Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Nov 29, 2020): Mensahe sa mga manggagawa at kabataang Pilipino sa okasyon ng Araw ni Bonifacio
COMMUNIST PARTY OF THE PHILIPPINESNOVEMBER 30, 2020
Binabati ng PKP ang sambayanang Pilipino, partikular ang mga manggagawa at kabataan, sa araw na ito na may dalawang mahalagang makasaysayang okasyon: ang ika-157 anibersaryo ng kapanganakan ni Andres Bonifacio, lider obrero na nagsandata para ipaglaban ang pambansang paglaya at dignidad ng mga Pilipino; at ang pagkakatatag noong 1964 ng Kabataang Makabayan na naging instrumento sa pagdugtong sa armadong rebolusyon ni Bonifacio sa kasalukuyang panahon.
Ginugunita ang araw na ito sa gitna ng pandemyang Covid-19 at trahedya ng sunud-sunod na mga kalamidad. Sa nagdaang siyam na buwan, walang-kapantay ang pasakit ng sambayanang Pilipino dulot ng palpak na tugon ng rehimeng Duterte sa mga ito. Tuluy-tuloy ang pagkalat ng sakit habang lugmok at lubog na sa utang ang ekonomya at bagsak ang kabuhayan ng masa bunga ng mga patakarang mapaniil, pahirap at anti-mamamayan. Lalupang nalugmok ang milyun-milyon dulot ng nagdaaang mga sakuna at huli at kulang na kulang na tugon ng gubyernong Duterte.
Sa harap ng pagdurusa ng bayan, abala si Duterte at kanyang mga alipures sa pagnanakaw ng bilyun-bilyong pondong pangkagipitan at pag-uunahan sa pwesto at pakinabang. Walang awat ang mga pamamaslang sa maralita, magsasaka at mga katutubo sa mga gerang kontra-droga at kontra-insurhensya. Todo-arangkada ang red-tagging laban sa mga aktibista at kritiko para busalan ang mga nag-iingay laban sa kabulukan at kapabayaan ng rehimen.
Kung mayroon mang nailinaw sa nakaraang mga buwan, ito ang susing papel ng mga manggagawa at magsasaka sa paggulong ng ekonomya at lipunan. Hindi si Duterte, o kanyang mga heneral, militar at pulis, kundi ang milyung-milyong manggagawa sa mga ospital, pabrika at serbisyo, at mga magsasaka sa kanayunan, ang lumilikha ng yaman at nagpapatakbo sa ekonomya. Sila ang nasa unahan ng pag-apula ng pandemya, sa paglikha ng pagkain, pagtitiyak ng pampublikong serbisyo at mga batayang utilidad. Sa kabila nito, binabarat ang kanilang sweldo at sahod, ipinagkait ang katiyakan sa trabaho at mga benepisyo, at binabalewala ang kalusugan at kaligtasan sa mga lugar ng trabaho.
Ipinagkait ng rehimen sa kabataan hindi lamang ang kanilang karapatan sa edukasyon, kundi ang kalinga na nararapat sa kanila sa panahon ng mga sakuna. Bigo ang rehimen na ihanda ang lahat ng kailangang para sa ligtas na pagbubukas ng mga eskwelahan habang nagkumahog buksan ang mga mall, pook panturista, at mga sabungan. Labis na pagpapahirap sa mga kabataan ang palpak na pagpapatupad ng “blended” at “online learning” sa lahat ng antas. Lalong bigo itong tugunan ang mga problema sa pagtuturo at pag-aaral na bunga ng kawalan ng pondo at paghahanda ng mga ahensya ng edukasyon at eskwelahan.
Madilim ang hinaharap ng mamamayan sa ilalim ng rehimeng Duterte. Dagdag sa pagpapataw ng lalong pahirap na mga patakaran, patuloy na ginagamit ni Duterte ang pandemya para ipatupad ang mga restriksyon at para ipanaig ang kultura ng malawakang takot at disimpormasyon, kaakibat ng iskema nitong palawigin ang poder. Hamon sa sambayanang Pilipino na labanan ang panunupil at itakwil ang sindak.
Ibinubunsod ng panunupil at paninindak ni Duterte ang malawakang disgusto at hinaing. Masidhing masidhi ang pagnanais ng sambayanang Pilipino na ipamalas ang kanilang kolektibong galit at protesta. Hindi matatawaran ang malaking papel ang mga manggagawa at kabataang Pilipino sa pagbibigkis ng buong bayan at pagluluwal ng daluyong ng kilusang yayanig sa tiraniya ni Duterte.
Dapat humakbang pasulong ang mga unyong manggagawa at samahang kabataan sa landas ng pakikipaglaban para sa demokrasya at kalayaan. Dapat nilang igpawan ang mga balakid at maging malikhain upang abutin at pakilusin ang daan-daan libo o milyong mga manggagawa, kabataan at iba’t ibang sektor.
Malinaw ang bisa at lakas ng nagkakaisang manggagawa at kanilang mga unyon at organisasyon sa pakikipaglaban para sa sahod at ligtas sa paggawa. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, napagtagumpayan ng ilang unyon ang paggigiit ng bigyang-kumpensasyon ng mga kapitalista ang mga nahawa ng bayrus at nakakwarantina, libre at maaasahang testing sa mga pabrika, upisina at ospital, at dagdag na sahod at hazard pay. May mga manggagawang naigiit na kilalanin ang kanilang mga unyon at pangalagaan ang kanilang kaligtasan at kalusugan. Itinulak ng kundisyon sa ilalim ng pandemya na magbuo ng mas marami pang mga unyon at asosasyon ng mga kontraktwal para ipaglaban ang pinakaminimum na mga rekisitong pangkalusugan at pinakabatayang mga karapatan.
Patuloy ang mga kabataan sa pag-oorganisa ng kanilang hanay para palakasin ang kanilang boses sa harap ng pagbibingi-bingihan ng mga ahensya sa edukasyon. Sa kabila ng sarado ang mga kampus, nagbubuklod-buklod sila para magpalalim ng kaalaman sa lipunan at pagbabago, habang hinaharap ang mga problema na idinudulot ng napakatagal nang lockdown. Sumiklab kamakailan ang mga pagkilos na tanda ng malawakang hinaing ng mga kabataan sa mga pasakit sa pag-aaral — bulok na imprastruktura (tulad ng mabagal na internet), kawalan ng subsidyo para sa mga gadyet, kulang at mababang kalidad na mga modyul, di angkop na pamamaraan ng pagtuturo at hindi pagsasaalang-alang sa sobra-sobrang mga rekisitong akademiko. Unti-unting natitipon ang disgusto ng mga kabataang estudyante, ang kanilang determinasyong ipaglaban ang kanilang kagalingan at mga pangangailangan at ipahayag at ipamalas ang kanilang pagkamuhi sa anti-estudyante at anti-kabataang rehimeng Duterte.
Sa iba’t ibang dako ng mundo, napatunayang hindi hadlang ang pandemya sa paggigiit ng mga karapatan at kagalingan. Bagkus, ito’y pagkakataon para tipunin ang galit ng malalaking bilang ng mga tao at kumprontahin ang mga inutil na upisyal ng estado at singilin sila sa kanilang mga obligasyon sa lipunan.
https://cpp.ph/statements/mensahe-sa-mga-manggagawa-at-kabataang-pilipino-sa-okasyon-ng-araw-ni-bonifacio/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.