Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 7, 2020): 2020: Patung-patong na sakuna
Ilang taon bago pa man pumasok ang 2020, kabilang na ang Pilipinas sa mga nangunguna sa iba’t ibang listahan ng mga bansang bulnerable sa mga epekto ng climate change. Dati nang kinakaharap ng bansa ang panganib ng mga natural na sakuna dahil sa lokasyon nito. Pero higit na nagiging malubha ang pinsala ng mga ito sa mamamayan dahil sa mala-delubyong mga pagpapahirap ng mga naghahari sa bansa.
Karaniwang pumapasok sa teritoryo ng Pilipinas ang 19-20 bagyo bawat taon, kung saan anim hanggang siyam ang tumatama sa kalupaan. Ito’y dahil nakaharap ang bansa sa Pacific Ocean kung saan nabubuo ang 60% ng mga bagyo.
Pero dahil sa pagbabago sa klima, limang beses nang mas madalas ang natural na mga kalamidad na tumatama sa bansa ngayon kumpara noong 1980, at mas malalakas na rin ang mga ito. Kabilang sa pinakamalalakas na bagyong humambalos sa bansa nitong nagdaang dekada ay ang Sendong (2011), Pablo (2012), Yolanda (2013), Glenda (2014) at Ompong (2018). Mahigit ₱216 bilyon ang pinagsamang halaga ng pinsala ng mga ito, at aabot sa 13,000 ang namatay.
Nito lamang Oktubre hanggang Nobyembre, apat na malalakas na bagyo ang sunud-sunod na humambalos sa bansa, kumitil sa di bababa sa 115 buhay at sa konserbatibong pagtaya ay nag-iwan ng mahigit ₱45 bilyong pinsala. Kabilang dito ang bagyong Rolly, na siyang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taon. Kaakibat din ng nagdaang mga bagyo ang matitinding pagbaha na huling naranasan noong 2009, at mga pagguho ng lupa.
Umiinit ang mundo
Inianunsyo nitong huling kwarto ng taon ang pagpasok ng panahon ng La NiƱa matapos ang halos isang dekada. Dahil sa hindi pangkaraniwang pag-init ng Pacific Ocean, inaasahang dadami, dadalas at lalakas ang mabubuong mga bagyo. Mas malaki rin ang inaasahang bolyum ng mga pag-ulan na posibleng magdulot ng mga flashflood, landslide, at pag-apaw ng mga dam at ilog.
Itinuturong dahilan sa mabilis na pagbabago ng klima ng daigdig ang pagpapakawala ng mga greenhouse gas. Ang mga gas na ito (pangunahin ang carbon dioxide) ay natatambak sa atmospera at nagkukulong sa init ng mundo, kaya’t tumataas ang temperatura ng daigdig na sanhi ng pagkasira ng dating balanse ng klima.
Kabilang ang 2020 sa tatlong pinakamaiinit na taon sa kasaysayan. Kung hindi ibababa nang 6% ang produksyon na langis, gas at karbon bawat taon, maaari itong magdulot ng matinding kapahamakan. Ang mga nabanggit na industriya ang pinakamalalaking nag-aambag sa pagpapainit ng temperatura ng mundo. Nangunguna dito ang mga bansang sentro ng kapitalismo—ang China, US, at EU.
Sa Pilipinas, nangungunang nagpapakawala ng mga gas na ito ang mga planta ng kuryente na pinatatakbo ng karbon. Nito lamang Oktubre, 22 pang bagong planta ang pinayagang itayo bilang dagdag sa kasalukuyang nag-oopereyt na 28. Isinubasta rin ang mga deposito ng karbon sa Zamboanga Sibugay. Isa ring dahilan ng pagpakawala ng greenhouse gas ang malawakang pagkakalbo at pagmimina ng mga kagubatan. ##Pandemya, epidemya at iba pang mga sakuna
Samantala, ang Covid-19 na unang naitala sa bansa noong Marso ay umabot na sa mahigit 400 libo ang nahawa. Mahigit 8,500 na ang namatay sa mga nagkasakit.
Pagbungad pa lamang ng taon ay sumabog ang bulkang Taal sa Batangas na agad nagpa-bakwit sa mahigit 168,000 residente. Nagdulot din ng mahigit ₱4.3 bilyong pinsala ang naturang kalamidad.
Dumami at dumalas din ang mga paglindol, na dati’y umaabot lamang ng siyam hanggang 18 na may iba’t ibang lakas. Mula sa abereyds na 2.2 bawat araw noong 2011, dumami ang mga ito tungong abereyds na 35 bawat araw ngayong taon. Kung noong 2011 ay limang lindol lang ang may lakas na magnitude 6 pataas, ngayon ay umaabot na ito sa walo.
Dahil sa mga pagbaha, dumami ang mga kaso ng nagkakasakit ng leptospirosis. Sa loob lang ng tatlong linggo mula Nobyembre 12, umabot ng 89 ang kaso ng sakit sa isang ospital pa lamang. Mahigit kalahati ito ng naitala mula Enero na 163.
Noong Pebrero, kumalat ang pandemyang African Swine Fever sa mga baboy at patuloy pa ring kumakalat sa iba’t ibang prubinsya. Mahigit limang libo na ang naitalang kaso ng sakit sa mga baboy.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2020/12/07/2020-patung-patong-na-sakuna/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.