Tuesday, October 22, 2019

CPP/Ang Bayan: Maglalaho ang mga ilusyon ng AFP

Propaganda editorial from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Oct 21, 2019): Maglalaho ang mga ilusyon ng AFP



Kung paniniwalaan ang araw-araw na satsat ng Armed Forces of the Philippines (AFP), matagal nang ubos ang Bagong Hukbong Bayan (BHB). Libu-libo na raw ang “sumurender” at “nagbalik-loob.” Lusaw na raw ang mga larangang gerilya at pilay na ang natitira pang mga yunit ng BHB. Wala na raw suporta ang BHB dahil “persona non grata” na ito sa mga lunsod at baryo. Maayos na raw ang buhay ng mga tao dahil sa inihahatid na raw ang mga batayang serbisyo sa mga tinagurian nitong “pugad ng NPA.” Mayroon na raw mga proyektong pangkaunlaran at mapapawi na ang kagutuman at kahirapan. Patunay diumano ito ng tagumpay ng planong Kapanatagan, ang kampanyang idinugtong sa Oplan Kapayapaan, na kopya sa “whole-of-the-nation” ng doktrinang “kontra-insurhensya” ng US.

Ang mga ito’y pawang ilusyong hinahabi ni Rodrigo Duterte at ng AFP. Ilusyon ang dami ng “sumurender” na lampas sa sinasabi nilang bilang ng mga Pulang mandirigma. Karamihan sa kanila ay mga magsasaka at katutubong napilitang magtaas ng kamay matapos silang lansihin o kaya’y sindakin ng mga sundalong nag-ooperasyon sa kanilang mga baryo. Wala pang isang porsyento sa kanila ang tunay na Pulang mandirigma na nahuli o sumurender. Hindi man sinasadya, sa pinalalabas na dami ng “sumurender,” si Duterte at ang AFP na mismo ang nagpapatunay na malawak at malalim ang suporta sa BHB ng mamamayan sa kanayunan.

Lalong malaking ilusyon ang ipinagmamayabang ng AFP na mga serbisyong sosyal at mga proyektong pangkaunlaran. Nasaan ang mga serbisyong kailangang-kailangan ng mamamayan? Nasaan ang mga patubig, patuyuan ng palay o mais, gilingan, at iba pang proyektong kapaki-pakinabang sa milyun-milyong magsasaka at mga minorya? Sira-sirang pabahay ang alok nila sa mga magsasakang matapos “sumurender” ay gustong palayasin sa kanilang mga baryo. Libreng telebisyon ang ibinigay sa mga residente ng Lianga, sa Surigao. Isa o dalawang araw na pakitang-taong misyong medikal, libreng panggugupit, pagbubunot ng ngipin at iba pang gimik ang isinasagawa ng reaksyunaryong gubyerno samantalang napakalaki ng pagpapabaya nito sa pampublikong kalusugan at iba pang serbisyong pambayan. Karamihan sa mga programang ito ay ipinatutupad ng mga lokal na gubyerno at ipinaiilalim lamang sa kontrol ng AFP.

Walang ilusyon ang masang anakpawis, laluna sa kanayunan, sa mga ipinagmamalaki ng AFP. Sa mata ng mamamayan, walang nagbago sa mga tropa ng AFP. Sila pa rin ang mga armadong maton na nagkakampo sa gitna ng mga baryo at naninindak sa mga tao. Ang kanilang mga batalyon pa rin ang nanghahalihaw sa mga bundok at bukid para magsagawa ng operasyong paghawan at mambulabog sa kabuhayan ng mga sibilyan. Ang mga sundalo pa rin ang nagtatayo ng susun-susong mga detatsment upang bantayan ang malalaking proyektong pang-enerhiya, plantasyong komersyal at mga kumpanya sa konstruksyon. Sila ang dahilan kung bakit ilang komunidad ang natiwangwang dulot ng malalaking operasyong kombat na suportado ng panganganyon, at pambobomba at istraping mula sa ere.

Tuluy-tuloy na pinararami ni Duterte ang tauhan at mga sandata ng AFP at mga paramilitar nito para lalo pang paigtingin ang digmang mapanupil. Ipinagmamayabang niya ang pagtatatag ng 10 bagong batalyon at isang bagong dibisyon, gayundin ang unang Brigade Combat Team na itinayo alinsunod sa plano ng US. Naglulunsad din ang mga yunit ng AFP ng napakaraming sustenido at nakapokus na mga operasyong militar na nagwaldas ng pera ng bayan. Sa Mindanao lamang, iniulat ng Eastern Mindanao Command ng AFP na naglunsad ito ng 128,000 maliliit at malalaking operasyong militar sa apat na rehiyon mula Hunyo 2017 hanggang Agosto 2018. Para tustusan ito, palaki nang palaki ang badyet na hinihingi ng AFP. Ang AFP at PNP ang pinakaunang prayoridad ni Duterte sa pondo.

