Monday, November 30, 2020

CPP/NDF-CPDF-KSM: Bukas na liham ng KASAMA-CPDF para sa mga manggagawa at mala-manggagawa sa rehiyon ng Kordilyera sa paggunita ng ika-157 taong kaarawan ni Gat Andres Bonifacio

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Nov 29, 2020): Bukas na liham ng KASAMA-CPDF para sa mga manggagawa at mala-manggagawa sa rehiyon ng Kordilyera sa paggunita ng ika-157 taong kaarawan ni Gat Andres Bonifacio

KRIS S. MADAYAW
SPOKESPERSON
KATIPUNAN NG MGA SAMAHANG MANGGAGAWA-CPDF
BALANGAY WILFREDO 'KA HOBEN' ALUBA
CORDILLERA PEOPLE'S DEMOCRATIC FRONT
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

NOVEMBER 29, 2020



Mga kapwa manggagawa at mala-manggagawa,

Rebolusyonaryong Pagbati!

Kamusta ang inyong kalagayan at ang inyong pamilya sa pagharap sa pandemya? Sana’y kahit papaano ay nasa maayos at malusog na katayuan kayo at ang inyong pamilya.

Sa nagdaang mga buwan ang ating hanay ay nakaranas ng matinding kahirapan dulot ng pandemya at ng kapabayaan ng gubyerno. Marami sa atin ang pansamantalang nawalan ng pagkakakitaan at para sa ilan ay nagbabadyang maging permanente. Tampok sa mga ito ang mga maliliit na manininda, mga empleyado sa mga hotel, sa mga kainan, sa mga bus liner at iba pang establsiyemento, mga construction worker, at mga maliliit na operaytor at drayber ng mga jeep. Karamihan rin sa atin ay halos wala o kulang ang natanggap na tulong mula sa gubyerno. Binalikat rin ng ilan sa atin ang mga gastusin para sa pagpapatest at pag-aaply ng mga kinakailangang dokumento para lang makapagpatuloy sa paghahanap buhay. Ang mga manggagawa rin sa mga minahan sa ating rehiyon ay nailagay sa higit sa delikadong sitwasyon dahil sa kapabayaan ng kumpanya sa hindi pagsunod sa mga health and safety protocol at kawalan ng hazard pay para sa mga mangagawa nito.

Kasabay pa nito, atin ring hinarap ang hindi makataong pagtutuloy ng klase ng ating mga anak sa pamamaraan ng distant learning. Ang karamihan sa atin ay ipinangutang ang pinambili ng mga devices para lang hindi maiwan ng klase ang ating mga anak. Ang iba naman ay nahahatak na maglaan ng mas malaking oras sa pag-alalay sa pagsagot ng mga module ng kanilang mga anak. May ilan rin na pinili na lamang na hindi na muna pag-aralin ang kanilang mga anak.

Dagdag pa sa mga ito, nariyan pa ang mga proyektong maka-imperyalista at kontra-mamamayan na higit na magpapahirap sa ating kalagayan.

Nariyan ang patuloy na pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gubyerno sa pamamagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ng mga lokal na pamahalaan. Sinamantala ng pambansa at lokal na pamahalaan ang pandemya upang likhain ang kundisyon kung saan mapipilitang pasukin ng mga asosasyon ng mga drayber at operaytor ang mga rekisito ng pagpapatupad ng PUVMP sa bago nitong deadline. Ang nasabing modernization program ay magdudulot ng pagkawala ng kabuhayan ng mga maliliit na operaytor at drayber at ng kanilang pamiya. Ito rin ay magdudulot ng pagmahal ng pamasahe. Wala ring katiyakan ang kaligtasan ng modernized jeep sa tereyn ng rehiyon.

Nariyan ang paggawad ng kontrata sa kumpanya ng SM upang isaayos ang pampublikong pamilihan sa syudad ng Baguio. Sigurado na ang kapalit ng modernong pasilidad ay ang pagtaas ng presyo ng bilihin at kawalan ng hanapbuhay ng mga maliliit na negosyante at manininda. Tiyak rin na ang nasabing proyekto ay batbat ng kurapsyon mula pambansa hanggang lokal na pamahalaan.

Nariyan rin ang tuloy-tuloy at sustenidong panunupil at pananakot sa mga ligal at demokratikong organisasyon. Ang lahat ng magpapahayag ng kanilang opinyon kontra sa kanilang proyekto ay babansagang terorista o mga armadong New People’s Army. Ang ganitong pananakot at paglabag sa karapatang pantao ay binibigyang pahintulot ng Executive Order no. 70 o ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ng Anti Terrorism Act of 2020. Isinasagawa nila ang malawakang pagpapalaganap ng maling impormasyon at ang paghahasik ng takot sa ating mamamayan upang busalan ang ating boses at huwag ng ipaglaban ang ating mga karapatan at maghangad ng isang kaayusang tunay na mayroong kalayaan at demokrasya.

