Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 29, 2021): Kamtin ang malalaking pagsulong ng digmang bayan
CAGAYAN VALLEY REGIONAL COMMITTEECOMMUNIST PARTY OF THE PHILIPPINES
MARCH 29, 2021
Download full statement: PDF
Ipinaaabot ng Komiteng Rehiyon sa Cagayan Valley ng Partido Komunista ng Pilipinas ang Pulang pagsaludo sa mga yunit, opisyal at kawal sa ilalim ng pangrehiyong pamatnugutan sa operasyon (Fortunato Camus Command) ng Bagong Hukbong Bayan sa Cagayan Valley, at gayundin sa lahat ng mga kumander at mandirigma ng BHB sa buong bansa sa pagdiriwang sa ika-52 anibersaryo ng pagkakatatag nito. Binabati namin kayo sa inyong kabayanihan at katatagan sa pagpapatupad sa mga rebolusyonaryong tungkulin sa buhay-at-kamatayang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at tunay na demokrasya.
Kaisa kami ng sambayanang Pilipino at mga rebolusyonaryong pwersa nila na lipos sa kagalakan sa inyong mga nakamit na tagumpay sa armadong pakikibaka at iba pang linya at saklaw ng rebolusyonaryong gawain sa nagdaang isang taon. Sa kabila ito ng mga kahirapan at sakripisyo sa pagharap sa nakapokus na operasyong militar ng kontra-rebolusyonaryong hukbo ng rehimeng US-Duterte. Walang pag-iimbot ninyong ipinanguna ang interes ng sambayanan at sumuong kayo sa mga labanan, at dahil dito’y napanday kayo bilang di-magagaping hukbo na patuloy na bumibigo sa mga kontra-rebolusyonaryo at kontra-mamamayang pakana ng rehimen.
Inaalayan din natin ng pinakamataas na parangal ang mga rebolusyonaryong martir at bayaning nag-alay ng kanilang buhay sa nagdaang isang taon at bago pa nito. Pinakatampok sa kanila ang mga naging kagawad ng Komite Sentral ng Partido na sina kasamang Julius Guiron, Eugenia Magpantay, Agaton Topacio, Antonio Cabanatan at Fidel Agcaoili, at gayundin si Randall Echanis. Gayundin ang mga mahal nating sina kasamang Rosalino “Ka Yuni” Canubas na pangrehiyong kumander natin at kagawad ng kalihiman ng Komiteng Rehiyon, Mary Grace “Ka Tina” Bautista na kagawad din ng Komiteng Rehiyon at pangrehiyong opisyal ng BHB, at Renato “Ka Andong” Busania, Dominador “Ka Bob” Viloria, “Ka Princess” Villareal, Aladin “Ka Belsot” Bulan at Joshua Regalado na pawang mga kadre ng Partido na nasa mga yunit ng BHB na kumikilos sa Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya. Kung hindi dahil sa kanilang kabayanihan at pagpapakasakit, hindi sana narating ng rebolusyonaryong kilusan ang kasalukuyang antas na inabot nito.
Hinarap natin sa nagdaang isang taon ang isang bagong kalagayan sa panahon ng pandemyang COVID-19. Nagsimula tayo sa pag-angkop sa sitwasyong lalong bumangis ang pagsalakay ng buong makinarya ng dahas at panunupil ng rehimeng US-Duterte kasabay ng paglukob ng pandemya sa buong bansa, at sa proseso ay nagtamo ng makakabuluhang pagsulong. Alam ng mamamayan na sa likod ng mga pagtatambol ng kaaway sa diumanong malaking paghina ng BHB at suportang masa nito, sumusulong at lumalakas ang hukbong bayan at digmang bayan sa hilagang-silangang Luzon.
https://cpp.ph/statements/kamtin-ang-malalaking-pagsulong-ng-digmang-bayan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.