Saturday, September 2, 2023

CPP/NDF-Palawan: Komemorasyon sa mapag-upat na US-RP Mutual Defense Treaty///Lubusang wakasan ang mapanlinlang at mapanlamang na “pakikipagkaibigan” ng US sa Pilipinas

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Aug 30, 2023): Sa ika-72 Komemorasyon sa mapag-upat na US-RP Mutual Defense Treaty///Lubusang wakasan ang mapanlinlang at mapanlamang na “pakikipagkaibigan” ng US sa Pilipinas (On the 72nd Commemoration of the binding US-RP Mutual Defense Treaty///Put an end to the deceitful and false "friendship" of the US with the Philippines)
 


Leona Paragua
Spokesperson
NDF-Palawan
National Democratic Front of the Philippines

August 30, 2023

Walang nakamit na proteksyon at kapanatagan ang mamamayang Palaweño at kapwa-masang anakpawis ng Pilipinas–bagkus ay papatinding ligalig, pagkatakot, kahirapan at pagyurak sa soberanya magmula nang pinagtibay noong Agosto 30, 1951 ng mga mapanggera’t mapanakop na US at mga taksil na papet sa Pilipinas ang Mutual Defense Treaty (MDT). Sa paglagda sa nasabing “kaisahan” ng magkabilang-panig sa Washington, DC, balwarte ng imperyalismong US, tiniyak at lalong ipinailalim ng mga ahente ng pasismo ang Pilipinas sa hegemonyang militar ng US. Naging sandigan ito ng mga nagdaan at kasalukuyang kasunduang ehekutibo na tagibang, mapanlinlang at mapang-upat, para higit na palakasin at patibayin ang Tratadong US-RP sa Pangkalahatang Relasyon ng Hulyo 4, 1946–kasabayan ng ikalawang deklarasyon ng huwad na kalayaan sa Luneta Grandstand at pagkatapos ng maiksing pananakop ng pasistang Japan. Ito rin ang nuno’t pinaghalawan ng 1998 RP-US Visiting Forces Agreement (VFA), 2002 US-RP Mutual Logistics Support Agreement (MLSA) at 2014 Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Nakasaad sa ikalawa at ikalimang artikulo ng MDT na maaaring magkahiwalay o makasabayang magpaunlad at magmantina ang magkabilang partido ng kani-kanilang kapasidad para sa pagtatanggol sa mga saklaw na teritoryo, at magkatuwang na tumugon at maging handa sa anumang atake mula sa katunggaling pwersa–sasaklawing hangganan o hurisdiksyon nito ang anumang bayan/lungsod o mga islang nasa Pacific region, maging sa mga pasilidad, sasakyang panghipapawid/pandagat, at kasundaluhan ng dalawa sa nasabing rehiyon. Ngunit sa dinanas nating madugong kasaysayan, tahasan at makaisang-panig na nilalabag ng US ang mga probisyong ito bilang tagapagtakda ng malakolonyal na kairalan sa tabing ng pagkakaibigan. Ang totoo, ipinailalim nito ang papet na AFP at PNP, mga base militar nito sa kontrol at mando ng militar ng US. Nagagamit ng US ang mga tropang militar ng Pilipinas sa tuwing may inilulunsad itong gerang agresyon sa iba’t ibang bahagi ng daigdig tulad ng gera sa Korea, Vietnam, at Iraq. Gayundin, sa pamamagitan nito, nagawang ikutan ng estado ng Pilipinas ang pagbabasura sa Military Bases Agreement sa pamamagitan ng mga bagong makaisang-panig na kasunduang militar sa balatkayong mutwal na depensa.

Sa katunayan, nakapadron at higit pang pinalalakas ang MDT ng lahat ng binalangkas na patakaran sa depensa ng nagpalit-palitang rehimen. Malinaw na patunay rito ang laman at isinaad na probisyon sa National Security Policy (NSP) 2023-2028 ng administrasyong Marcos II na “panghahawakan at palalakasin pa nito ang MDT–katuwang ang iba pang regional partners–sa pagtitiyak ng maaasahang kakayahang magdepensa (credible defense capability)”. Walang-pakundangan pa itong sinuhayan ng pahayag nitong Mayo ni US Defense Secretary Lloyd Austin III: ang anumang armadong aksyon o atake sa mga sasakyang pandagat at panghimpapawid ng Pilipinas ay balidong rason para gamitin ang mga probisyon ng MDT at katuwang ang US na sumagot ng ganting-salakay.

