Tuesday, October 22, 2019

CPP/Ang Bayan: Krisis sa transportasyon, bulok na ekonomya

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Oct 21, 2019): Krisis sa transportasyon, bulok na ekonomya


Noong nakaraang linggo, sumiklab ang galit ng mga residente ng Metro Manila matapos sabay-sabay na pumalya ang tatlong sistema ng tren na sinasakyan ng milyun-milyong mamamayan. Dumagdag ito sa napakalala nang trapik sa mayor na mga daan sa pambansang kabisera.

Sa harap nito, ipinagpilitan pa ng rehimeng Duterte na walang nagaganap na krisis sa transportasyon. Pinalalabas nitong wala itong pananagutan, at isinisisi ang malalang trapik sa nagdaang mga rehimen.

Ginatungan nito ang galit ng mamamayan, lalupa’t napabalita ang pagbili ni Duterte ng marangyang eroplano para sa personal niyang gamit at ng mga upisyal ng AFP. Malinaw ang pangangailangan para sa mas maayos na sistema sa transportasyon laluna para sa ordinaryong mga manggagawa at empleyadong araw-araw na napeperwisyo rito.

Makatarungan ang pagigiit na maghanap ang rehimen ng mga kagyat na mga solusyon at itigil ang mga kontra-mamamayang hakbang na lalo lamang nagpapahirap sa mga pasahero. Habang wasto ang paggigiit para sa kagyat na mga solusyon, kailangang maunawaan na ang krisis sa transportasyon, sa pinakabatayang antas nito, ay repleksyon ng bulok na sistemang panlipunan at pang-ekonomya, at na ito ay lubusan lamang mareresolba kung magaganap ang radikal na pagbabagong panlipunan sa pamamagitan ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Bulok at naaagnas ang Metro Manila

Hindi lamang trapik ang problema ng mga residente ng Metro Manila kundi pati na rin ang baha, kawalan ng bahay, tubig, maayos na sistema ng mga estero at koleksyon ng basura. Masikip, marumi ang hangin at halos hindi na makahinga ang mga residente nito, laluna sa mga komunidad ng maralita na bumubuo sa syudad. Sa ngayon, 13-15 milyon ang populasyon ng pambansang kabisera. Kinikilala na ang Maynila bilang pinakamasikip na syudad sa buong mundo.

Resulta ang kalagayang ito ng magulo at walang maayos na plano sa pagtatayo ng mga mall, gusali, pabahay at iba pang real estate ng malalaking burges-kumprador na itinulak ng ispekulasyon sa real estate. Resulta rin ito ng kara-karakang pagbibigay ng sinumang nakaupo sa estado-poder sa kanilang pinakapinaborang kumprador ng matatabang kontrata sa kalsada, tulay at iba pa. Dagdag pa rito ang malawakang pribatisasyon ng mga serbisyong panlipunan at pagtatambak ng US at Japan ng sobrang mga kotse at sasakyan. Walang pagpaplano sa antas pambansa para sabay at balanseng mapaunlad ang mga industriya at agrikultura at matiyak ang komprehensibong pagsigla ng ekonomya.

Malaking bilang ng mga taga-prubinsya ang lumuluwas sa pambansang kabisera dahil sa matingkad na disbalanse sa pagitan ng mga syudad at kanayunan. Sa ngayon, nakasentro lamang sa Metro Manila at sa kanugnog nitong mga prubinsya ang bulto ng pagmamanupaktura at komersyo. Nasa mga lugar ring ito ang bulto ng mga trabaho.

Pinakikinabangan ng malalaking negosyo ang laksa-laksang bilang ng mga walang trabaho sa Metro Manila para ibaba at ipako ang arawang sahod ng mga manggagawa. Ito ang dahilan kung bakit sa matagal na panahon, walang ginawa ang magkakasunod na rehimen sa problema ng sobrang populasyon sa Metro Manila at kaakibat nitong mga problema.

Sa nakaraang 30 taon, bara-barang paglalatag ng mga imprastruktura ang naging solusyon sa trapik sa Metro Manila. Ang mga ito’y mabilis na nasasagad, at sa kalauna’y nangangailangan ng dagdag na imprastruktura na hindi nagtatagal ay nasasagad rin ang kapasidad.

Sa simula, inilatag ang mga flyover sa EDSA. Sinundan ito ng pagtatayo ng MRT sa kahabaan ng EDSA at sa LRT2 sa kahabaan ng Aurora Boulevard. Ngayon, kaliwa’t kanan ang itinutulak na mga proyekto tulad ng subway (sistema ng tren sa ilalim ng lupa), skyway (mahahaba at malalapad na flyover) at walkway sa EDSA, at isang haywey sa palibot ng Metro Manila.

Ang mga kontrata sa mga ito’y iginawad sa mga pinakapinaborang burges-kumprador ng rehimen. Ang lahat ng mga ito, kabilang na ang mga sistema ng tren patungong Bulacan at Cavite, ay pawang mga proyektong batbat ng korapsyon, nakatali sa mabibigat na pautang at ang pangunahing layunin ay kumita. Maaari nitong paluwagin ang daloy ng trapik sa maiksing panahon, pero hindi magtatagal, lalo lamang nitong palalalain ang pagsisiksikan sa Metro Manila.

Sa pagtatagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon, mapagpasyang reresolbahin ng demokratikong gubyernong bayan ang problema ng pagkabulok at sobrang siksikan sa mga syudad. Magkakaroon ng plano para kamtin ang balansyadong pag-unlad ng industriya at agrikultura. Magkakaroon ng programa para sa trabaho sa lahat ng bahagi ng bansa para hikayatin ang mga residente ng mga syudad na bumalik sa mga prubinsya. Ilalatag ang mga pabrika para saluhin ang sobrang lakas-paggawa ng kanayunan. Itataas ang sahod ng mga manggagawa at kita ng mga magsasaka.

Tanging sa ilalim ng demokratikong gubyernong bayan at sentralisadong pagpaplano makakamit ang balansyadong pag-unlad sa ekonomya, at dulot nito, ang mas maayos na distribusyon ng populasyon sa buong bansa. Pagtutuunan ng pansin ng demokratikong gubyerno ang paglalatag ng mga pangmasang transportasyon, kapwa para sa mahahaba at maiiksing byahe. Sa pamamagitan lamang nito mareresolba ang problema ng pagsisiksikan sa Metro Manila at iba pang syudad, at sa gayon mareresolba ang matinding trapik at iba pang problema ng pagkabulok ng mga syudad.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2019/10/21/krisis-sa-transportasyon-bulok-na-ekonomya/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.