Para makakuha ng dagdag pang pondo para sa kurakot ng mga heneral, walang kahihiyan ang pamamalimos ni Duterte sa US ng armas, pondo at iba pang gamit-militar sa ilalim ng programang “modernisasyon” ng AFP. Lumalapit siya sa Russia at China para kunwa’y maghanap ng alternatiba pero ang totoo’y umaasa lamang silang “mawalan ng katiyakan” ang US sa alyansa nito sa Pilipinas at “mapwersa” itong magbigay ng mas malaking pondo at ng inaasam-asam nitong bagong mga armas.

Nag-iilusyon si Duterte na magagapi ng kanyang AFP ang BHB. Hindi ito mangyayari dahil bulok at mahina sa kaibuturan ang AFP. Isa itong papet na hukbo na itinayo, pinopondohan at inaarmasan ng US. Katawa-tawa na ang US ang tagapayo nila sa “kontra-insurhensya” gayong wala pa itong nagaping pwersang gerilya sa mahigit kalahating siglo ng mga gerang panghihimasok na inilunsad nito sa buong mundo (mula sa Vietnam hanggang Afghanistan).

Nakaayon ang katangian, direksyon at istruktura ng AFP sa interes at pangangailangan ng US. Isa itong hukbong ginagamit ng US para supilin ang hangarin ng bayan para sa pambansang paglaya at patatagin ang imperyalistang dominasyon ng US sa bansa. Itinatayo at sinasanay ng US ang mga yunit ng AFP para tuwirang gamitin sa “kontra-terorismo” at “kontra-insurhensya” tulad ng 1st Light Reaction Regiment, dalawang Brigade Combat Team at iba pang yunit (Aviation Regiment, Artillery Regiment at iba pa) at para sumalo ng ibinebenta nitong lumang mga sasakyang panghimpapawid at artileri.

Batbat ng korapsyon, anomalya at napakatinding internal na tunggalian ang AFP. Pinaghahatian ang hukbong ito ng mga nagriribalang reaksyunaryong pangkatin. Nag-aagawan ang mga heneral nito sa pondo, rekurso at pribilehiyo para tustusan ang kanilang mararangyang buhay at mga bisyo. Nag-uunahan sila sa pagbulsa ng pondo sa lahat ng antas ng burukrasya—mula sa pondo para sa pensyon ng mga retiradong sundalo hanggang sa pondong pansweldo sa mga elemento ng CAFGU. Sangkot, kundiman pinamumunuan nila, ang pinakamalalaki at pinakamararahas na sindikatong kriminal.

Walang suporta ng mamamayang Pilipino ang AFP. Higit pa, kinamumuhian ito ng mga tao. Mahaba at mapait ang karanasan ng mamamayan sa brutalidad nito. Hindi nila malilimutan ang matitinding abuso sa ilalim ng diktadurang US-Marcos at ang mga pasistang krimen sa nagdaang tatlong dekada. Batid nila kung papaanong hinihigitan na ni Duterte ang karahasang ito. Ang AFP, at wala nang iba, ang tunay na persona non grata sa mga baryo at komunidad ng mga magsasaka at katutubo.

Habang pinalalaki ng rehimen ang AFP at pinakakawalan niya ang mga yunit nito sa kanayunan, lalong humahaba ang listahan ng mga paglabag nito sa mga karapatan ng mamamayan. Mas maraming sundalo, mas maraming krimen at abuso. Ginagatungan nila ang galit ng mamamayan at itinutulak sila na mas mahigpit na sumuporta at makipagtulungan sa hukbong bayan. Patuloy ang maramihang pagsapi ng masang anakpawis at mga intelektwal sa BHB dahil sa matinding pagtugis, panggigipit at pagbabanta. Si Duterte ngayon ang numero unong tagarekrut ng BHB sa kanayunan.

Tuluy-tuloy na pinalalawak at pinatatatag ng Partido ang BHB sa buong bansa. Sa kabila ng malalaki at todong mga opensiba ng AFP, patuloy na nakapagpupunyagi ang BHB at nakapagpepreserba ng lakas. Hindi ito nagagapi ng kaaway dahil taglay nito ang malalim at malawak na suporta ng masa at dahil bihasa ito sa paggamit ng mga taktikang gerilya.

Hindi maglalaon, maglalaho ang hinabing mga ilusyon ni Duterte at ng AFP. Habang nagtatagal at tumitindi ang gera ng AFP laban sa bayan, lalong tumitindi ang hangarin ng mamamayang Pilipino na wakasan ang pasistang brutalidad ng rehimeng Duterte. Gaanupaman katindi ang pagsupil ng AFP, hindi nila mahahadlangan ang pagsambulat ng galit ng bayan at ang tuluy-tuloy na pagsulong ng armadong pakikibaka sa buong bansa.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2019/10/21/maglalaho-ang-mga-ilusyon-ng-afp/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.