Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 21, 2019): 4 AK47, nasamsam ng BHB-MisOr
Tumagal nang limang minuto lamang ang walang-putok na armadong aksyon ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) laban sa isang mapanirang planta ng enerhiya sa Misamis Oriental noong Agosto 19 ng umaga.
Nakumpiska sa reyd ang apat na ripleng AK47 at 200 bala mula sa mga gwardya ng AY 76 Security Agency na nakatalagang mga bantay ng Minergy Power Corporation (MPC) sa Barangay Quezon Heights sa bayan ng Balingasag. Nasamsam din ng mga Pulang mandirigma ang ilang radyo mula sa mga gwardya.
Pinatatakbo ng MPC ang isang 165-MW coal power plant sa tabi ng Macajalar Bay. Tinatapon ng planta sa baybay na ito at sa kalapit na lugar ang basurang nakalalasong kemikal. Bunga nito, inireklamo ng mga residente sa BHB na nagkaroon sila ng iba’t ibang sakit kabilang ang hika, pagkahilo at sore eyes makaraang naging lubusan ang operasyon ng planta noong Setyembre 2017.
Nagsagawa rin ng pagsisiyasat ang sangguniang panlalawigan ng Misamis Oriental pero walang nangyari, ayon kay Ka Nicolas Marino, tagapagsalita ng BHB-Misamis Oriental. Ang MPC ay pagmamay-ari ng pamilyang Nepomuceno, mga burukrata-kapitalistang nakabase sa Pampanga. Nabigyan ito ng lisensyang magtayo at mag-opereyt ng plantang pang-enerhiya noong panahon ng rehimeng Ramos. Solo itong tagasuplay ng kuryente sa buong syudad ng Cagayan de Oro at Phividec Industrial Estate sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Samantala, pinabulaanan ni Ka Malem Mabini, tagapagsalita ng BHB-North Central Mindanao Region (NCMR), ang walang batayang pagmamayabang ng pasistang pangulo na si Rodrigo Duterte na naparalisa na ang mga operasyon ng BHB sa rehiyon.
Katunayan, aniya, 13 taktikal na opensiba na ang inilunsad ng BHB-NCMR laban sa mga tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) mula Hulyo 28 hanggang Agosto 9. Mahigit 30 sundalo ang napatay at di bababa sa 20 ang nasugatan sa hanay ng AFP.
Noong Agosto 9, inatake ng BHB-NCMR ang mga tropa ng 65th IB sa Sityo Kibulag, Barangay Bagoaingod, Tagoloan 2, sa hangganan ng Bukidnon at Lanao del Sur. Napatay ang isang sundalo habang nasugatan ang apat na iba pa. Bago nito, tinambangan ang mga tropa ng 8th IB sa Sityo Mahan-ao, Barangay Bulonay, Impasug-ong, Bukidnon. Tatlong sundalo ang napatay.
Isang sundalo ng 26th IB ang napatay at isa ang nasugatan nang tambangan sila ng BHB-Agusan del Sur sa Kilometro 30, Barangay Mahayahay, San Luis, Agusan del Sur noong Agosto 5.
Sa Cagayan de Oro City, apat na sundalo ng 65th IB ang napatay at walo ang nasugatan sa taktikal na opensibang inilunsad ng BHB-Misamis Oriental noong Hulyo 30 sa Barangay Pigsag-an.
Binigwasan ng BHB-Agusan del Norte noong Hulyo 28 ang mga tropa ng 23rd IB sa Sityo Hinandayan, Barangay Camagong sa Nasipit. Limang sundalo ang napatay at lima ang nasugatan.
Sa kabilang banda, binigyan ng pinakamataas na parangal ng rebolusyonaryong kilusan ang dalawang Pulang mandirigma na sina Jenos Bade (Ka Bebs) at Edmar Laruya (Ka Lenon), na magiting na nagbuwis sa kanilang buhay para sa ikatatagumpay ng nasabing armadong aksyon.
Sa Northern Samar, matagumpay na nakapaglunsad ng mga operasyon ang mga yunit ng BHB laban sa mga tropang militar na responsable sa pagpatay, pag-istraping sa mga sibilyan, at pagharas sa isang barangay kapitan.
Ayon sa ulat ng BHB-Northern Samar, hindi bababa sa apat na sundalo ng 20th IB ang napatay sa inilunsad na mga aksyong militar ng BHB.
Noong Agosto 11, hinaras ng mga Pulang mandirigma ang mga tropa ng 20th IB sa Gook, Catubig. Sa araw ding iyon, isang kasapi ng CAFGU ang nasugatan sa operasyong haras na inilunsad ng isang yunit ng BHB sa kanilang detatsment sa Barangay Poponton, Las Navas.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2019/08/21/4-ak47-nasamsam-ng-bhb-misor/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.