Tuesday, March 30, 2021

CPP/NDF-PKM: Sa ika-52 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan: Karapatan sa Lupa, Ipaglaban! Ibagsak ang Pasista at Inutil na Rehimeng US-Duterte!

Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 29, 2021): Sa ika-52 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan: Karapatan sa Lupa, Ipaglaban! Ibagsak ang Pasista at Inutil na Rehimeng US-Duterte!

PAMBANSANG KATIPUNAN NG MGA MAGBUBUKID (PKM)
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

MARCH 29, 2021



Mapulang pagbati at pagsaludo ang ipinapaabot ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM) sa Bagong Hukbong Bayan sa ika-limampu’t dalawang anibersaryo nito sa pagsusulong ng Demokratikong Rebolusyong Bayan, Rebolusyong Agraryo, at Pambansang Pagpapalaya sa imperyalismo, lokal na pyudalismo at burukrata kapitalismo. Ipinagmamalaki ng PKM ang BHB na kinikilalang hukbong magsasaka, sa absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, na tangan ang proletaryadong idelohiya ng Marxismo, Leninismo, at Maoismo. Puspos ang pagkilos ng mga kasapi sa pagkokonsolida at pagpapalawak sa baseng masa para sa masikhay na pagsusulong ng pakikidigmang gerilya. Dagdag na pagbati rin ang ipinapaabot sa sustinidong paglulunsad ng mga taktikal na opensiba at pagpaparusa sa mga pasistang pwersa ng reaksyunaryong rehimen, na paggawad din ng Rebolusyonaryong Hustisya para sa mga biktima ng terorismo ng estado.

Mataas ang aspirasyon ng PKM sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo, kaya taus-pusong tanggap ng masang magsasaka ang armadong pakikibaka na inilulunsad ng BHB. Malinaw na walang interes magpatupad ng tunay na reporma sa lupa ang rehimeng Duterte. Kabaligtaran pa, ginagamit nito ang mga reaksyunaryong batas bilang instrumento ng malalaking panginoong maylupa, kumprador, mga burukrata kapitalista at iba pang naghaharing uri, para malawakang tapakan ang karapatan sa lupa ng masang magsasaka.

Pinalala lamang ng ilang dekadang pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP ang mala-pyudal na kaayusan sa bansa. Naging armas ito para sa malawakang pangangamkam ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka, pag-kumbert ng mga produktibong lupang agrikultural at pagpapasok sa mga operasyong plantasyon ng mga imperyalistang agro-korporasyon.

Pambansang saklaw, mula Luzon, Visayas, at Mindanao ang pagtatanggol ng mga magsasaka sa karapatan sa lupa. Maraming lokal na pakikibakang masa ang nagpapatuloy ngayon at nasusustini ng malawak na kasapian ng mga samahan, kahit pa na mahina ang laban nito sa ligal na pamamaraan. Naging susi rito ang konsolidado at di matitinag na pagkakaisa ng napakaraming magsasaka, at nagbunga ito ng mga tagumpay na ngayon ay pinapakinabangan ng mga komunidad. Naging posible rin ito dahil sa pagiging konsolidado ng mga balangay ng PKM at sa mga epektibong pamumuno ng mga lider-magsasakang pinanday ng pakikibaka para sa uri.

Dahil sa mga tagumpay na nakakamit sa rebolusyong agraryo, itinuring na target ng mga pasistang pwersa ng reaksyunaryong rehimen ang malawak na rebolusyonaryong masang magsasaka. Mga krimen laban sa sangkatauhan at krimeng pandigma ang terorismo ng reaksyunaryong rehimeng US-Duterte. Ang paparaming kaso ng pamamaslang at pawang pagtarget sa mga sibilyan o di-armadong seksyon ng populasyon na ipinagbabawal sa napakaraming kumbensyon at tratado, partikular na binabaybay sa mga International Humanitarian Law. Walang debate na si Duterte ay isang kriminal laban sa sangkatauhan na kinamumuhian hindi lang ng mamamayan sa bansa, kundi ng malawak na internasyunal na komunidad.

Ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC ay gumana bilang sindikatong walang kinikilalang saligang batas, rule of law o pag-iral ng batas, o kahit pa sentido komon. Nahihibang ang mga ito sa red-tagging sa mga aktibista at progresibo, maging sa mga panggitnang pwersa, sa pag-aakalang magtatagumpay silang ihiwalay ang mga rebolusyonaryo sa malawak na suporta ng mamamayan. Sa katotohanan, sila ngayon ang lalong nahihiwalay, kinamumuhian, at itinuturing na mga payasong berdugo ng iba’t ibang seksyon ng lipunan.

Ang mismong pasistang paghahari at pagtanggi sa mga burges-demokratikong karapatan ng masang magsasaka ay sintomas ng mala-pyudal na lipunan. Ang puspos na pagkilala o respeto rito ay hindi pa pumapaloob sa umiiral na super-istruktura ng isang ng moda sa produksyong ang katangian ay malawakang kawalang lupa at atrasadong pamamaraan ng agrikultura. Walang umiiral na estadong para sa mamamayan, bagkus ito ay sindikato na iniluklok ng mga imperyalistang kapangyarihan. Dahil dito, mas kagyat pa ang tungkulin ng masang magsasaka, sa pamamagitan ng PKM, na itayo ang mga binhi ng demokratikong estado sa kanayunan, na tunay na binubuo at nagsisilbi sa interes ng mamamayan at nagtatanggol sa mga karapatang pantao, pambansang soberanya at patrimonya.

