Tuesday, March 30, 2021

CPP/NDF-KM-Ilocos: Bukas na Liham ng Kabataang Makabayan- Ilocos para sa Ika-52 Taon Anibersaryo ng NPA

Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 29, 2021): Bukas na Liham ng Kabataang Makabayan- Ilocos para sa Ika-52 Taon Anibersaryo ng NPA

KARLO AGBANNUAG
SPOKESPERSON
KABATAANG MAKABAYAN-ILOCOS
NDF-ILOCOS
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

MARCH 29, 2021



Minamahal naming mga kasama sa New People’s Army,

Pulang saludo at pagbati sa inyong lahat! Kaisa nyo kami sa pagdiriwang ng ika-52 taong anibersaryong pagkakatatag ng NPA ngayong araw. Lubos ang aming kagalakan at paghanga sa inyong mga pagsisikap na ipagtanggol kaming mamamayan at isulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa harapan ng uhaw-sa-dugong halimaw na rehimeng US-Duterte.

Kaisa ‘nyo rin kami sa pagbibigay parangal sa lahat ng mga pulang kumander at mandirigma na nag-alay ng kanilang buong panahon at buhay para sa ating dakilang misyon na ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyon at mahawan ang daan tungong sosyalistang lipunan. Ang mga kabataang NPA na nagbuwis ng kanilang buhay, tulad nina Ma. Finela “Ka Riki” Mejia, Marxes Samman “Ka Jigs” Dazon, at Pamela “Ka Maymay” Peralta at marami pang iba, ang aming inspirasyon sa pagpapatuloy at ubos-kayang pagsisikap sa pagtupad ng mga rebolusyonaryong tungkulin. Patuloy naming bibitbitin ang mga aral ng kanilang dakilang buhay at sakripisyo para sa rebolusyon. Magniningning silang tulad ng Polaris na gagabay sa aming pagtahak sa rebolusyonaryong landas patungong tagumpay.

Katulad ng nararanasan ng mayorya ng mamamayan sa buong bansa, labis-labis na pagdurusa at kahirapan rin ang nararanasan naming mga kabataan sa Ilocos lalo na yaong mga nagmula sa uring anakpawis. Ang pandemyang COVID-19 at ang nagpapatuloy na militaristang lockdown ni Duterte ang higit na naglantad sa pagkabangkarote ng sistemang malapyudal sa kanayunan. Gutom ang dinaranas ngayon ng mga masang magsasaka dahil sa pagkalugi sa kanilang mga lupang sakahan. Bagsak-presyo ang mga ani, tikag (tagtuyot) ang mga bukirin, at baon sa utang sa mga komersyante’t usurero ang aming mga magulang at kapatid. Hindi na nga sapat, ipinagkakait pa sa amin ng gobyerno ng Pilipinas ang ayuda na dapat naming natatamasa.

Nais din naming ipaabot sa inyo mga kasama ang nagpapatuloy na panggigipit at karahasan laban sa amin ng mga pwersa ng militar at pulis. Dahil batid nila na hindi nila kayo makakayanang talunin hanggang sa pagtatapos ng termino ng amo nilang si Duterte, niloloko na rin nila ngayon maging ang kanilang mga sarili. Pwersahan nilang pinasusuko ang mga sibilyan at ‘di armado at ipinipresentang mga kasapi daw ng NPA. Kapalit nito, kinukuha nila ang mga reward money na ang karamihan nama’y ibinubulsa lamang ng kanilang mga opisyal. Kami na araw-araw dumaranas ng labis na kahirapan ay pinagpeperahan pa ng mga dayukdok na militar at pulis!

Sa kasalukuyan, nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon ng Ilocos ang mga mapanirang poster at deklarasyon ng “Persona Non Grata” laban sa inyo mga kasama. Hibang ang mga militar at pulis, kasabwat ang iilang pirasong mga opisyal ng lokal na pamahalaan, na matatalo nila ang ating rebolusyon sa pamamagitan ng mga basura at lasong ikinakalat nila sa aming mga lugar. Buo ang aming tiwala at kumpyansa sa inyo mga kasama. Nakabukas ang aming mga tahanan at komunidad sa inyong pagdating dahil kayo ang aming hukbo- tunay na tagapagtanggol at naglilingkod sa mamamayan.

Kinikilala namin ang inyong araw-araw na pagsusumikap upang magpakahusay sa paglilingkod at pagtatanggol sa masang api. Maraming salamat sa inyo, mga kasama! Ang inyong kadakilaan ay apoy na nagpapaliyab sa aming mga damdamin. Tinutupok nito ang takot at pananahimik na nais ipangibabaw ng ating mga kaaway.

Sa aming bahagi, gagawin rin namin ng buong-puso at kagalakan ang mga rebolusyonaryong tungkuling nakaatang sa amin lalo na ang pagrerekluta at pagpapasampa sa NPA. Tulad ‘nyo, patuloy kaming lalaban at magpupunyagi hanggang makamit natin ang tagumpay ng rebolusyong bayan hanggang sosyalismo.

Pulang saludo at pasasalamat sa inyo, minamahal naming Hukbong Bayan! Mabuhay ang ika-52 Taong Anibersaryo ng NPA!

https://cpp.ph/statements/bukas-na-liham-ng-kabataang-makabayan-ilocos-para-sa-ika-52-taon-anibersaryo-ng-npa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.