Saturday, August 24, 2019

CPP/Ang Bayan: Katangian at layunin ng mga FMO ng AFP sa Bukidnon

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 21, 2019): Katangian at layunin ng mga FMO ng AFP sa Bukidnon



Hindi bababa sa 13 serye o isa kada buwan, ang inilunsad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mga “focused military operation” (FMO o nakapokus na operasyong militar) sa prubinsya ng Bukidnon mula Marso 2018 hanggang Enero 2019.

Ito ang naging hugis ng pagsisikap ng AFP na kubkubin o palibutan at “gapiin” ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa prubinsya bago magtapos ang 2018. Kalagitnaan ng taon, noong Agosto 7, 2018, idineklara na nitong “conflict manageable” ang prubinsya at handa na para “tayuan ng mga proyekto.”

Mga batalyon ng 403rd IBde, isa sa mga brigadang nakapailalim sa 4th ID, ang humahalihaw sa kabundukan ng prubinsya. Erya ng operasyon ng limang batalyon (8th IB, 88th IB, 1st Special Forces Battalion, 65th IB at 58th IB) ang gitna, kanlurang bahagi at ang mga hangganan ng prubinsya sa Misamis Oriental at Agusan del Sur, gayundin ang hangganan nito sa Lanao del Sur. Ang kanilang mga operasyon ay sinusuhayan ng 43rd Division Reconnaissance Company ng 4th ID. Sa simula ng 2019, inianunsyo ng 1003rd IBde ng 10th ID na muli nilang isasailalim sa kanilang mga operasyon ang mga baryo at komunidad ng Bukidnon sa hangganan ng Davao, bagaman noon pang 2017 ay may naiulat nang mga operasyong kombat ang 89th IB at 16th IB sa naturang lugar.

Gayundin, ginawang lugar-pagsasanay ng mga bagong gradweyt na Scout Ranger, Special Forces at mga elemento ng CAFGU ang prubinsya, partikular ang kabundukan ng Pantaron na tumatawid sa anim na prubinsya (Misamis Oriental, Bukidnon, Agusan del Sur, Agusan del Norte, Davao del Norte at Davao del Sur) at nagsisilbing gulugod ng Mindanao.

Katangian ng mga operasyon

Tumatagal ang isang FMO nang anim na araw hanggang dalawang linggo. Inilulunsad ito matapos ang mahaba-habang panahon ng mga operasyong paniktik, saywar at mga Community Operations for Peace and Development (COPD) sa mga barangay. Ang pangunahing operasyong pangkombat na kinasasangkutan ng 150-400 tropang militar ay ikinukumpas sa antas-brigada hanggang antas-dibisyon.

Sa mga maniobrang kombat, estilo ng mga tropa ang pagsasanib ng mga kolum mula sa iba’t ibang erya upang magtimbangan sa isa’t isa. Sa isang FMO noong Disyembre 2018, di bababa sa 20 kolum ang pinakilos. Nanggagaling sa di inaasahang lugar ang staging point ng mayor na pwersa (may layong ilang araw na lakaran sa mahirap na tereyn). Tinatahak nila ang tinatayang mga lugar na paborable sa BHB. Maaaring umabot sa isa hanggang dalawang linggo ang “pagtatago” ng mga kolum ng AFP habang kinukubkob nito ang target na erya.

Isang halimbawa ang kampanyang kubkob ng AFP sa mga hangganan ng Bukidnon, Misamis Oriental at Agusan del Sur. Umaabot sa 400 tropa ang humalihaw sa kagubatan sa pagitan ng dalawang barangay (Barangay Minalwang ng Claveria, Misamis Oriental at Barangay Hagpa ng Impasug-ong, Bukidnon) sa loob ng dalawang linggo. Bago ito, ilang linggo nang naglalakad ang malaking bahagi ng tropang panagupa na nanggaling sa Barangay Salog sa Esperanza, Agusan del Sur.

Sa antas-brigadang operasyon, tatlo hanggang apat na kolum na laking-seksyon (150 tropa) ang itinatambak sa target na erya. Sa antas-dibisyon, kung saan maaaring nagsisimula sa labas ng prubinsya ang operasyon, limang kolum na may dalawa hanggang tatlong seksyon ang itinatambak ng militar. Bawat kolum ay pinamumunuan ng isang tinyente.

Bago ang aktwal na pagdumog, pinakikilos ng AFP ang kanilang mga espiya para pasukin ang target na mga baryo. Madalas silang magpanggap na naglalako ng kung anu-anong produkto. Pinakikilos din ng AFP ang mga paramilitar nito para maghanap ng mga bakas at iba pang palatandaan sa gubat. Ginagamit nilang batayan ang mga datos na nakukuha nila mula sa mga nahuli na Pulang mandirigma para makuha ang lokasyon ng mga taktikal na base o kampuhan ng mga yunit ng BHB.

