Tuesday, March 30, 2021

Kalinaw News: Mga residente sa Lambak ng Cagayan at Rehiyong Cordillera kinondena ang ika-52 na taon ng teroristang CPP-NPA

Posted to Kalinaw News (Mar 30, 2021): Mga residente sa Lambak ng Cagayan at Rehiyong Cordillera kinondena ang ika-52 na taon ng teroristang CPP-NPA



CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela- Nagkaisa sa pagkondena ang mga mamamayan sa Lambak ng Cagayan at Rehiyong Cordillera kontra sa ika-52 na taon ng teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) kasabay ng Declaration of Solidarity for the Condemnation and National Call for Outrage laban sa teroristang grupo nang ika-29 ng Marso taong kasalukuyan.

Nagsagawa ng Indignation Rally ang ilang mga residente kasama ang mga kabataan, at mga Former Rebels (FR) mula sa probinsya ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya at maging sa lalawigan ng Ifugao. Kasunod ng ikinasang indignation rally ay ang kanilang pagsunog sa bandila ng rebeldeng grupo. Ayon sa mga residente, tanda ito ng kanilang pagtakwil sa mga teroristang CPP-NPA na nagdulot ng kahirapan at kaguluhan sa kani-kanilang mga lugar. Layunin ng naturang aktibidad na kondenahin ang mahigit limang dekada na pang aabuso, panlilinlang, karahasan, at paglabag sa karapatang pantao na ginagawa ng mga teroristang CPP-NPA.

Maliban dito, nakiisa rin ang kasundaluhan ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa pagtirik ng kandila at pag-alay ng dasal para sa mga sundalo at mga alagad ng batas na nagbuwis ng kanilang buhay kabilang narin ang mga inosenteng indibidwal na namatay dahil sa karahasan ng teroristang CPP-NPA na kung saan, maging ang magulang ng kasalukuyang pinuno ng 5ID ay naging biktima rin ng kalupitan ng teroristang grupo.

Inalala ni SSg Jose D Soriano ang kanyang naging karanasan sa kamay ng rebeldeng grupo. Aniya, maswerte siyang nakaligtas sa ginawang pagsalakay ng teroristang CPP-NPA, ngunit naiwan pa rin sa kanyang tuhod ang bala na mula sa baril ng mga rebelde. Kung kaya, patuloy niyang dinadaing ang sakit na dulot nito. “Isa ako sa mga biktima ng teroristang NPA. Dala-dala ko ang sugat na resulta ng karahasan ng NPA subalit sa kabila nito, ipinagpapasalamat ko ang aking pangalawang buhay upang maipagpatuloy ang paglilingkod sa bayan lalo na sa ating mga kababayan.”

Samantala, sinabi ni MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5ID na sa loob ng limang dekada, walang naidulot ang teroristang CPP-NPA sa sambayanan kundi pang aabuso at panlilinlang. Aniya, salot lamang sila sa lipunan sapagkat wala silang nais gawin kundi pabagsakin ang gobyerno. “Ang anibersaryo ng NPA ay paalala lamang sa limampu’t dalawang taon na pahirap sa ating bayan. Limampu’t dalawang taon na panlilinlang at pang aabuso sa mamamayan. Limampu’t dalawang taon na kasinungalingan sa taumbayan.”

Dagdag pa ni MGen Mina, na napapanahon ng magkaisa at isabuhay ang ugaling bayanihan ng Pilipino. “Sa mga miyembro at sumusuporta sa teroristang NPA, piliin ninyo ang tunay na kaunlaran at makatotohanang kapayapaan. Ibaba ang armas at makiisa sa pambansang layuning pag-unlad at katiwasayan ng bayan. Isulong ang tunay na tatak ng lahing Pilipino-nagkakaisa, nagtutulungan at nagdadamayan. Ito ang tunay na diwa ng bayanihan!”



[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]

https://www.kalinawnews.com/mga-residente-sa-lambak-ng-cagayan-at-rehiyong-cordillera-kinondena-ang-ika-52-na-taon-ng-teroristang-cpp-npa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.