Sunday, July 21, 2019

CPP-IB/NDF-ST: Paigtingin ang armadong paglaban sa harap ng RTF-ELCAC

NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Information Bureau (CPP-IB) Blog site (Jul 17, 2019): Paigtingin ang armadong paglaban sa harap ng RTF-ELCAC

JAIME "KA DIEGO" PADILLA
SPOKERSPERSON
NPA-SOUTHERN TAGALOG
NEW PEOPLE'S ARMY

July 17, 2019

“Ipagtanggol ang mamamayaan at labanan ang marahas na atake ng pasista at tiranikong rehimeng US-Duterte.” Ito ang pahayag ni Jaime “Ka Diego” Padilla sa kasalukuyang inilulunsad na Campaign Plan Kapanatagan at sa panrehiyunal na kawangis nito na Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC).

“Aktibong labanan at biguin ang pamiminsala ng AFP-PNP sa mga inilulunsad na pinagsanib na operasyong militar at pulis upang ipagtanggol ang mamamayan sa loob ng mga larangan ng Melito Glor Command,” atas ni Ka Diego sa harap ng kasalukuyang pinaigting na kampanyang supresyon ng rehimeng US-Duterte.

Walang Kapanatagan sa Oplan Kapanatagan

“Hindi kapanatagan ang hatid ng Oplan Kapanatagan kundi ligalig na nagdudulot ng takot at perwisyo sa kabuhayan ng mamamayan,” mariing pagkundina ni Ka Diego.

Sa Timog Katagalugan pa lamang, mula nang ipatupad ang Campaign Plan Kapanatagan, iniluwal nito ang samu’t saring paglabag sa karapatang pantao. Nitong buwan ng Hunyo hanggang unang linggo ng Hulyo, sa probinsya ng Quezon, naiulat ang aabot sa 223 samu’t saring kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng pinagsanib na 85th Infantry Battalion (IB) at 21st Division Reconnaisance Company (DRC). Kinabibilangan ito ng iligal na paghahalughog at pagkumpiska (10); sapilitang pagpapalikas (15); iligal na detensyon (5); pagpapaamin gamit ang pandarahas at pananakot (16); pagbabanta, pandarahas at intimidasyon (38); tangkang pagpatay (1); red tagging (60); pananakit at tortyur (7); iligal na pag-aresto (6); gawa-gawang kaso (2); blokeyo o pagharang sa pagkain at pagkakait ng kabuhayan (38); walang habas na pagpapaputok(7); pagkakampo (5); at paglabag sa karapatan ng mga bata (13). Tinatayang inisyal na ulat pa lamang ito batay sa mga lumapit sa mga progresibong organisasyong nangangalaga sa karapatan ng mamamayan sa probinsya. Sa saklaw na panahon, napilitan ring lumikas ang 642 magsasaka at katutubong Mangyan (kabilang ang 7 sanggol at 2 PWD) sa Victoria, Oriental Mindoro dahil sa walang habas na operasyong militar, aerial bombardment, straffing at panganganyon sa mga baryo at komunidad ng mga magsasaka at katutubong Mangyan ng pinagsanib na 76th IB at 4th IB. Samantala, karumal-dumal na pinaslang ng 4th IB si Frente “Lolo Frentes” Gutierez, isang 78 anyos na magsasaka at Elder ng Sambahang Kristiano sa Calintaan, Occidental Mindoro.

Hindi bababa sa 150 ang sapilitang pinasuko ng rehimeng US-Duterte mula nang ipatupad ang Campaign Plan Kapanatagan sa rehiyon. Bukod sa mga naiulat na mga kaso ng pandarahas, pagtortyur at pamimilit, iniulat din ang korupsyon sa hanay ng matataas na opisyal ng AFP.

“Ginawang gatasang-baka ng AFP-PNP ang programa ng E-CLIP kung saan matapos ang kampanyang pagpapasuko, umaapaw ang mga bulsa ng matataas na opisyal ang limpak-limpak na salapi mula rito,” paliwanag ni Ka Diego.

Sa rehiyong Timog Katagalugan, ginogoyo ng AFP-PNP ang mamamayan na sumuko kapalit ng biyayang mumo ng E-CLIP. May isa pang kaso na matapos pasukuin ay binigyan ng 15kg bigas at 25 de latang sardinas at matapos noo’y pinauwi na. Ayon sa AFP-PNP tinatayang bawat mapasuko ng rehimen ay may pabuyang P65,000.

“Hindi ngayon kataka-taka kung bakit ginagawang malawakan at sapilitan ang pagpapasuko ng mga pwersang militar at pulis,” dagdag ni Ka Diego, “higit pa, tigas-mukhang ginagamit ito sa mga itim na propaganda na walang ibang silbi kundi palakasin ang loob ng mga demoralisadong tropa ng AFP-PNP.”

Sapilitan ring pinapapirma sa resolusyong persona non grata ang CPP-NPA-NDFP sa mga lokal na gobyerno tulad ng ginawa nila sa bayan ng Brooke’s Point at Taytay sa Palawan at Barangay San Fransisco B, Lopez, Quezon. Ginamit nila ang mapanlinlang at mersenaryong katangian nito upang sapilitang mapapirma ang mga lingkod-bayan at ihiwalay ang rebolusyonaryong kilusan sa mamamayan.

Opensa ang pinakamahusay na pagdedepensa

“Upang mapreserba ang ating pwersa at maipagtanggol ang mamamayan sa mga atake ng Oplan Kapanatagan, kailangang ilunsad ng NPA sa iba’t ibang larangan sa Timog Katagalugan ang aktibong pagdedepensa at mga opensibang aksyong militar,” ani Ka Diego.

Layunin ng kontra-opensa ng NPA ang pahinain ang kakayahan ng AFP-PNP na lumaban at pinsalain ito upang mawalan ng kakayahang atakehin ang mamamayan.

Pagtatapos ni Ka Diego, “Kapag matagumpay na nabibigo ang mga operasyong militar at nabibigwasan ang tropang militar at pulis, lumalakas at sumisigla ang tiwala’t kapasyahan lumaban ang mga Pulang mandirigma at tumataas ang kumpyansa ng mamamayan sa kanilang hukbo kung saan higit na nagbibigay ng lakas ng loob na harapin ng ating rebolusyonaryong base ang mga atake ng mersenaryo at berdugong AFP-PNP.”###




Published by Philippine Revolution Web Central
The official blogsite of the Communist Party of the Philippines Information Bureau

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.