Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 21, 2019): Desperadong pagsupil sa kabataan
Bagong desperadong tangka ng rehimeng Duterte, sa pamamagitan ng payaso nitong si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na busalan ang mga estudyante nang magsagawa ito ng pagdinig sa Senado kaugnay sa diumano’y nawawalang menor-de-edad na mga aktibista.
Ginamit ni dela Rosa ang problemang pampamilya sa pagitan ng mga magulang at anak nilang aktibista para siraan ang progresibo at kritikal na tindig ng mga estudyante at kanilang mga organisasyon.
Nagmukhang tanga si dela Rosa nang humarap ang sinasabing “nawawalang” mga aktibista na sina Alicia Lucena ng Anakbayan at Lory Caalaman ng Kabataan Partylist, at pinasubalian ang kanyang mga pahayag. Anang mga aktibista, hindi sila nawawala, at hindi rin sila menor-de-edad. Nanindigan sila na huwag gamitin ng pulis at militar ang kanilang mga pamilya para siraan ang kanilang organisasyon at magsulong ng mga dagdag na anti-kabataang patakaran.
Tulad ng inaasahan, ginatungan ang palabas ng mga militaristang galamay ng rehimen at ginamit na sangkalan para bigyan-katwiran ang planong pag-amyenda sa Human Security Act, at bantang pagpapanumbalik ng batas sa anti-subersyon.
Ibinukas din ng Philippine National Police ang posibleng pagsasawalang-bisa o pagrepaso sa kasunduan sa pagitan ng mga pamantasan at Department of National Defense na nagbabawal sa presensyang militar o pulis sa loob ng mga unibersidad. Sa patuloy na pananakot, ipinatatawag ng Department of Justice ang mga lider ng progresibong organisasyon sa bisa ng isang subpoena.
Ikalawa na ang tangkang ito sa desperadong pagpapatahimik sa mga kabataan. Noong Oktubre 2018, naglubid ang rehimen ng kwentong “Red October” o pag-uugnay ng progresibong kilusan ng kabataan sa armadong kilusan ng Bagong Hukbong Bayan. Layon nitong takutin at gawing iligal ang mga lehitimo at kritikal na paninindigan ng mga kabataan. Niyuyurakan nito ang kalayaan sa pagpapahayag at pag-oorganisa ng mga kabataan.
Kabataan bilang pwersa ng pagbabago
Ang aktibismo at radikal na kaisipan ng mga kabataan ay pwersa para sa pagbabago, pagsulong, hustisyang panlipunan at demokrasya. Takot ang rehimeng Duterte sa nagkakaisang hanay ng mga kabataang kritikal sa kanyang rehimen.
Sa kasaysayan, ang mga kabataang aktibista ang pinakamatatag na lumaban sa diktadurang Marcos sa panahon ng batas militar. Nasa unahan sila ng makasaysayang Sigwa ng Unang Kwarto (1970), Diliman Commune (1971), mga aklasang mag-aaral noong katapusan ng dekada 1970 hanggang unang bahagi ng dekada 1980 laban sa pagtaas ng matrikula at pagbabalik ng mga karapatan sa kampus, at mga dambuhalang pagkilos noong 1983-1986 para sa pagpapatalsik sa diktadurang US-Marcos.
Kabilang ang mga kabataan sa mga unibersidad sa pinakamasigasig na lumaban para lansagin ang mga base militar ng US at wakasan ang Military Bases Agreement noong 1991. Kabilang din sila sa pinakamalakas na tumutol sa pagsapi ng Pilipinas sa GATT noong 1994 at patakaran ng todong liberalisasyon at pribatisasyon ng ekonomya sa ilalim ng rehimeng Ramos. Mahigpit silang nakipagkaisa sa masang anakpawis sa pagtutol sa GATT-WTO nang magpulong ang mga lider ng mga bansa ng Asia-Pacific Economic Cooperation sa Pilipinas noong 1996.
Hindi maitatatwa ang kanilang malawakang paglahok sa pag-aalsa at pagpapatalsik sa rehimeng Estrada. Gayundin, malaking bilang ng kabataan ang lumahok at nanguna sa mga protestang kontra pork barrel na nagtapos sa Million People’s March sa ilalim ng rehimeng Aquino noong 2013. Nagmarka rin ang kilusang protesta ng mga kabataan-estudyante laban sa mga kaltas sa pondo sa edukasyon.
Noong 2017, naitulak ang pagsasabatas sa libreng matrikula para sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo. Patuloy nilang iginigiit ang kalayaan sa akademya, kabilang ang karapatan sa pagkakaroon ng konseho at pahayagang pangkampus, karapatang mag-organisa at sumali sa mga organisasyon at karapatan sa malayang pagpapahayag at pamamahayag.
Nakikipagkaisa sila sa manggagawa at magsasaka sa mga welga, piket at mga komunidad. Patuloy silang lumalaban para sa interes ng mamamayang Pilipino sa kabila ng mga pananakot at panggigipit ng rehimeng Duterte. Ilang kabataan na ang tinakot at ginipit. Ilang beses na ring sinampahan ng gawa-gawang kaso ang kanilang mga lider.
Hindi maikakaila ang paglahok ng mga estudyante at kabataan sa armadong rebolusyon. Mula sa Katipunan hanggang sa Bagong Hukbong Bayan, karamihan ng mga rebolusyonaryong kawal ng mamamayan ay mga kabataan. Marami sa mga rebolusyonaryong bayani ay nag-alay ng kanilang buhay sa edad ng kasigasigan ng kabataan. Maningning silang mga halimbawa ng walang pag-iimbot na pagsisilbi sa mamamayan. Binibigyan sila ng pinakamataas na pagpupugay ng buong rebolusyonaryong kilusan at mamamayan.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2019/08/21/desperadong-pagsupil-sa-kabataan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.