Sunday, July 21, 2019

CPP-IB/NPA-Bicol: Tugon sa pahayag ni Major Ricky Aguilar laban sa rebolusyonaryong kilusan

NPA-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Information Bureau (CPP-IB) Blog site (Jul 21, 2019): Tugon sa pahayag ni Major Ricky Aguilar laban sa rebolusyonaryong kilusan

NEW PEOPLE'S ARMY
RAYMUNDO BUENFUERZA
SPOKESPERSON
NPA-BICOL

July 21, 2019

Lumang tugtugin na ang linya ng pahayag ni Major Ricky Aguilar, tagapagsalita ng 9th IDPA, laban sa rebolusyonaryong kilusan. Nauuwi sa paglalatag ng kung anu-anong intriga’t disimpormasyon si Aguilar upang mailihis sa isyu ng kapalpakan ng AFP at PNP ang diskurso. Sang-ayon ang maruming propaganda sa layunin ng MO 32 at EO 70 na lumikha ng klima ng takot at kaguluhan sa mga komunidad, itulak ang mga upisyales ng lokal na gubyernong makipagtulungan sa higit na masinsing panggagalugad ng militar sa kanayunan at bigyang-daan ang pagkubabaw ng militar sa lahat ng aspeto ng sibilyang burukrasya.

Tigas-mukhang ipinahayag ni Maj. Aguilar sa kanyang panayam sa Bombo Radyo na hindi gawain ng militar ang ‘manunog, manortyur o pumaslang ng mga inosenteng tao’. Saan kumukuha ng lakas ng loob si Maj. Aguilar gayong hindi ba’t noong Abril 2018 ay hindi nila isinaalang-alang ang buhay ng mga sibilyang sina Orlando San Jose, JR. at Ana Nias San Jose sa paghahabol nilang durugin ang BHB? Hindi ba’t sa kabila ng pagpupumilit ng kanilang kaanak at kaibigan na ang mga ito’y sibilyan ay ipinakalat ng 83rd IB na matagumpay sila sa pagpaslang ng mga pulang mandirigma?

Hindi ba’t limang buwan pa lamang ang nakalilipas mula nang magsalita rin sa naturang istasyon ang apat na magsasakang residente ng Sityo Pulang Daga, Brgy. Baya, Ragay, Camarines Sur na dinukot at iligal na dinetine ng mga elemento ng 9th IBPA noong ika-9 ng Pebrero?

Sa pahayag ng mga biktima, paulit-ulit nilang kinumpirmang militar ang dumukot at tumortyur sa kanila. Ayon pa sa kanila, pinaghukay sila ng sarili nilang libingan, at kung hindi pinagsikapang bawiin ng kanilang mga kababaryo, natulad na sa kalunus-lunos na sinapit nina Roberto Naris, 30 anyos, Ronel Naris, 28 anyos at Antonio Bonagua, 19 anyos, na dinakip, tinortyur at ilinibing nang buhay ng mga militar sa Patalunan, Ragay.

Kung babalikan ang kasaysayan, kukulangin ang isang araw sa haba ng krimen ng militar at pulis laban sa mamamayan. Napakabilis maghugas-kamay ng 9th IDPA, ngunit dapat nilang tandaang hindi nakalilimot ang masa sa duguan at brutal nilang rekord. Madali para sa militar ngayong hubugin ang takbo ng balita dahil tinitiyak ng rehimeng US-Duterte na limpak-limpak ang pondo ng kanyang kontra-mamamayang todo-gera. Ngunit sa tulungan ng mga kaanak ng mga biktima, tagapagtaguyod ng karapatang-tao, masang Bikolano at malawak na mamamayan, hindi mapipigilan ang paglabas ng katotohanan.

Hinihikayat ng RJC-Bikol ang mga kagawad ng midya na manguna sa pagsisiwalat ng maruming saywar ng militar. Hinihikayat din ang mga pamilya ng mga namatay na militar, pulis at CAFGU na lumantad sa publiko, manindigan laban sa pagpapain sa kanilang mga kaanak sa mga operasyong militar at ilahad kung paano itinatago ng militar ang kaswalti sa kanilang hanay. Nanawagan din ang RJC-Bikol sa lahat ng kaanak at kaibigan ng mga biktima ng karapataong tao ng AFP-PNP-CAFGU na hindi bigyang puwang ang pagpapalaganap ng kasinungalingan ng 9th IDPA sa pamamagitan ng muling paglalabas ng kanilang mga pahayag at saloobin hinggil dito.

Nananawagan ang rebolusyonaryong kilusan sa masang Bikolano na magkaisa laban sa MO 32 at EO 70. Masa ang tinatarget ng tumitinding militarisasyon at malawakang operasyong saywar ng militar at pulis. Maging ang mga rank-and-file na militar, pulis at CAFGU ay kolateral lamang sa walang katuturang gera ng rehimeng US-Duterte. Hindi maaaring palampasin ng sambayanan ang tahasang pang-aatake sa kanila sa ilalim ng total war ng rehimeng US-Duterte.




Published by Philippine Revolution Web Central
The official blogsite of the Communist Party of the Philippines Information Bureau

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.