Monday, December 7, 2020

CPP/NPA-Quezon: Takot si Arevalo na mawalan ng palabigasan silang mga heneral

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 6, 2020): Takot si Arevalo na mawalan ng palabigasan silang mga heneral

CLEO DEL MUNDO
SPOKESPERSON
NPA-QUEZON
APOLONIO MENDOZA COMMAND
SOUTHERN TAGALOG REGIONAL OPERATIONAL COMMAND
MELITO GLOR COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY

DECEMBER 06, 2020



Tugon ni Ka Cleo del Mundo sa pahayag ng tagapagsalita ng AFP kung bakit hindi magdedeklara ng ceasefire ang rehimeng Duterte (Ikalawa sa dalawang pahayag)

Ang pagbibigay puwang sa kapayapaan ay malas sa negosyo ng AFP, maaring ito ang gustong sabihin ng tagapagsalita ng AFP na si Heneral Edgardo Arevalo.

Dinagdagan ang pondo ng Armed Forces of the Philippines para sa 2021 mula ₱208.7 bilyon tungong ₱215 bilyon sa pagdinig ng Senado sa panukalang badyet noong Nobyembre 20. Isa sa dinagdagan ng pondo ang modernisasyon ng AFP mula ₱25 bilyon tungong ₱83 bilyon.

Idinagdag din sa badyet ang ₱5 bilyong pondong “di programado” na katulad ng pork barrel ng Kongreso, ₱2 bilyon para sa pagbili ng dalawa pang malalaking eroplano at ₱2 bilyon para sa gamit ng 11th ID.

Sa ilalim nito, ₱800 milyon ang nakalaan para sa pagbili ng mga bomba at bala para sa mga eroplano at helikopter pandigma. Mayroon ding nakalaan na ₱190 milyong pondong “pansuporta” sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Ito ay sa kabila ng lumalakas na panawagang tanggalan ng pondo ang naturang task force at ilaan sa ayuda at rehabilitasyon ng mga nasalanta ng pandemya at sakuna ang badyet nito.

Sa lalawigan ng Quezon, gatasang-baka ng mga opisyal at kawal ng sundalo at pulis ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP), ang pakanang “pagpapasuko sa mga rebelde” ng gubyernong Duterte.

Noong September 2016, biktima ang mag-asawa na taga-Macalelon nang alukin sila ng isang Joel Pascual, sundalo ng 85IB na nakabase sa Villa Principe ng Gumaca, na pumaloob sa ECLIP. Kapalit ng “paglilinis ng pangalan,” pinangakuan pa silang makakatanggap ang tig-₱65,000. Sa isang palabas na seremonya sa kapitolyo para ideklarang “insurgency free at ready for development” na ang lalawigan, ibinigay ng naturang sundalo ang pera na kulang ng ₱30,000.

May isa pang Marcaida na sundalo mula sa kampo ng San Vicente sa Macalelon ang nangutang din sa mag-asawa.

“Tutal hindi kayo magkakapera kung hindi sa akin,” magaspang na sabi ng mga sundalo sa mag-asawa kapag sinisingil nila ang kulang.

Litanya ng reklamo ng nalokong mamamayan ang mga ganitong pangyayari sa lalawigan.

Ang pagtigil nga naman ng gera, kahit isang saglit, o kahit sa pansamantalang ceasefire sa panahon ng Pasko at Bagong Taon ay katumbas ng pagtigil ng makinang lumilikha ng salapi para sa mga heneral ng AFP.

Ang pagmemenos sa papel ng muling pagpapatuloy ng negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP ay hindi katipiran ni isang kusing kay Duterte.

Sa pagtuntong ng pambansang utang sa halos ₱10 trilyon ngayong taon, matalinong hakbang para sa rehimen na tapyasin ang pondo sa gera ng kanyang mga Heneral para pigilan ang pagkasaid ng kabang-yaman ng bansa at ipihit ang rekurso sa pagtugon sa Covid-19, serbisyong panlipunan at pagbawi ng ekonomya.

Ang paglipos sa peace talks at pagpapatupad ng CASER o comprehensive agreement on secio-economic reforms sa lalong madaling panahon ang tanging daan para simulan ang paghilom.#

Basahin ang unang bahagi: Walang puso si Arevalo. Ang ceasefire ay para sa mamamayan.

https://cpp.ph/statements/takot-si-arevalo-na-mawalan-ng-palabigasan-silang-mga-heneral/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.