PKM-Bicol Region propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 22): Pagpupugay kay Kasamang Owen, Bayani ng Uring Magsasaka
PKM Bicol Region (Region V)
22 March 2018
Ang Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid – Bikol ay taas kamaong nagpupugay kay Alfredo “Ka Bendoy” Merilos dahil sa kanyang naging malaking ambag sa pagsusulong ng interes ng uring magsasaka sa Kabikulan. Si Ka Owen ay nagmula sa uring petiburges pero hindi ito naging hadlang sa pagyakap niya sa interes ng uring anakpawis. Siya ay nakapagtapos ng kurso sa pagiging inhenyero sa isang unibersidad sa Bikol pero hindi ang pagpapaandar ng makina ng uring kapitalista ang kanyang piniling landas, kundi ang pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba. Sa murang edad ay naunawaan ni Ka Owen ang pangangailangan ng pambansang indutriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa upang maging makabuluhan ang pagiging alagad ng syensya sa bansa. Sapagkat hanggang nanatiling malakolonyal at malapyudal ang bansang Pilipinas, mananatiling mura at kimi ang lakas-paggawa at habang buhay na magiging alipin ng mga burgesyang kumprador at dayuhang kapitalista, kung hindi man ay mapipilitang mangibang bansa.
Sa mahigit 30 dekadang buong-panahong paglilingkod ni Ka Bendoy, mula sa pagiging kabataang aktibista hanggang tuluyang yakapin ang armadong pakikibaka, kailanman ay hindi siya kinakitaan ng panghihina sa rebolusyon. Ayon sa kanya , “Hindi naging usapin ang kahirapan at sakripisyo kung ang pag-uusapan ay ang mga bagay na nadaanan na at naranasan; ang laging pinaghahandaan ay ang mga kakaharapin pa.” Kahit nitong mga huling taon, kung saan madalas na rin siyang inaatake ng kanyang karamdaman, hindi siya naglubay sa kagustuhang gumampan ng gawain.
Malaking bahagi ng buhay ni Ka owen ay inilaan sa pagsusulong ng interes ng masang magsasaka sa kanayunan. Nagpultaym siya sa hukbo noong ikalawang hati ng 1985. Mula noon, napaloob siya sa iba’t ibang yunit ng hukbo at nakaambag sa pagsusulong ng rebolusyong magsasaka sa malawak na bahagi ng Kabikulan, partikular sa Donsol, Irosin, Barcelona at Bulusan sa Sorsogon, Pio Duran sa Albay, Camarines Sur at Camarines Norte. Sa mga lugar na ito may naipong mga tagumpay ang paglulunsad ng rebolusyong agraryo mula sa minimum na programa tulad ng pagpababago ng partihan, pagkontrol sa usura, pagpapaunlad ng produksyon hanggang sa maksimum na kumpiskasyon at libreng pamamahagi ng lupa sa magsasakang mga wala at kulang sa lupa.
Tiniyak niya rin lagi na ipinapatupad ng hukbong bayan ang linyang masa – ang pagsalig at pagtiwala sa malawak na masang magsasaka sa kanayunan, at mulatin , organisahin at pakilusin sila para sa rebolusyong agraryo na pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyong bayan. Napaloob din siya sa pangrehiyunal na istap sa Instruksyon (Regional Instruction Bureau), na mahalagang gawain para pandayin ang mga pwersa, na mayorya ay mula sa uring magsasaka, upang maging mga proletaryong kadreng gagap ang Marxismo-Leninismo-Maoismo.
Sa lahat ng ito, nararapat lamang na kilalanin natin at pagpugayan ang buong-puso at walang pag-iimbot na pag-aalay ni Ka Bendoy ng kanyang buong lakas at talino para sa kapakanan ng masang magbubukid. Siya’y isang huwaran ng mga bagong henerasyon ng kabataan dahil sa walang pag-alinlangang pagyakap sa armadong pakikibaka, na siyang tanging kalutasan sa daan-taon nang pagkaalipin ng masang magsasaka at iba pang inaaping uri sa lipunang Pilipino.
Nararapat ding patuloy na magpalawak at magpalakas ang kilusang magsasaka, mula sa mga unang binhi ng naitayong mga grupong magsasaka, hanggang sa mga ganap ng samahan ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid, na paalon-along naitayo sa malawak na saklaw ng kanayunan sa buong Kabikulan. Naitayo na natin ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika na pangunahing nakabatay sa lakas ng kilusang magsasaka. Dapat nating panghawakan ang mga naipong tagumpay sa pagsusulong ng digmang magsasaka. Nasimulan nang hawanin ni Kasamang Bendoy, at iba pang naunang nagbuwis ng buhay, ang daan patungo sa maaliwas na kinabukasan ng ating bansa. Tungkulin naman natin ngayon na ipagpatuloy at higit pang palakasin ang ating hanay dahil ito ang pinakamahusay na pagpaparangal sa ating mga bayani.
Mananatili kang buhay sa aming puso, Ka Bendoy!
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.