Bahagi ng operasyon ang ilang ulit na pagpapalipad ng mga eroplanong pangsarbeylans at drone ilang linggo bago at sa kasagsagan ng aktwal na operasyong kombat. Naiulat ang paggamit ng isang maliit na eroplanong may piloto (Cessna), dalawang klase ng medium-altitude (katamtaman o 9-10 kilometrong taas ang lipad) na drone na kulay puti (kahugis ng Reaper at Predator ng US) at mas maliliit pang drone (kahugis ng ScanEagle). Pinaniniwalaang ang tipong-Reaper na drone ay pagmamay-ari at direktang pinalilipad ng militar ng US na nasa bansa.

Sa mga lugar na mahirap abutin ng mga sundalong pangkati, suportado ang mga operasyon ng mga bomba at bala mula sa ere ng dalawang klase ng pang-atakeng helikopter (MG-520 at AugustaWestland 109E) mula sa Tactical Operations Wing (Group 10) ng Eastern Mindanao Command na nakabase sa Cagayan de Oro. Ginagamit din ang mga helikopter na UH-1H (Huey) para sa suplay ng pagkain, gamot at dagdag na tropa. Sa panahon ng mga sagupaan, sinusuportahan ang mga tropang pangkati ng artileri mula sa mga kanyon at 105mm howitser.

Sa mga operasyong ito, ginagamit ng mga tropang militar ang radyong Harris para sa komunikasyong encrypted. Mahigpit ang koordinasyon ng mga sundalo sa antas ng platun hanggang sa seksyon. Ang kanilang mga taktikal na sentrong pang-operasyon (na inilalatag sa kapatagan ng mga baryo pero minsa’y inilalatag din sa matataas na tereyn para magsilbing posteng pang-obserba) ay nagsisilbing mga istasyong medikal kung saan nilalapatan ng paunang lunas ang kanilang mga sugatan. Sa kampanya nito noong Disyembre, halimbawa, naghawan ng lapagan ng helikopter ang sentro ng operasyon na nakapatong sa pinakamataas na tereyn sa kinubkob na lugar.

Milyun-milyong gastos

Kung kukwentahin, hindi bababa sa P10 milyon kada dalawang linggo ang ginagastos ng AFP para sa tropa at mga bala ng baril at kanyon pa lamang sa kada FMO na inilunsad nito sa prubinsya. Hindi kabilang rito ang gamit ng mga sundalo, tulad ng riple at masinggan, teleskopyo, radyo, bakpak, kasuotan at bota. Hindi rin kasali ang gamit pang-operasyon tulad ng radyong pangbase, generator, tool kit at iba pa. Wala rin dito ang mga gamit-medikal, gamot at ambulansya at gastos sa transportasyon gamit ang mga siksbay (hindi bababa sa 20 kada FMO).

Hindi bababa sa P3 milyon ang nagagastos ng AFP sa bala pa lamang sa isang operasyon. Ang bawat bala ng ripleng M16 at M14 ay nagkakahalaga ng P25, habang P35 naman ang bawat bala ng Squad Automatic Weapon. Sa isang kampanyang kubkob noong 2018, umabot sa 13 ang serye ng mga engkwentro (sa parehong opensiba at depensiba) sa pagitan ng BHB at ng AFP. Ang bawat bala ng mortar naman ay nagkakahalaga ng P10,000.

Milyun-milyon din ang gastos kada pagpapalipad ng helikopter at pagpapakawala ng mga rocket at bala mula dito, na karaniwang tumatama sa mga sakahan ng maliliit na magsasaka at kagubatang nakapaligid dito. Batay sa mga ulat ng US Air Force noong 2013, umaabot sa $13,634 (P681,700 sa palitang P50=$1) ang gastos sa kada oras na pagpapalipad ng isang Huey. Ang gastos naman sa isang oras na paglipad ng medium-altitude drone (lumilipad na may taas na 9-10 kilometro) ay tinatayang $3,624-$4,762 (o P181,200 hanggang P238,100). Hindi bababa sa 82 katao ang kinakailangan para sa pagpapalipad at pagsusuri ng mga datos na nakakalap ng naturang mga drone. Ang rocket naman na pinapuputok ng mga pang-atakeng helikopter ay nagkakahalaga nang mula P1,500 (Warhead M151) tungong P3,500 (Warhead M282) kada isa. (Nota: Ang MG-520 ay maaaring magpakawala ng pitong rocket sa isang serye ng pambobomba.)

Dagdag pa rito ang gastos para sa paghahatid ng suplay na pagkain, suportang medikal at ebakwasyon ng mga patay at sugatang sundalo, pagtatayo ng sentrong pangkumand at marami pang iba.

Dumog para sa mga “proyektong pangkaunlaran”
Isinasagawa ang kampanyang kukbob sa mga kabundukan ng Bukidnon na may nakatakdang proyektong imprastruktura tulad ng malalaking dam, plantang pang-enerhiya at sa lugar na planong latagan ng komersyal na mga plantasyon. Layunin nitong “linisin” ang lugar ng presensya ng BHB para madaling pasukin ang erya at palayasin ang mga nakatira rito. Ang mga erya na ito ay mga lupang agrikultural at lupang ninuno na kinatitirikan ng mga komunidad ng mga Lumad.

