Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Oct 8): “Red October,” inulan ng pagkundena
Kabi-kabila ang protesta sa iba’t ibang panig ng bansa upang kundenahin ang pakanang “Red October” ng rehimeng Duterte na ipinapakalat nitong nagdaang mga linggo ng mga tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa ilalim ng kathang-isip na “Red October,” magsasagawa umano ng mga panggugulo ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa kalunsuran para itulak si Duterte na magdeklara ng batas militar sa buong bansa. Idinawit sa diumanong sabwatang ito ang mga ligal na organisasyong masa, malawak na kilusang kontra-tiraniya, si Sen. Antonio Trillanes IV at ang grupong Magdalo, at ang Liberal Party. Diumano’y nakuha ng AFP ang impormasyon na ito mula sa mga “usapan sa telepono” sa pagitan ng mga lider ng PKP at iba pang grupo.
Nanguna sa pagpapakalat ng disimpormasyon sina AFP Chief of Staff Gen. Carlito Galvez at Deputy Chief for Operations Brig. Gen. Antonio Parlade.
Noong Setyembre 21, idinawit nina Galvez at Parlade sa “Red October” ang mga unyon at nagpu-protestang mga manggagawa ng PLDT, Monde, NutriAsia at Jollibee.” Idinawit naman ni Galvez ang 18 eskwelahan sa “konspirasiya” nang humarap siya sa pagdinig sa senado kaugnay sa badyet ng AFP. Pinalabas ng dalawa, sadya man o hindi, ang sinasabi ng AFP ay malawak at malalim ang impluwensya ng PKP sa mga pabrika at eskwelahang ito.
Mariing pinabulaanan ng Ateneo de Manila University, University of the Philippines (UP), University of Santo Tomas at iba pang administrasyon ang akusasyon ng AFP. Ayon pa sa All-UP Academic Employees Union, malisyoso at peligroso ang pahayag na ito ng AFP. Anila, nagbibigay-laya ang pakanang ito sa iligal na sarbeylans, pandarahas at intimidasyon sa mga indibidwal at organisasyon na tumutuligsa sa mga patakaran ni Duterte, tulad na rin ng ginagawa nila sa mga paaralang Lumad sa Mindanao.
Matapos ang mariing pagbatikos ng mga estudyante, guro at maging ng administrasyon sa mga tinukoy na eskwelahan, sinabi na lamang ng AFP na “di pa lubusang kumpirmado” ang kanilang listahan. Bago nito, nagpakalat ng pananakot ang tropa ni Duterte na “magpapasabog ng bomba” ang BHB sa ilang mga paaralan sa Metro Manila bago ang paggunita sa ika-49 na taon ng batas militar ni Marcos.
Ayon naman sa Center for Trade Union and Human Rights, ang pagdadawit sa mga unyon at manggagawa, laluna sa NutriAsia, ay isang tangkang siraan ang mga unyon, takutin ang mga manggagawa para hindi sila mag-organisa at ikundisyon ang publiko na ang mga ito ay target ng programang “kontra-insurhensya.”
Inilunsad ang mga kilos protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa Cagayan de Oro City, nagtipon sa kapitolyo noong Oktubre 2 ang organisasyong Lumad na Kalumbay, kasama ang Karapatan at Movement Against Tyranny upang batuhin ng pulang floor wax ang isang effigy ni Duterte. Sa araw ding iyon, pinangunahan ng Bayan ang piket sa harap ng himpilan ng AFP sa Camp Aguinaldo sa Quezon City upang kundenahin ang pakana ng militar.
Pinangunahan naman ng Anakbayan ang “Black Friday Protest” nitong Oktubre 5 sa UST, PUP-Sta. Mesa, UP Diliman, at De La Salle University-Manila. Kinundena ng mga estudyante, kabilang ang mga administrasyon ng mga unibersidad, ang kasinungalingang muling pinaulan ng AFP na nagpangalan sa mga unibersidad na umano’y ginagawang balon ng PKP upang magrekluta at manghikayat na sumali sa “Red October.”
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/2018/10/08/red-october-inulan-ng-pagkundena/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.