Tuesday, October 22, 2019

CPP/Ang Bayan: Regalong karahasan sa mga guro

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Oct 21, 2019): Regalong karahasan sa mga guro

Sa Buwan ng mga Guro, karahasan ang iniregalo ng rehimeng US-Duterte sa mga guro at kanilang mga estudyante. Dalawang guro ang tinangkang paslangin habang apat ang iligal na inaresto.

Sa Bukidnon, binaril ng mga ahente ng rehimen sa harap ng kanyang mga estudyante si Zhaydee Cabañelez at asawa niyang si Ramil noong umaga ng Oktubre 15 sa Dalit Elementary School sa Barangay Lumbayan, Valencia. Nagtamo si Cabañelez ng mga sugat sa dibdib at paa at kritikal ang kundisyon. Nakaligtas naman ang kanyang asawa at kanyang mga estudyante.

Parehong kasapi ang mag-asawang Cabañelez ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), organisasyon ng mga guro. Noon pang nakaraang taon malisyosong iniuugnay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa armadong rebolusyonaryong kilusan ang grupo dahil sa paglaban nito para sa karapatan sa karagdagang sahod at benepisyo.

Noong Oktubre 10, iligal na inaresto ng mga elemento ng 402nd IBde at pulisya ang dalawang gurong kasapi ng Rural Missionaries of the Philippines (RMP) sa Barangay Limaha, Butuan City. Kinilala ang mga biktima na sina Melissa Comiso, tagapangasiwa ng programa ng RMP sa literasiya at numerasiya para sa mga Lumad, at si Nore Torregosa, boluntir na guro.

Pinaratangan ang dalawa na mga kasapi ng BHB at sinampahan ng gawa-gawang kasong illegal
possession of firearms and explosives.

Sa Sultan Kudarat, inaresto ng mga elemento ng 37th IB at pulisya si Gina Ciano, boluntir na guro ng Center for Lumad Advocacy Networking Services sa Sangay Village, Kalamansig noong Oktubre 14. Inakusahan siyang upisyal ng BHB na umano’y ikatlo sa “pinakatinutugis” na kriminal sa prubinsya. Sinampahan siya ng patung-patong na gawa-gawang kaso ng pagpaslang at tangkang pagpaslang. Sa parehong araw, inaresto ng mga ahente sa paniktik ng AFP si Digna Mateo, koordineytor ng ACT sa Bulacan, sa harap ng Our Lady of Fatima Parish sa Marilao, Bulacan. Isang linggo bago nito, iniulat ni Mateo na sinundan siya ng naka-motorsiklong kalalakihan matapos mangampanya para sa isang unyon ng ACT-Central Luzon.

55 paaralang Lumad, ipinasara

KINUNDENA NG SAVE Our Schools (SOS) Network at mga mag-aaral at guro ng Salugpongan Ta Tanu Igkanogon Community Learning Center, Inc. ang desisyon ng Department of Education (DepEd)-Region 11 na ipasara ang 55 sa kanilang mga eskwelahan sa Davao. Giit ng SOS, walang batayan ang mga akusasyon ni Hermogenes Esperon, ikalawang tagapangulo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, na ginagamit umano ang mga paaralan para sa rekrutment ng BHB.

Sa kanilang protesta noong Oktubre 11 sa Freedom Park, Davao City, tinawag nilang “kalokohan” ang binuong fact-finding team ng DepEd sapagkat hindi man lamang ito bumisita sa mga paaralan.

Ang Salugpongan ay itinatag ng mga lider-Talaingod Manobo noong 2003 at inirehistro sa DepEd noong 2007. Nagbibigay ito ng libreng edukasyon sa mga Lumad at tumutulong sa pagtatanggol ng kanilang lupang ninuno sa kabundukan ng Pantaron.

Karahasan sa Leyte

ISANG KASAPI NG National Union of Journalists of the Philippines ang binaril at napatay ng pinaghihinalaang mga ahente ng estado noong Oktubre 16 sa MacArthur, Leyte. Kinilala ang biktima na si Maureen Japzon, manunulat ng Bulatlat at upisyal ng Comelec sa naturang bayan. Kilala siya sa mga artikulong naglahad ng mga kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang na kinasangkutan ng AFP sa Eastern Visayas sa ilalim ni Jovito Palparan.

Sa parehong araw, binaril at napatay din sa naturang bayan si Renee Superior, konsehal ng Barangay Libungao, Kananga.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2019/10/21/regalong-karahasan-sa-mga-guro/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.