New People's Army propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (May 17): Magkakasunod na Taktikal na Opensiba ng NPA-Laguna, Tagumpay!
Jaime “Ka Diego” Padilla, Spokesperson
NPA-Southern Tagalog (Melito Glor Command)
Press Release
17 May 2017
Binabati ng Melito Glor Command-New People’s Army Southern Tagalog ang mga yunit ng NPA sa ilalim ng Cesar Batrallo Command sa lalawigan ng Laguna sa isinagawa nilang pitong matutunog na taktikal na opensiba noong May 14 at Mayo 17, 2017 sa mga bayan ng Majayjay at Luisiana kapwa sa lalawigan ng Laguna at bayan ng Lukban, lalawigan ng Quezon. Nagresulta ang mga taktikal na opensibang ito sa pagkapinsala ng 28 pwersa ng AFP-PNP, pagkasunog ng dalawang sasakyan ng RPSB, isang makinarya ng Global Heavy Equipment Inc. at pagkawasak ng dalawang 6×6 truck ng 80th IB-PA at 202nd Brigade sa ilalim ng 2nd IDPA.
Noong Mayo 14, ganap na ika-6:25 hanggang ika-7:00 ng hapon, matagumpay na naisagawa ng isang yunit ng Cesar Batrallo Command-NPA Laguna ang tatlong magkasunod na taktikal na opensiba at hakbang pamamarusa laban sa 3 pwesto ng 59th IBPA-CAFGU at 80th IBPA na nagsisilbing upahang security ng Global Heavy Equipment Inc sa Brgy. Ibabang Banga at Piit, Majayjay, Laguna. Kasabay nito, matagumpay na nasunog ng isa pang team ng CBC-NPA Laguna ang 1 backhoe ng Global Heavy Equipment Inc. Nagresulta ito sa pagkamatay ng 3 at pagkasugat ng 3 pang kagawad ng 59th IBPA-CAFGU at ng 80th IBPA. Ligtas na nakaatras ang mga yunit ng CBC-NPA Laguna na naglunsad ng taktikal na opensiba nang wala ni anumang pinsala.
Ngayon namang katanghalian ng Mayo 17, muling nakapaglunsad ng tatlong magkakasunod na taktikal na opensiba ang isa pang yunit ng CBC-NPA Laguna sa Brgy. Kilib, bayan ng Lucban, Quezon laban sa pwersa ng Regional Public Safety Batallion ng CALABARZON. Inisnayp ang pitong elemento ng RPSB ng isang sniper team ng CBC-NPA Laguna. Matapos tamaan ang dalawang kaaway ng magkasunod na putok ng mga Pulang mandirigma, nagtakbuhan ang natitira pa nitong pwersa na tinambangan naman ng panibagong team ng NPA. Iniwan ng mga pulis ang isang malubhang nasugatang kasamahan at nakumpiska dito ang kanyang ammo pouch na may lamang magasin at mga bala, ang kanyang military pack at mga kagamitan. Sinunog din ng NPA ang dalawang sasakyan ng RPSB. Samantala, napinsalaan naman ng isang nakahiwalay na team ng CBC-NPA Laguna ang isa pang pulutong ng kaaway sa hindi kalayuan.
Bandang alas-3:30 ng hapon, tinambangan ng isa pang yunit ng CBC-NPA Laguna ang magkakasunod na apat na sasakyan ng militar kabilang ang 2 6×6 military truck, 1 weapon vehicle at isang Anti-personnel carrier lulan ang mga pwersa ng 80th IB-PA at kumand ng 202nd Brigade sa Brgy. San Antonio, Luisiana, Laguna. Nasapol ng nakatanim na command detonated explosive device ang dalawang sasakyan ng militar at tinamaan ng mga pinakawalang putok ng Pulang hukbo ang apat na sasakyan na dumaan sa ambush site. Tumagal ng 20 minuto ang labanan na nagresulta sa pagkamatay ng hindi bababa sa 10 kaaway at pagkasugat ng tinatayang 10 pa. Nawasak din ang dalawang sasakyan ng kaaway na tinamaan ng mga cdx ng NPA. Ligtas namang nakaatras ang Pulang hukbo nang walang tinamong pinsala.
Binigwasan ng CBC-NPA Laguna ang mga yunit ng militar sa ilalim ng 2nd ID na nagkakanlong sa mapaminsalang mga proyekto sa kalikasan at sa mamamayan.
Ipinamalas ng CBC-NPA Laguna ang kahusayan sa taktika at teknikang militar ng NPA sa buong bansa na pinanday ng kanyang mayamang karanasan sa pakikidigma.
Sa harap ng lumalakas ng pwersa ng NPA at ng malawak at malalim na pagsuporta ng masang magsasaka at mamamayan, magtutuluy-tuloy ang mga aksyon ng MGC-NPA ST at ng rebolusyonaryong mamamayan laban sa mga proyektong mapangwasak sa kapaligiran at kabuhayan ng mamamayan. Hindi rin kailanman pahihintulutan ng MGC- NPA ST ang alinmang pwersa ng AFP-PNP-CAFGU at mga private goons na itaguyod at protektahan ang interes ng mga dayuhang monopolyo- kapitalista, malalaking burgesya kumprador, panginoong maylupa at malalaking kontraktor ng mga ito sa Southern Tagalog.
Ang mga taktikal na opensiba ng NPA ay ganting aksyon rin sa walang habas na paglulunsad ng operasyong militar ng mga pwersa ng AFP-PNP-CAFGU sa balangkas ng DSSP-Kapayapaan laban sa mamamayan, mga yunit ng NPA at iba pang pwersang rebolusyonaryo. Hinahamon namin ang gubyernong Duterte na ibasura ang DSSP-Kapayapaan na instrumento ng mga imperyalista at naghaharing-uri laban sa mamamayan at kalikasan.
Mabuhay ang New People’s Army!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!
Kamtin ang Pambansang Kalayaan at Demokrasya sa Pilipinas!
https://www.philippinerevolution.info/statements/20170517-magkakasunod-na-taktikal-na-opensiba-ng-npa-laguna-tagumpay
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.