Kung ating sususriin ang mga problemang ating kinakakaharap sa pang-araw araw ay ibinubunga ng tatlong batayang problema – ang imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo. Sa mahabang panahon ay pinapasan at kinukumpronta natin ang hirap mula sa kasalukuyang kaayusan.

Natural na ibinunbunga ng kasalukuyang kalagayan, ang tunggalian ng uri. Nariyan ang mga malalaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa na nagnanais na panatilihin ang kasalukuyang kaayusan upang patuloy na makinabang rito sa isang panig at sa kabila nito nariyan ang mamamayang Pilipino na nagananais ng pagbabago sa kaayusan na magsisilbi sa interes buong sambayanan.

Itinuturo sa atin ng kasaysayan at gaya ng ipinamalas ni Bonifacio, walang ibang landas kung hindi ang armadong paglaban upang kamtin ang bagong kaayusan. Ang mga naghaharing uri ay gumagamit buong makinarya ng estado gaya ng hukuman,armadong puwersa at iba pang instrumento upang makapagpanatili sa kanilang puwesto. Alam rin natin na hindi nila basta-basta ipagkakaloob sa atin ang ating mga karapatan at kahilingan, kung kaya ang mga ito ay mapapasakamay lamang natin sa pamamagitan ng armadong pag-agaw sa kanila ng kapangyarihang pampulitika.

Tunay nga, tayo ay hinahamon ng mahirap na kalagayang ating hinaharap. Ang ilan siguro sa atin ay mas pipiliin na unahin na alamang ang pag-asikaso sa kani-kanilang pamilya, o kaya naman ay mananahimik na lamang at pipiliting hindi makisangkot o makibahagi sa kilusang pagbabago. Subalit, nakakatitiyak tayo na ang karamihan sa atin ay higit na pipilin na makibahagi para sa pagpapabagsak sa pahirap, kurap, pasista, at pabaya na si Durterte, sa paglahok sa mga rebolusyonaryong organisasyong masa, o sa pagtangan ng armas para sa armadong pakikibaka sa halip na mamatay o magtiis na lamang sa kagutuman, kahirapan at kapabayaan ng gubyerno.

Mayroon tayong magagawa upang baguhin ang kalagayang matagal ng nagpapahirap sa atin. Maari tayong magbuo o sumali sa iba’t ibang organisasyon o asosasyon na magtutuguyod ng ating karapatan, kagalingan at kahilingan. Maari rin tayong maging bahagi ng mga lihim na rebolusyonaryong organisasyon, gaya ng KASAMA-CPDF, na naniniwala na ang tanging solusyon sa ating mga paghihirap ay ang armadong rebolusyon. Higit sa lahat, ang ating maramihang paglahok sa armadong rebolusyon sa pamamagitan ng pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan sa kanayunan ay makakapagtulak sa pagkamit ng mga malalaking pagsulong sa digmang bayan upang agawin ang kapangyarihang pampulitika. Nasa ating mga kamay ang bukas na ating hinahangad. Nasa ating pagpapasya kung sa paano natin tatapusin ang mapang-api at mapagsamantalang kalagayan at itatayo ang bagong kaayusan.

Kung kaya sa paggunita nang sambayanang Pilipino sa ika-157 na kaarawan ni Gat Andres Bonifacio o mas kilala sa titulo na ama ng rebolusyong 1896 at bayani ng uring anakpawis, ating taglayin ang tapang at diwang makabayan ni Bonifacio upang wakasan na ang sistemang matagal ng nagpapahirap sa atin at sa milyun-milyon nating kababayan sa pamamagitan ng armadong rebolusyon hanggang sa ganap na pagpawi ng pagsasamantala at pang-aapi!

Lumahok sa Pambansang Demokratikong Rebolusyon!

Masang anakpawis, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Ipagtagumpay ang Digmang Bayan!

Itatag ang lipunang sosyalista!

Para sa ganap na paglaya ng sambayanang Pilipino,

Kris S. Madayaw, Tagapagsalita
Wilfredo “Ka Hoben” Aloba Balangay, KASAMA-CPDF

https://cpp.ph/statements/bukas-na-liham-ng-kasama-cpdf-para-sa-mga-manggagawa-at-mala-manggagawa-sa-rehiyon-ng-kordilyera-sa-paggunita-ng-ika-157-taong-kaarawan-ni-gat-andres-bonifacio/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.