Sa kasalukuyan, ginagamit ring salalayan ng US ang MDT sa pagpapatindi ng tensyon sa West Philippine Sea sa tabing ng pagprotekta sa Pilipinas bilang “big brother”. Nito ring mga nagdaang araw, bumisita mismo si US 7th Fleet commander Vice Admiral Karl Thomas sa ating probinsya. Nakipagpulong ito sa mga kinatawan ng lokal na administrasyon ni Governor Victorino “Dennis” Socrates nitong Agosto 7 para umano bigyang katiyakan na buo ang suporta at ‘pagtuwang’ ng US at ihahapag ang mga substansyal na mga usapin kaugnay rito sa US-Philippines Mutual Defense Board and Security Engagement Board.

Ginagawa ring sangkalan ng mga opisyal militar ng US ang naganap na pagmamaniobra at pagbomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Agosto 5 na magdadala sana ng suplay sa mga tropang militar na nakaistasyon sa nakasadsad na BRP Sierra Madre sa Ayungin (o Second Thomas) Shoal, para magyabang at iparamdam sa mga karatig-bayan laluna sa China ang lakas ng kanilang naval forces (pinakamalaki sa mga US Navy’s forward-deployed fleets). Lantarang panggagatong ang binitiwang pahayag ni Thomas na “kailangang hamunin ang mga taong kumikilos sa isang grey zone. Kapag ang mga ito ay hindi kuntentong manguha pa nang manguha habang binubuyo ka, kailangan mong gumanti, kailangan mong maglayag at kumilos para rito”.

Manipestasyon ito ng lalong paghigpit ng hawak ng imperyalistang US sa leeg ng reaksyunaryong militar ng Pilipinas. Bilang tugon, garapalan ang pagpapakatuta ng rehimen, laluna’t tila mga asong naghihimod ng pwet ng kanilang amo ang benggatibong pagsang-ayon nila dating Department of National Defense (DND) OIC Carlito Galvez Jr, at DND Secretary Gibo Teodoro di lamang sa matagal na pananatili ng mga mersenaryong tropang US sa bansa kundi sa maaari pang matatabong ayudang militar at malakas at di-mapapasubaliang impluwensya nito. Ang sunud-sunod na pagtatayo ng mga base-militar sa ating mga isla at kalupaan maging ang taun-taong idinaraos na Balikatan Exercises katuwang ang iba pang maasahang mga alyadong bansa ng US ay mga di-pangkaraniwang ekstra-teritoryal na panghihimasok ng mga imperyalista, at tahasang pagyurak sa karapatan at kalayaan ng sambayanang Pilipino.

Sa kabuuan, naglilingkod ang kasunduang ito sa makaisang-panig na adyenda at mga interes ng monopolyo-kapitalista kasapakat ang mga lokal na ahente nitong mga burgesya-kumprador at panginoong maylupa sa bansa. Sa tabing ng mga islogan ng “malaya, payapa, masagana at rule-based na kaauysang internasyunal” na nakasaad sa NSP ng palpak, papet at pasistang gubyernong Marcos II ang pagdambong sa ating mga likas na yaman. Malaon nang isinumpa ng mamamayang Pilipino ang US bilang nangungunang tagapaglabag sa karapatang pantao at numero-unong terorista sa daigdig na walang ibang hatid kundi pambubusabos at madugong bukas.

Dapat na manindigan at ipagtanggol ng mamamayang Palaweño, kasama ng buong sambayanang Pilipino ang soberanya at kalayaan ng bansa laban sa pambubuyo at pagsusubo ng imperyalismong US sa Pilipinas sa unahan ng digmaan. Dapat nilang ipabasura ang MDT at iba pang hindi pantay na tratadong militar ng bansa sa US; singilin at pagbayarin ang mga promotor at instigador ng mga nasabing kasunduan. Dapat palayasin ang lahat ng pasistang tropa, kanilang base at mga kagamitan at sandatang militar ng US sa Pilipinas. Isanib ang nagkakaisang boses ng mamamayang mariing tumututol sa interbensyong militar na pinangungunahan ng mga pasista at utak-pulbura. Dapat ituon ang mga pagsisikap ng mga makabayang Pilipino sa pagtatatag ng pambansang demokrasya na tunay na malaya at walang pasaning ipinapataw ng mga tulad nila Marcos II, Duterte, o anumang agresibong kontrol ng mananakop. Determinadong ipagpapatuloy at pagpupunyagian ng buong pambansa-demokratikong pwersa ang nasimulang pakikibaka ng ating mga bayani–sa pagsusulong ng digmang bayan–hanggang mapasaatin ang tunay na malaya at demokratikong bukas!

Kamatayan sa imperyalismo!
US-China, layas!
Mamamayang Palaweño, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!#

https://philippinerevolution.nu/statements/lubusang-wakasan-ang-mapanlinlang-at-mapanlamang-na-pakikipagkaibigan-ng-us-sa-pilipinas/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.