Noong Marso 2019, pinasinayaan ng AFP, katuwang ang Cabinet Officer for Regional Development and Security para sa Region 10 na si Martin Andanar, ang Convergence Areas for Peace and Development (CAPDev) sa Iba, Cabanglasan. Alinsunod ang programang ito sa “whole-of-nation approach” na ipinamamarali ng National Task Foce to End Local Communist Armed Conflict. Pamamahalaan ng Mindanao PeaceDev Coordinating Group ang CAPDev, isang grupong pinaghaharian ng mga upisyal ng 1st, 4th at 10th ID at ng 403rd Brigade at 2nd Mechanized Infantry Brigade, kasama ang mga rehiyunal na upisina ng Philippine National Police, Department of Interior and Local Government, at National Economic and Development Authority.

Saklaw ng CAPDev ang sumusunod na kabundukan sa prubinsya: Mt. Saldab at kapatagan ng Kalabugao sa Impasug-ong, Pantaron Range at Umayam Complex sa Cabanglasan at San Fernando, Kitanglad sa Sumilao at Baungon, Kalatungan sa pagitan ng Talakag at Pangantucan at kapatagan ng West Bukidnon. Ang mga lugar na ito ay matagal nang target na pagtayuan ng mga proyektong pang-enerhiya at komersyal na plantasyon ng malalaking burgesya-kumprador at kanilang mga kasosyong dayuhan.

Noong 2018, hindi bababa sa 41 plantang pang-enerhiya, karamihan sa malalaking ilog (hydro) ang naiulat na pinaplano, pinauunlad o di kaya’y aktwal nang gumagana sa prubinsya. Pinakamalaki rito ang planong itayo na Pulangi Dam V (250MW) sa Kitaotao. Tinatayang ilulubog nito ang 40,000 ektarya na mga lupang ninuno, agrikultural at kagubatan sa hangganan ng Bukidnon at North Cotabato. Kabilang din sa mga proyektong ito ang dalawang plantang hydropower sa ilog ng Tagaloan sa Santiago, Manolo Fortich na pinagagana ng Hedcor Bukidnon ng burgesya-kumprador na pamilyang Aboitiz.

Ang kapatagan ng Kalabugao, sa partikular, ay matagal nang inilalako ng reaksyunaryong estado sa dayuhang mga debeloper para sa ekspansyon ng kanilang mga komersyal na plantasyon. Nasa Bukidnon ang malalaking plantasyon ng pinya at saging ng Del Monte, Davco at Dole. Saklaw ng mga plantasyong ito ang mga komunidad sa Manolo Fortich, Sumilao, Impasug-ong, Libona, Lantapan, Maramag at Quezon. Target ng kumpanyang Del Monte na palawakin pa ang plantasyon nito sa Talakag.

Gayundin, sinaklaw ng mapanlinlang na programang National Greening Program ang kabundukan ng Pantaron, Kitanglad at Kalatungan. Matagal nang ibinukas ng estado ang mga kagubatan dito sa mga korporasyong mina at troso.

Nakatakda ring buhusan ang prubinsya ng milyun-milyong pisong pondo para sa mga proyektong imprastruktura. Kabilang dito ang paliparan sa Don Carlos na wawasak sa daan-daang ektaryang palayan. Tatawid din sa prubinsya ang Mindanao Road Sector Project na tumama na sa mga sakahan at nagpalayas sa daan-daang mga magsasaka sa kanilang lupa. Nagkakahalaga ang proyektong ito ng P25.3 bilyon, na kalakhan ay uutangin sa Asian Development Bank.

Ang mga daan at tulay na itatayo ay hindi para paunlarin ang buhay at kabuhayan ng ordinaryong mamamayan kundi para pabilisin ang transportasyon ng mga produkto mula sa prubinsya tungo sa mga daungan at pabrika. Halimbawa nito ang bagong daan sa Alae, Manolo Fortich na may layuning pabilisin ang transportasyon ng mga produkto ng mga komersyal na plantasyon mula Bukidnon patungong Mindanao Container Terminal (MCT) sa Tagoloan, Misamis Oriental. Samantala, dalawang proyektong daan—ang Laak-San Fernando at Mactan-Miaray—ang aktibong nilalabanan ng mga Lumad dahil sinasagasaan nito ang kanilang mga komunidad.

Ang mga kabundukan ng Bukidnon ay hindi lamang lupang ninuno ng mga tribu nito at pinagkukunan ng kanilang kabuhayan. Dito nagmumula ang dalawang malalaking ilog (Pulangi at Tagoloan) na nagsusuplay ng tubig at irigasyon sa buong prubinsya. Nagsisilbi ring watershed ang mga ito ng buong Mindanao at nagsusuplay ng 25% sa pangangailangang enerhiya sa buong isla.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2019/08/21/katangian-at-layuninng-mga-fmo-ng-afpsa-bukidnon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.