Friday, March 23, 2018

CPP/Ang Bayan: Editorial -- Itaguyod ang karapatang-tao laban sa terorismong estado

Propaganda editorial posted to the Tagalog edition of  Ang Bayan posted Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 21): Editorial -- Itaguyod ang karapatang-tao laban sa terorismong estado




Communist Party of the Philippine

21 March 2018

Ginugunita ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), kasabay ng sambayanang Pilipino, mga lokal at internasyunal na organisasyon para sa karapatang-tao at para sa kapayapaan, ang ika-20 anibersaryo ng pagpirma sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Muling pinagtitibay ng Partido ang paninindigan nitong itaguyod ang mga probisyon ng CARHRIHL at tuparin ang mga responsibilidad nitong nakasaad dito. Upang gunitain ang ika-20 anibersaryo ng kasunduan, rerepasuhin ito ng lahat ng yunit ng BHB at gagamitin ang pagkakataon na tasahin ang kanilang praktika.

Mula 1998, ang pag-aaral sa CARHRIHL ay naging bahagi na ng saligang kurikulum sa programa sa edukasyon ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), gayundin ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa. Sa BHB, ang CARHRIHL ay itinuturing na pagpapalawig ng mas pundamental na Tatlong Pangunahing Alituntunin sa Disiplina at Walong Bagay na Dapat Tandaan na naglalahad ng rebolusyonaryong pamantayan para sa lahat ng Pulang mandirigma.

Napapanahon ang paggunitang ito sa CARHRIHL sa harap ng pagtatangka ng rehimeng US-Duterte na siraan at ipitin ang mga rebolusyonaryong pwersa at mga tagasuporta nito sa pamamagitan ng deklarasyon nitong mga terorista ang PKP at BHB. Ang mahigpit na pagtalima ng BHB at PKP sa CARHRIHL, gayundin sa internasyunal na mga tuntunin sa digma at mahahalagang protokol, ang patunay na malayo sa pagiging terorista ang mga rebolusyonaryong pwersa.

Kabaliktaran ito sa gawi ng rehimeng US-Duterte na nagmamalaki pa sa pagsuway sa batayang mga tuntunin sa paggalang sa karapatang-tao at internasyunal na mga batas sa digma sa kanyang mga kampanyang panunupil sa mamamayan. Paulit-ulit na pinatunayan ni Rodrigo Duterte, kapwa sa kanyang salita at gawa, na ang kanyang rehimen ang numero unong terorista sa bansa.

Binibigyan ng CARHRIHL ang sambayanang Pilipino ng karagdagang suson ng proteksyong ligal sa pagsusulong nila ng kanilang mga demokratikong layunin. Ang CARHRIHL ay nagbibigay din ng dagdag na batayan sa pagtatanggol at pagsusulong ng kanilang mga karapatan sa larangang sosyo-ekonomiko, pampulitika at pangkultura.

Dumoble ang kabuluhan ng pagsusulong ng CARHRIHL sa pagdeklara ni Presidente Duterte ng GRP ng tahasang pagkamuhi sa karapatang-tao. Noong Nobyembre 2017, winakasan ni Duterte ang negosasyong pangkapayapaan sa NDFP at harap-harapang sinuway ang lahat ng naunang kasunduan, kasama ang CARHRIHL.

Bilang commander-in-chief, inutusan niya ang kanyang mga tropa na lubos na balewalain ang mga karapatang-tao at huwag pansinin ang mga patawag o pagsusumamo ng mga lokal o internasyunal na upisyal sa karapatang-tao. Hinahamak niya ang mga karapatang-tao at itinuturing iyon na sagka sa pag-unlad. Tahasan niyang isinusulong ang diktadura at paghaharing militar. Nagpataw siya ng batas militar sa Mindanao at pinulbos ang Marawi City para bigyan-daan ang komersyal at pangmilitar na interes ng US at mga kasosyo niyang burgesyang kumprador sa syudad.

Inutusan niya ang AFP na gamitin ang lahat ng sandatang panghimpapawid nito para “patagin ang mga bundok” at “bombahin ang mga eskwelahang Lumad.” Binabantaang maging mini-Marawi ang mga komunidad sa kanayunan. Sinasabihan niya ang mga magsasaka at minorya na iwan ang kanilang mga bahay para bigyang-daan ang mga plantasyon, mina at reserbasyong militar. Sinusulsulan niya ang brutalidad at kalupitan sa pag-utos sa kanila na “barilin ang ari” ng mga babaeng mandirigma ng BHB at paghikayat sa mga sundalo na “dalhin ang ulo ng mga BHB sa timbang may yelo” para makuha ang P25,000 gantimpala.

Napakabangis ng gerang mapanupil na Oplan Kapayapaan, gera laban sa mga Moro at “gera sa droga.” Mahigit kalahating milyong tao na ang napalayas sa kanilang tahanan, higit sa lahat ng rehimeng pagkatapos ni Marcos. Ang mga pwersa ng estado ang nasa likod ng ekstrahudisyal na pagpatay sa halos isandaang lider magsasaka, mahigit 20 unyonista at laksang mga aktibista.

Halos araw-araw na nadaragdagan ang listahang ito ng mga pasistang krimen sa pagsakop ng AFP sa mga baryo sa kanayunan sa ngalan ng “kapayapaan” na layong sindakin at patahimikin ang paglaban ng mga magsasaka at minoryang mamamayan.

Sa harap ng lahat ng kabangisan ng AFP sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, napakabigat ng pangangailangang ipaglaban ang paggalang sa karapatang-tao at pagkilala sa internasyunal na makataong batas. Katarungan ang sigaw ng mamamayang Pilipino sa lahat ng pasistang krimen ng AFP sa panahong nakalipas.

Tungo rito, magagamit ng sambayanang Pilipino ang CARHRIHL para palakasin ang kanilang pusisyon at mga kahilingan. Sa gitna ng madugong pasismo at kabi-kabilang pagpatay ng rehimeng US-Duterte, dapat igiit nilang tumalima ang GRP sa CARHRIHL at papanagutin si Duterte at lahat niyang upisyal sa malalang mga paglabag sa karapatang-tao tulad ng nakasaad sa kasunduan.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. It is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/statements/20180321-itaguyod-ang-karapatang-tao-laban-sa-terorismong-estado

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.