Sunday, April 26, 2020

CPP/NPA-Mindoro: Paglabag ng 203rd Brigade/PNP-MIMAROPA sa batayang karapatan, ibayong kahirapan para sa Mindoreño

NPA-Mindoro propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 25, 2020): Paglabag ng 203rd Brigade/PNP-MIMAROPA sa batayang karapatan, ibayong kahirapan para sa Mindoreño

MADAAY GASIC
NPA-MINDORO
LUCIO DE GUZMAN COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
APRIL 25, 2020



Peke at Mapanlinlang na UCF ng Rehimeng Duterte, nalantad!

Sa pagtatapos ng idineklarang unilateral ceasefire [UCF] ng Rehimeng US-Duterte, saksi ang mamamayang Mindoreño na walang pinag-iba ito sa karaniwang araw ng buong layang paglulunsad ng Focused Military Operations /Retooled Community Support Program [FMO/RSCP] sa isla sa balangkas ng kontra-insurhensyang programang JCP-Kapanatagan.

Mula ng inilabas ang kautusan ng rehimeng US-Duterte sa sariling tigil putok noong Marso 19, 2020 hanggang sa natapos noong Abril 14, 2020, puno ang kamay ng 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA hindi sa pagtugon sa pangangailangan ng mamamayang Mindoreño sa panganib ng COVID-19 kundi sa tuluy-tuloy na mga FMO/RCSPO sa mga pokus na eryang itinakdang prayoridad ng EO No. 70 o ng NTF-ELCAC.

Walang silbi ang deklarasyong ito ng UCF para sa sambayanang Mindoreño . Binale-wala nito ang panawagan ng Secretary General ng United Nations at ang mahigpit na kahilingan ng buong sambayanan na magkatulungan ang lahat laban sa krisis na dulot ng pandemyang COVID-19. Sinamantala pa ito ng 203rd Brigade para ipataw ang kamay na bakal sa buong isla ng Mindoro. Pandarahas, pagbabanta, paglikha ng teror at pagpataw ng dagdag na pahirap sa dati nang mahirap na kalagayan ng masa – sa ganito nagpakahusay ang 203rd Brigade/PNP-MIMAROPA sa buong panahon ng UCF.

Sinaklaw ng mga operasyong militar ang mga barangay at bayan ng Victoria, Socorro, Bongabong, Mansalay at Bulalacao sa Oriental Mindoro habang sa Occidental Mindoro ang mga bayan ng San Jose, Rizal, at Calintaan. Bukod pa ang mahigpit na kontrol nito sa mga haywey sa lahat ng bayan, sa mga kalsada papasok sa interyor, at huwag nang banggitin pa ang mga sentrong bayan at lunsod ng dalawang probinsya. Walang tigil naman ang mga operatiba sa paniktik sa lahat ng sulok ng isla, ito man ay sa kapatagan o sa mga pinakainteryor na lugar.

Sa tabing ng pagtugon sa programa laban sa COVID-19, nakapang-halihaw sa mga baryo hanggang sa kaloob-looban ng mga pamayanan ng mga katutubong Mangyan at magsasaka ang mga pwersa ng 203rd Brigade na 76th at 4th IB at PNP-Mimaropa.

Sa pagtatapos ng UCF, ang mga operatiba ng 4th IB, 76IB at PNP-MIMAROPA ay nag-iwan pa ng banta na matapos ang lockdown ipapatawag sa kampo ang mga sibilyang nasa listahan nila na diumano mga markadong pwersa ng CPP-NPA-NDF. Ito ang ipinag-aalala ngayon ng mga mamamayang Mindoreño na pumatong pa sa kahirapang hatid ng COVID19. Mabuno man nila ang panganib ng COVID at malampasan ang gutom na likha ng lockdown, may nakaamba namang banta na ma-tokhang sila dahil sa mga gawa-gawang kaso na ipinataw ng AFP/PNP. Obligado silang humarap sa kampo at tumigil doon ng ilang araw upang sumailalim sa interogasyon at sapilitang pag-suko.

Dahil dito, ang mga pwersa ng 203rd Brigade ang pangunahing tagalabag sa ipinatutupad na ECQ at siyang pangunahing tagapagpakalat ng nakamamatay na Covid-19.

Ang karanasang ito ay muling nagbigay ng aral sa sambayanan na ang UCF ay tusong pakana ng rehimeng Duterte upang pakampantehin ang rebolusyonaryong kilusan at supresahin ang mga rebolusyonaryong pwersa sa mga nakakasang atake ng AFP/PNP. Nakatagpo ang rehimeng Duterte ng magandang dahilan sa COVID19 upang ilusot ang kanyang matagal nang balak na swabeng maipataw ang diktaduryal na paghahari sa lipunang Pilipino.

Kaya habang abala ang mga yunit ng NPA-Mindoro sa pagharap sa pandemyang COVID-19 at pagtalima sa sariling deklarasyon ng CPP na tigil putok, patuloy naman itong inaatake ng 76th IB, 4th IB sa ilalim ng 203rd Brigade at ang PNP Mimaropa na may tabing ng kanilang unilateral ceasefire.

Kailangang ilantad, labanan at panagutin ng mga Mindoreño ang 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA sa mga kriminal na kasalanan nilang ito sa bayan. Kasabay nito, pag-ibayuhin ang ating rebolusyonaryong pagkakaisa at paglaban. Wala tayong ibang maaasahan sa panahon ngayon kundi ang sarili nating lakas at ang lakas ng New People’s Army (NPA).

Biguin ang JCP-Kapanatagan ng rehimeng US-Duterte! Epektibong Labanan ang Covid-19 Pandemic! Ibagsak ang Virus sa Malakanyang! ###

https://cpp.ph/statement/paglabag-ng-203rd-brigade-pnp-mimaropa-sa-batayang-karapatan-ibayong-kahirapan-para-sa-mindoreno/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.