Saturday, September 2, 2023

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Mga protestang suporta sa rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas, inilunsad sa buong mundo INTERNATIONAL, PEOPLE'S WAR

Ang Bayan Daily News & Analysis article posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Sep 1, 2023): Mga protestang suporta sa rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas, inilunsad sa buong mundo (Protests in support of the revolutionary movement in the Philippines, launched around the world)






September 01, 2023

Inilunsad nitong Agosto 26 sa iba’t ibang panig ng mundo ang mga protesta at aktibidad bilang pagsuporta sa kilusan para sa pambansang pagpapalaya sa Pilipinas. Pinamunuan ang Global Day of Action ng Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS), internasyunal na grupong sumusuporta sa pambansa-demokratikong kilusan ng Pilipinas.

Naglunsad ng pagkilos at aktibidad ang mga Pilipino at organisasyong kasapi ng FFPS sa Utrecht, The Netherlands, Vancouver at Toronto sa Canada, pitong syudad sa Germany kabilang ang Memmingen, Leipzig, Regensburg, Rostock at Ulm, Basel sa Switzerland, Madrid at Valencia sa Spain, at Oregon at Washington sa US.

Ang kilusan para sa pambansang pagpapalaya sa Pilipinas ay pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), at ng armadong pwersa nito na Bagong Hukbong Bayan (BHB), at nakatatamasa ng suporta mula sa iba’t ibang mga alyadong organisasyon sa ilalim ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

“Nananatiling nasa ilalim ng kontrol ng imperyalismong US ang Pilipinas sa pamamagitan ng hindi patas na ugnayan sa kalakalan, at nagpapatuloy na pagpapalawak ng base militar ng US sa bisa ng EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement),” pahayag ni Ka Coni Ledesma, kasapi of the NDFP negotiating panel sa pangunahing demonstrasyon ng FFPS sa Utrecht, The Netherlands.

Sa protesta, ipinagtanggol ni Thomas Hofland, tagapangulo ng Revolutionaire Eenheid, organisasyong kasapi ng FFPS na nakabse sa The Netherlands, ang rebolusyonaryong kilusan mula sa pagbabansag dito ng reaksyunaryong estado ng Pilipinas at US bilang “terorista.” Aniya, “ang pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa pambansang pagpapalaya at tunay na demokrasya ay hindi terorismo…hindi terorismo ang pagpili ng mamamayang labanan ang pambansang pang-aapi at dayuhang imperyalistang paghahari.”

Ang ibang mga grupo ay nagsagawa ng raling iglap, porum, pamamahagi ng polyeto at kampanyang impormasyon, paglaladlad ng balatengga, pagpapaskil ng poster, at mga pagtitipon para itampok ang kilusan para sa pambansang pagpapalaya sa Pilipinas.

Nanawagan ang mga grupo na wakasan na ang paghahari ng imperyalismong US sa Pilipinas at ang pagpapadala ng kagamitang pandigma na itinututok ng rehimeng Marcos Jr sa mamamayang Pilipino. Sa tala ng Ang Bayan, hindi bababa sa 100,000 ang biktima sa 954 kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa unang taon sa poder ni Marcos Jr.

“May kakagyatan na suportahan ang rebolusyong Pilipino sa lahat ng porma nito, at laluna ang armadong pakikibaka,” ayon naman kay Veron Soewari ng FFPS. Binigyang diin niya ang kahalagahan ng pagsuporta dito nasaan mang bahagi ng mundo.

“Gagawin namin ang lahat para suportahan ang pambansa-demokratikong rebolusyon ng Pilipinas at kaakibat nito, ang pagsulong ng pakikibaka laban sa imperyalismong US at lahat ng sistema ng pang-aapi at pagsasamantala,” dagdag pa ni Soewari.

Ang pagkilos ng FFPS noong Agosto 26 ay itinaon sa paggunita sa Sigaw ng Pugad Lawin, ang hudyat ng pagsisimula ng Rebolusyong Pilipino laban sa pananakop ng Espanya sa bansa noong 1896.

Nagpasalamat naman ang NDFP sa FFPS at lahat ng mga kasapi at alyado nito sa kanilang pakikiisa sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya.

https://philippinerevolution.nu/angbayan/mga-protestang-suporta-sa-rebolusyonaryong-kilusan-sa-pilipinas-inilunsad-sa-buong-mundo/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.