Monday, November 30, 2020

CPP/NDF-Ilocos-KM: Mapangahas na palawakin ang rebolusyonaryong kilusan ng kabataan at estudyante sa rehiyong Ilocos sa harapan ng pasismo’t pandemya! Ubos-kayang kumilos kasama ang masang anakpawis upang wakasan ang Rehimeng US-Duterte!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Nov 30, 2020): Mapangahas na palawakin ang rebolusyonaryong kilusan ng kabataan at estudyante sa rehiyong Ilocos sa harapan ng pasismo’t pandemya! Ubos-kayang kumilos kasama ang masang anakpawis upang wakasan ang Rehimeng US-Duterte!

KARLO AGBANNUAG
SPOKESPERSON
KABATAANG MAKABAYAN-ILOCOS
NDF-ILOCOS
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

NOVEMBER 30, 2020



Lubos ang kagalakan ng Kabataang Makabayan (KM) -Ilocos sa pagpapaabot nito ng rebolusyonaryong pagbati sa ika-56 taong anibersaryong pagkakatatag ng KM sa lahat ng balangay nito sa buong bansa at iba pang panig ng daigdig.

Pinakamataas na parangal ang iginagawad ng KM-Ilocos sa lahat ng mga kabataan at estudyanteng martir ng mamamayan ng Ilocos at ng buong bayan. Hindi matatawaran ang inyong dakilang ambag sa rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanan. Inspirasyon kayo ng mga kabataan ng Ilocos sa pagsusulong ng Pambansa-Demokratikong pakikibaka hanggang sosyalistang rebolusyon.

Ibayong inilantad ng pandemyang COVID-19 ang kabulukan ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Inilugmok pa nito lalo sa kumunoy ng krisis ang buong daigdig na dati nang naghihirap dulot ng imperyalistang agresyon, pandarambong sa likas na yaman, paghuthot sa murang lakas-paggawa ng mga manggagawa, at patuloy na aping kalagayan ng mayorya ng mamamayan sa buong daigdig. Pinasahol pa ito ng pwersadong pagsasara ng ekonomiya ng mga imperyalistang bayan dahil sa sariling kapabayaan na solusyunan ang ligalig na dala ng pandemyang COVID na pumatong sa dati nang malalang kalagayan ng mamamayan.

Bilang isang estadong mala-kolonya ng dayuhang kapangyarihang US at pagsusumiksik nito sa China, hindi nakaligtas sa hagupit ng pandemya at krisis ang Pilipinas sa ilalim ng Rehimeng US-Duterte. Ipinagkibit-balikat lamang nito ang panganib na dala ng sakit at nang mabulaga sa epekto, tanging militaristang lockdown ang ipinatupad habang wala namang medikal at siyentipikong solusyong ipinaplano at ipinapatupad.

Simula unang kwarto ng taon hanggang sa kasalukuyan, inutil ang rehimeng Duterte sa pagbibigay ng konkretong plano at solusyon upang kagyat na matugunan ang epekto ng pandemya at ng krisis sa kabuhayan ng mamamayan. Sa halip na mga doktor, siyentipiko, at mga manggagawang pangkalusugan, iniasa nito ang pagpapatupad ng mga polisiya sa mga retiradong opisyal ng AFP at PNP at mga kaalyado’t kroni sa burukrasya. Todo-larga sa pambubusog ng kapritso ng mga heneral ng AFP at PNP si Duterte habang inutil naman ito kalagayan ng mga manggagawang pangkalusugan.

Bilang resulta, lalo pang bumagsak ang kabuhayan ng masang anakpawis. Sa rehiyong Ilocos, nananatili sa double digit ang tantos ng walang trabaho (11.7%) at pumwesto sa ika-apat na posisyon ng mga rehiyon sa buong bansa sa usapin ng pinakamataas na unemployment rate. Lalo ring dumausdos ang presyo ng produktong agrikultural sa rehiyon pangunahin ang presyo ng palay at tabako. Nagtala ang mga probinsya ng rehiyon average na Php9-16 kada kilo na bentahan ng palay habang ang presyo naman ng tabako (Virginia) ay hindi man lamang umabot ng Php80 kada kilo. Malayo ito kumpara sa makatwirang panawagan ng mga magsasaka ng rehiyon na Php128 kada kilo at walang klasipikasyon. May ilang bayan rin na nagtala ng pwersadong pagbebenta ng tabako sa halagang Php5 kada kilo upang hindi na lamang masayang ang kanilang pinagpaguran. Ang ilang magsasaka naman ng palay ay pinili na lamang na ikonsumo ang kanilang ani dahil na rin sa napakababang presyo ng bentahan nito sa pamilihan. Pwersado naman ang mga mangingisda sa rehiyon na maghanap ng ibang pagkukunan ng kabuhayan dahil sa ilang buwan (Marso-Hunyo) na pagbabawal sa kanila na pumalaot dahil sa mga ipinapatupad na “health protocols”. Subali’t laking gulat nila na matapos ang desisyon ng “pagluluwag” ng gobyernong Duterte sa mga aktibidad pang-ekonomiya ay hindi na pala sila makakabalik sa mga dating pangisdaan dahil naman sa pagpapatupad ng Marine Protected Area na nagbabawal sa kanila na mangisda sa tabing ng pangangalaga umano ng karagatan.

