Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 21, 2019): 200 pamilya, nagbakwit sa Caramoan
Mahigit 200 pamilya mula sa Barangay Lidong, Caramoan, Camarines Sur ang nagbakwit matapos paulanan ng bala at bomba ng Philippine Air Force ang kanilang komunidad noong Agosto 13.
Para bigyang-katwiran ang pang-aatake, pinalabas ng mga pasista na may naganap na engkwentro sa pagitan ng 83rd IB at mga Pulang mandirigma sa lugar, bagay na pinasinungalingan ni Ka Ma. Roja Banua, tagapagsalita ng National Democratic Front-Bicol.
Iniulat naman noong Agosto 14 na umaabot na sa 18 magsasaka ang napalayas mula sa mga bayan ng Lopez, Macalelon, Catanauan at Agdangan sa prubinsya ng Quezon. Ang mga magsasaka ay nananawagan ng pagtataas sa presyo ng kopra at buong niyog na kanilang ibinebenta. Ipinatawag sila sa kampo ng militar at pwersahang “pinasusurender” bilang mga myembro ng BHB.
Mahigit 100 sundalo naman ng 26th IB ang nagkampo sa mga kabahayan, klinika at gilingan ng mais sa komunidad ng mga Lumad sa Sityo Simowao, Diatagon, Lianga, Surigao del Sur noong Agosto 16. Tinutulan ng mga residente ang pagkakampo dahil sa ligalig na dala ng mga sundalo. Perwisyo rin ang mga ito sa kanilang anihan. Nag-ulat naman ang mga Lumad mula sa Tubod, Bolhoon, San Miguel na inookupa rin ng militar ang kanilang komunidad mula pa Agosto 17.
Muling pinasok ng mga elemento ng 20th IB ang Barangay Capotoan sa bayan ng Las Navas, Northern Samar noong Agosto 12. Inihiwalay ng mga sundalo ang 143 kalalakihan at kababaihan sa kanilang mga anak. Ininteroga ang mga residente at pinagbantaang papatayin. Pitong sibilyan ang iligal na idinetine nang ilang oras at hiwalay na ininteroga at pinagbantaan. Hanggang sa kasalukuyan ay nakakampo pa rin ang mga sundalo sa mga sibilyang imprastruktura sa komunidad.
Pagdukot sa Samar. Dinukot ng mga elemento ng 43rd IB si Nario Lagrimas, magsasaka mula sa E. Duran, Bobon, Northern Samar, kasama ng isa pa, noong Agosto 8. Matapos ang ilang oras, pinakawalan ang kasama ni Lagrimas. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa siya inililitaw.
Pandarahas sa Mindanao. Hinanap ng mga lalaking armado ng matataas na kalibreng riple si Pedro Arnado, pambansang upisyal ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, sa kanyang bahay sa Davao City noong Agosto 20.
Pinuntahan naman ng dalawang nakasibilyang elemento ng 1st SFB ang bahay ni Francisco “Iko” Pagayaman, 63, sa Barangay Carmen, Cagayan de Oro City noong Agosto 16. Si Pagayaman ang tagapangulo ng Kadamay-North Mindanao.
Iligal na detensyon. Hindi pa rin pinalalaya ang mag-asawang istap ng NDFP negotiating panel na sina Alexander at Winona Birondo kahit pa ibinasura na noong Hulyo 30 ang gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives na isinampa sa kanila. Inaresto sila ng pulisya nang walang mandamyento noong Hulyo 23 sa Barangay Maribio, San Francisco del Monte, Quezon City at idinetine sa Camp Caringal. Parehong may diabetes ang mag-asawa.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2019/08/21/200-pamilya-nagbakwit-sa-caramoan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.