Saturday, September 2, 2023

CPP/NPA-Southern Tagalog ROC: Hinggil sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE)

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Sep 2, 2023): Hinggil sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) (Regarding the Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE))
 


Armando Cienfuego
Spokesperson
Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command)
New People's Army

September 02, 2023

Naghahasik na naman ng disimpormasyon at teror ang AFP sa pag-aabiso nito sa publiko na huwag umanong iboto ang mga kandidato na sumusuporta sa CPP-NPA sa paparating na barangay at sangguniang kabataan elections (BSKE) ngayong Oktubre. Kasabay nito ang paninira ng AFP sa NPA bilang “peace spoiler”.

Purong kalokohan ang buladas na ito ng AFP na nais lang dungisan ang marangal na pangalan ng CPP-NPA. Kahit kailan, hindi nakisangkot ang CPP-NPA sa reaksyunaryong eleksyon kahit sa antas barangay. Bilang isang rebolusyonaryong pwersa, itinatakwil ng CPP-NPA ang reaksyunaryong estado at mga instrumento nito, kabilang ang eleksyon na ginagamit lamang ng naghaharing-uri upang linlangin ang mamamayan na mayroong “demokrasya” sa bansa.

Gayunman, kinikilala ng rebolusyonaryong gubyerno na malaking bahagi pa rin ng sambayanang Pilipino ang lumalahok sa eleksyon bunsod ng kanilang marubdob na paghahangad ng pagbabago sa lipunan. Hindi kailanman gagawa ang NPA ng anumang hakbang na manggugulo o maghahatid ng panganib sa elektoral na proseso bilang paggalang sa bahaging ito ng populasyon. Hindi tulad ng mersenaryong hukbo, pinahahalagahan ng CPP-NPA ang kaligtasan ng mamamayan at pag-eehersisyo ng kanilang demokratikong karapatan.

Bukod sa paninira sa CPP-NPA, layunin din ng pahayag ng AFP na pagbantaan ang mga kandidato sa BSKE, lalo ang mga progresibo. Tinatakot ang mga susunod na opisyal ng barangay at SK na pumailalim sa AFP at magbulag-bulagan sa mga krimen at paglabag sa karapatang tao na ginagawa ng mga pasistang tropa sa proseso ng mga FMO-RCSPO. Isa rin itong mensahe ng intimidasyon sa mga nagnanais na maglantad at kumontra sa mga kontra-mamamayang programa ng rehimeng US-Marcos II at sa mga anti-sosyal na gawain at iligal na negosyong pinoprotektahan at pinagkakakitaan ng mga opisyal ng pulis at militar.

Ang matitino at matatapat na lingkod bayan na sagabal sa malagim na paghahari ng AFP ay target ng pasismo. Nirered-tag ang mga tunay na naglilingkod sa kanilang kababayan at tumitindig laban sa militarisasyon bilang pasakalye sa direktang pang-aatake sa kanila. Ganito ang modus sa mga opisyal ng barangay na biktima ng AFP dito sa TK. Isa rito si Armando Buisan, dating konsehal ng Barangay Magsaysay, General Luna, Quezon at kasapi ng progresibong organisasyon ng mga magsasaka. Pataksil siyang pinatay ng 201st Brigade noong Nobyembre 2020. Inutang din ng mga pasista ang buhay ng kapitan ng barangay na si Froilan “Kawing” Reyes ng Kalayaan, Laguna noong Hunyo 2020. Mahigpit na nilalabanan ni Kapitan Kawing ang militarisasyon sa kanilang komunidad at naging takbuhan siya ng mga kababayang binibiktima ng pandarahas ng militar. Kilala rin siyang kalaban ng mga sindikato sa droga na nananalasa sa kanilang bayan.

Tiyak na habang papalapit ang BSKE ay lalong magiging mas mabangis at mapanlansi ang AFP. Titiyakin nitong maipwesto hanggang sa pinakamababang antas ng gubyerno ang mga tagasunod ng pasistang rehimen. Dapat maging mapagbantay ang mga taumbaryo at tibayan ng mga lokal na opisyal ang kanilang loob. Hindi dapat magpatangay sa saywar at pananakot ng mga pasista. Bilang mga lider, dapat nilang magiting na ipagtanggol ang karapatan ng mamamayan laban sa pangyuyurak ng malupit na reaksyunaryong estado.

https://philippinerevolution.nu/statements/hinggil-sa-barangay-at-sangguniang-kabataan-elections-bske/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.