Sa kabila nito, kapos na kapos ang ayudang ibinigay ng gobyerno sa mamamayan. Ipinapasan pa nito ang responsibilidad sa mga lokal na gobyerno habang ang bilyon-bilyong kaban naman ng bayan ay kinokopo lamang ni Duterte at mga alipores nito sa pambansang antas.

Karagdagang pasakit naman para sa mga kabataang estudyante, guro at mga magulang ang hatid ng online, modular, at flexible learning. Sa halip na konkretong hakbang para sa ligtas, dekalidad, at abot-kayang pagbabalik eskwela, ipinilit ng DepEd at CHEd ang pagbubukas ng mga paaralan sa tabing ng new normal at sa pormang online at modular. Wala ring kongkretong plano si Duterte para dito. Sa halip, iniasa na nito sa maiimbentong bakuna kontra COVID ang kapalaran ng pagbubukas ng mga paaralan. Dagdag gastos ang pagbili ng mga gadget at load para sa internet connection. Ibang usapin pa ang bulok na serbisyo ng mga kompanya sa telecommunications. Dagdag pahirap ang modular learning sapagkat ipinasa sa mga magulang ang buo-buong pagtataguyod sa edukasyon ng kanilang mga anak. Dagdag pahirap rin ito para sa mga guro na pinabayaan ng DepEd at CHEd at ipinapasan ang mga karagdagang trabaho subalit wala namang dagdag sweldo at hazard pay.

Kumukulo ngayon ang galit ng mamamayang Pilipino kay Duterte at mga alipores nito. Wala na nga itong kongkretong solusyon sa mga kongkretong problema ng mamamayan, pasismo at pandarahas pa ang ibinibigay nito sa taumbayan. Simula Enero, walang tigil ang mga pwersa ng AFP sa ilalim ng 7th ID na 81st, 24th, 69th IBPA, CMO Battalion, 702nd DRC at Regional Mobile Force Battalion ng PNP sa paghahasik ng lagim sa buong rehiyon ng Ilocos. Kumbinasyon ng operasyong militar sa mga pinaghihinalaang base ng NPA at saywar, paniniktik, harassment, at red-tagging naman laban sa mga lider at miyembro ng mga organisasyong masa ang isinasagawa nila sa kasalukuyan. Galit ang nararamdaman ng mamamayan sa kanila dahil sa ligalig na dala nila sa mga komunidad at malaking posibilidad ng panghahawa ng sakit na COVID19 lalo na sa mga interyor na lugar na nilulunsaran nila ng operasyon. Gigil na gigil silang ipatupad ang kahibangan ni Duterte na tapusin ang rebolusyonaryong kilusan pero bulag sila katotohanan na ang kasalukuyang kalagayan ng mamamayan ang gasolinang nagpapaalab sa apoy ng pakikibaka ng mga mamamayan ng Ilocos.

Tama na ang apat na taon ng pananalasa ni Duterte sa kabuhayan at karapatan ng mamamayan. Higit pa sa sapat ang mga dahilan upang wakasan ang papet, pasista, pabaya, at pahirap na rehimeng ito.

Tinatawagan ng KM ang pinakamaraming kabataan sa buong rehiyon at buong bayan upang magkaisa, palawakin, at palakasin ang kilusang kabataan at sumanib sa kilusan ng masang anakpawis upang wakasan ang busabos na kalagayan ng mamamayan sa ilalim ni Duterte.

Tinatawagan ng KM ang mga kabataan sa Ilocos, lalo na yaong 18 taong gulang, na sumapi sa NPA at ialay ang talino at lakas sa buong puso at buong panahong paglilingkod sa sambayanan. NPA ang tunay na hukbo ng mamamayan, tagapagtanggol ng masa, at armadong organisasyon ng mga pinakamabubuting anak ng bayan.

Nananawagan rin ang KM sa mga kabataan na buoin ang pinakamalapad na pagkakaisa upang itambol ang mga pangunahing usapin at suliranin ng sambayanang Pilipino sa kasalukuyan, palakasin at patatagin ang mga organisasyon sa harap ng pasismo at pandemya. Nananawagan rin ang KM na huwag matakot at mangahas na makibaka upang tuluyang ihiwalay at patalsikin ang Rehimeng US-Duterte at laksa-laksang mag-ambag sa armadong pakikibaka sa kanayunan

Ngayong ika-56 taong anibersaryo ng KM at ika-157 kaarawan ng dakilang rebolusyonaryo na si Andres Bonifacio, hinahalawan ng mga kabataan sa rehiyon ng inspirasyon at aral ang kadakilaan ng Supremo at mga naunang kabataang rebolusyonaryo’t martir—makatwiran ang maghimagsik at makatarungan ang lumaban para sa sambayanan!

Isulong ang Pambansa-Demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba hanggang sa tagumpay!

https://cpp.ph/statements/mapangahas-na-palawakin-ang-rebolusyonaryong-kilusan-ng-kabataan-at-estudyante-sa-rehiyong-ilocos-sa-harapan-ng-pasismot-pandemya-ubos-kayang-kumilos-kasama-ang-masang-anakpawis-upang-wakasa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.