Monday, November 30, 2020

CPP/NDF-KM-DATAKO: Pahayag ng Kabataang Makabayan-DATAKO- Balangay ng Elvira sa Ika-56 Anibersaryo ng Kabataang Makabayan

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Nov 30, 2020): Pahayag ng Kabataang Makabayan-DATAKO- Balangay ng Elvira sa Ika-56 Anibersaryo ng Kabataang Makabayan

BALANGAY KA ELVIRA
KABATAANG MAKABAYAN – DEMOKRATIKO A TIGNAYAN KADAGITI AGTUTUBO ITI KORDILYERA (KM-DATAKO
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

NOVEMBER 30, 2020



Taas-kamaong pagbati ang ipinapaabot ng KMD- Balangay ng Elvira sa lahat ng kasapi ng KM sa buong bansa. Sa ating paggunita ng ika-56 taon ng pagkakatatag ng KM, ipinagdiriwang natin ang daan-daang tagumpay na nakamit ng mga rebolusyonaryong kabataan sa loob ng higit-limang dekada, gayon din ang mga aral na nakuha natin mula sa puspusang paglulunsad ng demokratikong rebolusyon bayan.

Kasalukuyan nating hinaharap ang pasismo at tiraniya ng rehimeng Duterte kasabay ng pandemya at mga sakunang nanalanta ng libo-libong mamamayan kamakailan lang. Sa unang bahagi ng taong 2020, pumutok ang bulkang Taal at nalagay sa panganib ang buhay ng mamamayang nakatira sa mga karatig lugar. Pagdating ng Marso ay naipatupad ang lockdown sa ating bansa bilang tugon sa pandemyang dulot ng COVID-19. Lalong naghirap ang sambayanan dahil walang ibang tugon ang rehimeng Duterte liban sa pasismo at paghihimod-pwet sa kanyang mga imperyalistang amo. Tuloy-tuloy rin ang mga redtagging at harassment operations ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), at isa na ang sektor ng kabataan sa nangungunang target nito. Hindi pa nasapatan ang rehimen at niratsada ang pagpapatupad ng Anti-Terrorism Law.

Partikular sa mga kabataang estudyante, pahirap ang dala ng distance o remote learning. Tumingkad ang kolonyal, komersyal, at pasistang katangian ng edukasyon. Sa kawalan ng internet connection at gadgets, marami ang hindi na kinayang mag-aral pa at pinili na lamang magtrabaho muna o hindi na lang mag-enrol. Ang mga estudyanteng nagproprotesta sa larangan ng social media ay pinapatahimik at tinatakot ng mga pasistang administrador. Sa kabila nito, naudyukan ang paglulunsad ng kabilaang mga protesta at student strikes.

Dala ng ganitong pambansang kalagayan, naging mas malinaw sa mga kabataan ang mga dahilan kung bakit kailangang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan kapwa sa kalunsuran at kanayunan, kaya’t tuloy-tuloy ang paglawak ng KM, kabilang na ang balangay ng Elvira. Nakapagrekluta ang aming balangay ng mga rebolusyonaryong kabataang handang ipanawagan ang armadong pakikibaka sa kanayunan. Ang mga mahuhusay na mga kabataang propagandista (mga manunulat, mga graphic artists, mga tagaguhit, at marami pang iba) ay sumali ng KMD-Elvira at sinimulang buhayin ang propaganda ng aming balangay sa online. Bago ang pambansang lockdown, nakakalap rin ang balangay ng mga materyal na suporta para sa mga hukbo at nakapagpakilos sa mga isinagawang Oplan Pinta- Oplan Dikit sa syudad na kinikilusan.

Ngayong taon ring ito ay namartir ang dalawang hukbo, si Ka Ricky at Ka Maymay, na parehong naging miyembro ng KMD-Elvira bago pa nila piniling tumungo sa kanayunan. Kung inaakala ng rehimen na magiging dahilan ito upang mawala ang aming rebolusyonaryong diwa at adhikain, nagkakamali sila. Ang dalawang martir ng sambayanan ay buong pagmamalaki naming pagpupugayan. Sila’y magsisilbing inspirasyon ng mga kabataan sa pagtahak ng rebolusyonaryong landas. Sila’y mga bayani ng sambayanang Pilipino, at walang pag-iimbot namin silang kikilalanin at papangalanan.

Hamon sa gayon na ipagpatuloy pa at lagpasan ang mga tagumpay na naitala ngayong taon. Para sa mga rebolusyonaryong kabataang limitado ang pagkilos sa online o social media, kailangan pang lalong paghusayan ang pagpapalaganap ng rebolusyonaryong propaganda nang isinasaalang-alang ang seguridad. Lakas ng kabataan ngayon ang pagiging maalam sa pasikot-sikot ng social media. Gamitin natin ito upang biguin ang malawakang anti-rebolusyonaryong putak ng mga ahente ng estado. Higit sa lahat, unti-unting nagbubukas ang mga kalsada, lagusan, at mga moda ng transportasyon, kaya dapat itong sunggaban ng mga kabataan- magpasyang tumungo sa kanayunan, tumangan ng armas, at lumaban kasama ang masang anakpawis!

KABATAAN, SUMAPI SA BAGONG HUKBONG BAYAN!
BIGUIN ANG PAPET AT PASISTANG REHIMENG US-DUTERTE!
TUMUNGO SA KANAYUNAN, PAGLINGKURAN ANG SAMBAYANAN!

https://cpp.ph/statements/pahayag-ng-kabataang-makabayan-datako-balangay-ng-elvira-sa-ika-56-anibersaryo-ng-kabataang-makabayan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.