlarin ang kanilang kalusugan at kagalingan.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2019/10/21/ang-nagtatanim-walang-makain/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.