Saturday, August 24, 2019

CPP/Ang Bayan: Pagyurak sa mga karapatang-tao sa Bukidnon

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 21, 2019): Pagyurak sa mga karapatang-tao sa Bukidnon



Habang nasa sentro ang Bukidnon ng mga operasyong pagdumog ng militar, pahaba nang pahaba ang listahan ng mga krimen ng AFP laban sa mamamayan dito. Noong 2018, hindi bababa sa lima ang pinaslang at marami pa ang iligal na inaresto na mga sibilyan. Nitong taon, 13 na ang pinaslang habang daan-daang baryo ang hinahalihaw ng mga sundalo.

Pinakahuli sa naitala ang pagpaslang sa magsasakang Lumad na si Jeffrey Bayot noong Agosto 11 sa Barangay Bongbungon, Quezon habang pauwi sa kanilang tahanan.

Dalawang araw bago ito, pinagbabaril ng dalawang nakasuot-sibilyang tropa ng 88th IB sina Alex Lacay at Renard Burgos sa Sityo Pag-asa, Barangay Salawagan, Quezon. Agad na napatay si Lacay habang nakatakas si Burgos. Kasapi ang dalawang magsasaka ng Kaugalingaong Sistema Igpasindog to Lumadnong Ogpaan (Kasilo), ang grupong Lumad na naninindigan para sa lupang ninuno.

Ilan pa sa mga pinaslang ay sina Guillermo Casas, Liovogildo Palma at Joel Anino sa San Fernando. Napaslang naman si Datu Kaylo Bontulan sa pambobomba ng AFP sa Kitaotao.

Noong Hulyo, pinagbabaril si Datu Mario Agsab sa kanyang tahanan sa Sityo Mainaga, Barangay Iba, Cabanglasan. Kinilala ang mga suspek na sina Sammy Diwangan, kasapi ng Alamara at Emboy Gayao, isang CAFGU na hawak ng 8th IB. Si Agsab ay kasapi ng Pigyayungaan, isang organisasyong Lumad.

Pandarahas at pamimilit

Tuluy-tuloy rin ang pandarahas at pagpapakalat ng malisyosong propaganda ng rehimeng Duterte laban sa mamamayan at mga nagtataguyod ng karapatang-tao.

Nitong Agosto 8 at 9 nagtungo ang mga kasapi ng PNP sa paaralan ng anak ni Kristin Lim sa Manolo Fortich. Hinahanap nila si Lim sa mga magulang na nag-aantay sa kanilang mga anak sa labas ng paaralan. Bago nito, sinalakay ng 1st Special Forces Battalion ang tahanan ni Lim sa Barangay Damilag, Manolo Fortich. Si Lim ay dating tagapamahala ng Radyo Lumad.

Naglunsad din ng anti-komunistang porum ang mga elemento ng 1st SFB sa barangay hall ng Damilag noong Agosto 7. Bago ang aktibidad nag-ikot ang mga sundalo sa komunidad at nag-anunsyo na napasok na diumano ng komunismo ang kanilang erya.

Noong Agosto 2-4 tinipon ng AFP ang mga kabataan mula sa Quezon sa tabing ng Youth Leadership Summit upang siraan ang rebolusyonaryong kilusan. Naglunsad ito ng kaparehong aktibidad sa loob ng Bukidnon State University noong pasukan.

Persona-non-grata at militarisasyon

Iba’t ibang barangay sa Quezon ang sapilitang pinagdeklara ng “persona-non-grata” laban sa BHB. May mahigit 300 sibilyan din na umano’y kasapi ng mga organisasyong rebolusyonaryo ang pinasurender bilang tagasuporta ng BHB.

Pinasumpa naman ng katapatan ang mga residente ng Barangay Merangeran sa Quezon, sa mga barangay ng Lumbayao, Banlag, at Dagat Kidavao sa Valencia City noong Hulyo 28.

Samantala, noong Hunyo 22, 30 pamilya ng Barangay Tugaya, Valencia City ang nagbakwit sa kanilang barangay hall matapos mag-istraping ang tropa ng 403rd IBde sa kanilang komunidad. Noong Marso, dinumog ng 1,600 sundalo mula sa 60th IB, 56th IB, 57th IB, 58th IB, 88th IB, Scout Rangers at 43rd Division Reconnaissance Company ang Cabanglasan at San Fernando. Bago nito, binomba, kinanyon at inistraping ng AFP ang nasabing komunidad.

Noong Pebrero 2019, ipinagyayabang ng AFP na mayroon na umanong 27 barangay sa prubinsya na nagdeklarang “persona-non-grata” ang BHB. Mula 2017 hanggang 2018, umabot na sa 295 ang mga sibilyang pinilit nilang “sumurender” bilang tasuporta o kasapi ng BHB.

Tuluy-tuloy ang okupasyon ng mga sundalo sa mga sibilyang imprastruktura sa loob ng mga komunidad. Mula Marso hanggang sa kasalukuyan, nakakampo ang mga elemento ng 8th IB sa Barangay Bontongon sa Impasug-ong at sa mga barangay ng Manalog at Kibalabag sa Malaybalay City.

Nitong Agosto, sinalakay ng mga pwersa ng 8th IB ang Sityo Bendum, Brgy. Busdi ng parehong syudad.

Bukod dito, nakapagtala rin ang mga grupo ng karapatang-tao ng pitong kaso ng iligal na pag-aresto nitong taon. Tampok dito ang pagdakip ng 88th IB sa dalawang menor-de-edad sa Sityo Sanggiapo, Barangay Sinuda, Kitaotao noong Pebrero 18.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2019/08/21/pagyurak-sa-mga-karapatang-taosa-bukidnon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.