Propaganda article posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Sep 27, 2020): Batid ng Masa ang Katotohanan sa Pamamaslang sa Dalawang Barangay Official ng Batbat at Ang Pagtanggi ng 9th IDPA at RTF-ELCAC ay Dagdag na Insulto sa Hinagpis at Dunong ng mga Albayano at Bikolano
FLORANTE OROBIASPOKESPERSON
NPA-ALBAY
SANTOS BINAMERA COMMAND
BICOL REGIONAL OPERATIONAL COMMAND
ROMULO JALLORES COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
SEPTEMBER 27, 2020
Kamakailan, tahasang binaliktad ng 9th Infantry Division – Phil. Army (9th IDPA) ang naunang pahayag ng SBC-NPA Albay kaugnay sa pamamaslang ng mga elemento ng 49th Infantry Battallion – Phil. Army kina Batbat Brgy Capt. Luz Dayandante at Treas. Orlina. Kasuklam-suklam ang pagsisinungaling ng 9th IDPA at mga upisyal nito sa mismong pamilya at mga kababaryo ng dalawang barangay officials, higit at nakatuntong ang pahayag ng SBC-NPA sa mga kongkretong ulat galing sa mga mapagkakatiwaalan at concerned na kapanalig ng dalawang upisyal.
Hinahamon ng mamamayang Albayano ang 9th IDPA at mga upisyal nito: itanggi nila ang kanilang pananagutan sa harap mismo ng mga kamag-anak, constituents at kapwa sibilyang upisyal ng mga biktima. Kung talagang naninindigan ang dibisyon sa kanilang kasinungalingan, hinahamon din sila ng taumbayan na i-pull out ang kanilang mga tropang nag-ooperasyon sa lugar ni Kapitana at sa buong prubinsya at hayaang umiral ang isang tunay at indepedyenteng imbestigasyon kaugnay sa pangyayari.
Malaon nang batid ng sambayanan ang mahigpit na tungkulin ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na ipagtanggol ang mamamayan laban sa karahasan ng AFP at PNP. Tanging ang mga militar at pulis na aktibong kabahagi sa pang-aabuso sa mamamayan ang target ng mga ilinulunsad na taktikal na opensiba ng BHB. Kailanman ay hindi pinuntirya ng Santos Binamera Command-BHB Albay ang mga sibilyan at masa, higit ang mga kahalintulad nina Kapitana Dayandante at Treas. Orlina na aktibong nanindigan laban sa militarisasyon ng kanilang komunidad at pagkubabaw ng militar sa sibilyang awtoridad ng konseho ng barangay. Katunayan, kagyat na tiniyak ng SBC-BHB Albay ang pagkakamit ng rebolusyonaryong hustisya at pagpapanagot sa mga pasistang kriminal na sangkot sa pangyayari.
Samantala, palibhasa’y lunod na sa paulit-ulit na kasinungalingan, hindi sanay ang 9th IDPA na humarap nang buong katapatan kapag nalalantad na ¬sa kanilang pasistang krimen. Pekeng engkwentro, pagsisi sa NPA, at hindi matapos-tapos na mga imbestigasyon upang takasan ang kanilang pananagutan, sa panibagong panlilinlang na ito, muling pinagtatakpan ng 9th IDPA ang daan-daang kaso ng pamamaslang at pang-aabuso ng militar sa taumbayan.
Ngayon, bakas ang pagkabalisa ng militar sa pangyayari. Karaniwang mabilis na ipinapahayag sa publiko ng 9th IDPA at Joint Task Force Bicolandia ang kanilang kabulastugan. Subalit hindi ba’t nakabibingi ang ilang araw na katahimikan ng militar matapos ang insidente, taliwas sa karaniwang padron nila ng panloloko? Sa halip na idaan sa kanilang mga karaniwang tagapagsalita, kinailangan pang manggaling sa mataas na upisyal sa katauhan ni 902nd Brig. Commander Rommel K. Tello ang desperasyong pagmukhaing totoo ang luma at paulit-ulit na nilang kasinungalingan.
Nariyan ang buong komunidad bilang saksi at hindi sila ipinanganak kahapon lamang. Nangyari ang pamamaslang sa kasagsagan ng operasyong militar sa Brgy. Batbat at iba pang barangay sa bayan ng Guinobatan, Pioduran, Jovellar at Ligao City. Nangyari ang pamamaslang matapos konsultahin ni Kapt. Dayandante at Treas. Orlina si Mayor Ongjoco sa nangyayaring militarisasyon sa kanilang komunidad. Nangyari ang pamamaslang matapos kumprontahin ni Kapt. Dayandante ang mga militar na nanghihimasok sa mga session ng brgy. council. Hindi rin bingi at bulag ang komunidad ng Batbat nang ipagsigawan ng nakapakat na mga elemento ng 49th Infantry Battallion sa baryo na hindi aalis ang kanilang tropa hangga’t hindi napapalitan si Kapitana. Maraming ring nakarinig sa pagmumura ng mga elemento ng 49th IB sa nanindigang kapitana. Nasa likod ng sitwasyong ito ang malinaw na motibo ng pwersa ng estado na paslangin ang dalawang tunay na lingkod bayan.
Maging ang mga upisyal na sina Mayor Ann Ongjoco at Congressman Fernando Tibor Cabredo ay makapagpapatunay sa reklamo ng mga mamamayan ng Guinobatan kaugnay sa pasakit na hatid ng nagpapatuloy na operasyong militar sa bayan sa ilalim ng Retooled Community Support Program (RCSP). Sa kalagayang umaalingawngaw ang daing ng masa laban sa militarisasyon, saan kumukuha ng lohika at lakas ng loob ang militar na isisi pa rin sa NPA ang kanilang krimen?
Umaasa ang mamamayang Albayano na magsagawa ang mga kapatid natin sa midya nang hiwalay na pagsisiyasat at mga fact finding missions kaugnay sa pangyayari. Huwag nating asahang magkaroon ngmakabuluhang resulta anumang imbestigasyon na pangungunahan ng militar at pulis.
Nananawagan ang Santos Binamera Command-Bagong Hukbong Bayan Albay sa mamamayan ng Albay at sa inyong mga sibilyang upisyal, hindi natin makakamit ang hustisyang nararapat para kina Kapitana Dayandante at Treas. Orlina sa pananahimik at takot. Huwag nating hayaan ang militar na makapagtuloy sa kanilang pandarahas at panlilinlang. Maigagawad lamang natin ang pagdakila, pagpupugay at hustisya mula sa ating paninindigan, paglaban, at sa aktibong paglantad, pagpapanagot at paniningil sa militar at sa kanilang punong kumander na si Duterte. Tiyak ninyong makakatuwang ang SBC-BHB Albay sa adhikang ito.
https://cpp.ph/statements/batid-ng-masa-ang-katotohanan-sa-pamamaslang-sa-dalawang-barangay-official-ng-batbat-at-ang-pagtanggi-ng-9th-idpa-at-rtf-elcac-ay-dagdag-na-insulto-sa-hinagpis-at-dunong-ng-mga-albayano-at-bikolano/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.