Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Oct 7): Panghihimasok ng US sa bansa, lumalawak
Taliwas sa pinalalabas ni Rodrigo Duterte na hindi niya nais ang tulong ng US, limpak-limpak na salapi at tone-toneladang armas ang tinanggap ng rehimen kamakailan mula rito. Sa pamamagitan ng mga ito, higit na pinalalawak ng rehimeng Duterte ang panghihimasok ng imperyalistang US sa bansa.
Inihayag ng US noong Agosto na ang Pilipinas ang nakatatanggap ng pinakamalaking “ayudang” militar mula sa US sa buong South East Asia. Umaabot na sa higit P5 bilyon ang halaga ng kagamitang militar na pinondohan ng US para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) mula Enero 2017 hanggang Agosto 2018.
Kabilang sa mga kagamitang ito ang tactical drone system na ginamit sa pag-atake sa Marawi City noong 2017; daan-daang pistolang Glock, mga M4 carbine at grenade launcher; dalawang iniretiro nang eroplanong C-208 Cessna para sa paniniktik; ang P687 milyon-halagang Scan Eagle drone system; at ang Special Airborne Mission Installation and Response System na nagkakahalaga ng P807 milyon, at nagbibigay ng kakayahan sa eroplanong C-130 Hercules na paigtingin ang kapabilidad nito sa paniniktik, at command and control. Maging ang dalawang helikopter na Bell na donasyon umano ng bansang Jordan noong Agosto, ay itinustos din ng US sa pamamagitan ng Third Party Transfer nito. Dagdag dito ang mga gamit-militar na ibinigay ng US sa Marines Special Operations Group noong Hunyo na nagkakahalaga ng P178 milyon; at ang nakatakdang ideliber ng US na dalawang lumang pang-atakeng eroplano na OV-10 Bronco ngayong taon.
Ayon kay Jose Romualdez, embahador ng Pilipinas sa US, magbibigay pa ang US ng dagdag na P1.4 bilyon sa porma ng mga kagamitan at aktibidad pangmilitar sa AFP sa susunod na dalawang taon upang paunlarin umano ang kapasidad ng bansa laban sa mga “terorista.” Ang pondong ito ay manggagaling sa badyet ng US para sa Overseas Contigency Operation (OCO), ang pondo para sa gera ìkontra-terorismo” nito sa ibaít ibang bahagi ng mundo. Itinuturing ng US na OCO ang mga operasyon ng Operation Pacific Eagle at ang mga pinagsanib na pagsasanay-militar sa bansa.
Kaugnay nito, ihinatid na ng gubyerno ng US nitong Setyembre ang may limang milyong bala at pampasabog para sa AFP. Kabilang dito ang mga balang 5.56 mm at 7.62 mm (para sa M16 at M14), mga bala para sa 12-gauge shotgun, kalibre .50 na mga bala, at mga stun grenade na nagdudulot ng pansamantalang pagkabingi at pagkabulag, at kalimitang ginagamit ng pulisya ng US laban sa mga raliyista. Nagkakahalaga ang lahat ng ito ng P117.4 milyon.
Ang mga balang ito ay nakalaan para sa Light Reaction Regiment at iba pang yunit sa ilalim ng AFP Joint Special Operations Group, na espesyal na sinanay ng US para magsilbing kahalili sa gera “kontra-terorismo” na inilulunsad nito sa bansa.
Nauna na ring inihatid ng militar ng US ang isang milyon pang bala para sa Philippine Air Force (PAF), na binili sa ilalim ng US Foreign Military Sales Program para sa mga operasyong pambobombo at istraping ng mga eroplano at helikopter ng PAF.
Mas marami, mas madalas na pinagsanib na mga pagsasanay
Pinayagan na rin ni Duterte ang pagdami at pagdalas ng mga pinagsanib na pagsasanay-militar ng US at AFP, taliwas sa kanyang pahayag noong 2016.
Sa pulong nina AFP Chief of Staff Carlito Galvez at Admiral Philip Davidson, kumander ng US Indo-Pacific Command (Indo-PACOM), nitong huling linggo ng Setyembre, pinagkasunduan ng dalawang heneral na palalawakin at padadalasin ang pinagsanib na mga pagsasanay sa 2019.
Mula sa 261 pagsasanay ngayong 2018, nakatakdang magkaroon ng 281 pagsasanay sa 2019, na magbibigay-diin umano sa seguridad pandagat, humanitarian aid, at “kontra-terorismo.”
Ngayong taon, samu’t saring pinagsanib na pagsasanay na ang ginawa ng militar ng US at ng AFP. Ang isang kasalukuyang nagaganap ay ang ikalawang edisyon ng “Kaagapay ng mga Mandirigma ng Dagat” (KAMANDAG 2), na itinakda sa Oktubre 2-10. Liban pa sa tropang Amerikano at Pilipino, may tropang Hapon ding kasali sa nasabing pagsasanay.
Pinangunahan din ng US Indo-PACOM ang “Rim of the Pacific” (RIMPAC) Exercise na dinaluhan ng mga kaalyadong bansa nito, kabilang ang 700 tauhan ng Philippine Navy sa Honolulu, Hawaii noong Hunyo hanggang Agosto. Ang RIMPAC ang isa sa pinakamalaking pinagsanib na pagsasanay na pinangungunahan ng US upang magpakitang-gilas sa Indo-Pacific.
‘Social media cell’
Maging sa larangan ng social media, nanghihimasok na din ang US. Inanunsyo ng embahada nito kamakailan na natapos na ng US Army ang pagsasanay ng isang “social media monitoring cell,” na bahagi ng Civil Military Operations Regiment ng Philippine Army na sinimulan noong Hulyo 23.
Gagamitin ng espesyal na grupong ito ang pasilidad at kaalaman na sinuplay ng US para supilin ang kalayaan para magpahayag ng sarili at ang kalayaan sa pamamahayag ng lahat ng mga kalaban sa pulitika ng rehimen na arbitraryo nitong binansagang ìterorista.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/2018/10/07/panghihimasok-ng-us-sa-bansa-lumalawak/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.