Napapanahon ang pagpapabagsak sa reaksyunaryong rehimeng US-Duterte dahil ito ay malawakang kinamumuhian na ng mamamayan bunga ng kriminal na kapabayaan nito at pag-weaponize o pagturing na sandata laban sa mga aktibista at kritiko ng mga lockdown policies nitong nagpapanggap na tugon sa pandemya. Mismong si Duterte ang malawakang lumabag sa mga umiiral na batas tulad ng Bill of Rights sa reaksyonaryong konstitusyon, na animo’y suspendido dahil sa mga resolusyon ng mga pasistang gunggong sa Inter-Agency Task Force o IATF.

Niyuyurakan ang karapatan ng mamamayan sa pagpapahayag, mapayapang protesta, pag-oorganisa, kabuhayan, paninirahan, mobilidad, sapat na serbisyong medikal at iba pa para sa makataong pamumuhay. Sistematiko ring inatake ng rehimen ang press freedom sa gaya sa pagpapasara ng ABS-CBN, at academic freedom gaya sa pagpapawalam-bisa sa UP-DND Accord. Ang pinakahuli ay ang paglabag nito sa karapatan sa pananampalataya, na ngayon ay inaalmahan na mismo ng Simbahang Katoliko.

Habang naka-lockdown ang malawak na mamamayan, malayang naglipana ang mga pasistang berdugo at isinasagawa ang karumal-dumal na pagpaslang sa mga lider-aktibista at rebolusyonaryo. Noong Agosto, pinatay ng mga pasistang ahente ni Duterte ang batikang lider-magbubukid at dating kumander ng BHB na si Randall “Ka Randall” Echanis. Si Echanis o “Ka Makar” ng rebolusyonaryong kilusan ay martir at bayani ng masang magsasaka, mula pa sa kanyang pagkilos sa kilusang estudyante, pamumuno sa mga yunit ng BHB at ligal-demokratikong kilusang magsasaka. Kasama sa pagbati sa BHB, ang pinakamataas na pagpupugay sa ilang dekadang ambag ni Ka Makar sa rebolusyong agraryo at demokratikong rebolusyong bayan.

Walang katapusan ang kamangmangan ng rehimen mula pa sa nakaraang taon, ngayon ay lantad na lantad na ito sa buong mamamayan at international community. Patunay sa todong pagkahiwalay ni Duterte na mismong mga elemento ng business sector o mga negosyante, at ilan sa hanay ng oligarkiya o malalaking burgesya-kumprador ay hindi na sang-ayon sa kanyang militarista at di-siyentipikong mga patakaran. Umaapaw ang kontradiksyon o mga bitak sa loob ng rehimen sa pagitan ng mga pasistang hibang sa mga patakarang lockdown, at mga neoliberalista at malalaking burgesya-kumprador na kating-kati nang buksan ang ekonomiya dahil sa mahigit P2 bilyon pagkalugi kada araw bunga ng militaristang lockdown.

Pangunahing tungkulin ng rebolusyonaryong kilusang magsasaka ang dalawahang pagsusulong sa karapatan sa lupa at paglaban sa mga patakarang lockdown ng reaksyunaryong rehimen. Hindi dapat makalimutan ang mga pinsala mula nakaraang taon, kung saan hanggang antas barangay ang lockdown, hindi makapagsaka ang mga magbubukid, at ang kanilang mga produkto ay hindi rin mailako at maibyahe dahil sa mga limitasyon sa pampublikong transportasyon. Dapat wakasan ang sistematikong pagtatapon ng rehimen sa mga magsasaka sa kadusta-dustang kalagayan, kahirapan, at kagutuman.

Kinakailangan ding panghawakan ang pagkilala sa mga magsasaka bilang mga “food security frontliner,” o pangunahing tagatiyak ng pagkain sa gitna ng kasalukuyang krisis pangkalusugan. Mismong United Nations na ang nagpaalala na dapat tiyakin ng mga estado ang kasiguruhan sa masustansyang pagkain. Ngunit ang reaksyunaryong rehimeng US-Duterte ay kabaligtaran at pawang pag-abandona o kriminal na kapabayaan, atake at abuso ang ipinatupad. Panawagan na ng masang magsasaka ang ayuda mula pa noong nakaraang taon, ngunit hindi ito tinugunan ng pasista at inutil na rehimen.

Sa huli, malaki ang tungkulin ng PKM na ikiling ang balanse tungo sa pagpapatalsik ng rehimeng US-Duterte. Ito ay pangunahin sa pamamaraan ng malawakang pagpapasampa sa mga bagong pulang mandirigma ng BHB at pagsuporta sa mga aksyong militar laban sa reaksyunaryong estado. Kailangan ding pabulwakin ang mga aksyong masa at nakabibinging mga sigaw na sipain ang pasistang baliw sa Malacanang. Sa hanay ng mga panggitnang pwersa ay dumarami na rin nananawagan sa pagbibitiw ni Duterte. Samakatuwid, kailangang lalong patatagin ang pagkakaisa ng manggagawa at magsasaka na siyang saligan ng pinakamalawak na kilusan ng mamamayan.

Muli, rebolusyonaryong pagbati ang ipinapaabot ng PKM sa BHB, at makaaasa ang mga pulang mandirigma at kumander sa masikhay at walang puknat na pagsuporta ng kasapian para gapiin ang mga pasistang kaaway, isulong ang rebolusyong agrayo at palawakin ang baseng masa. Ngayon pa lang, idinedeklara na ng PKM na bigo ang reaksyunaryong rehimeng US-Duterte sa mga panlilinlang nitong magagapi nito ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Pilipino!

MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!
MABUHAY ANG NAKIKIBAKANG MASANG MAGSASAKA AT MAMAMAYANG PILIPINO!

https://cpp.ph/statements/sa-ika-52-anibersaryo-ng-bagong-hukbong-bayan-karapatan-sa-lupa-ipaglaban-ibagsak-ang-pasista-at-inutil-na-rehimeng-us-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.