NPA-Catanduanes propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 22): Hinggil sa Pagkakapaslang kay Ka Bendoy, Isang Tunay na Lingkod ng Sambayanan
NPA-Catanduanes (Nerissa San Juan Command)
22 March 2018
Mahirap gamiting panukat ng pag-iral ni Ka Bendoy ang mga salita. Siya ay isang kasamang tahimik kung pagmamasdan ngunit sa totoo’y nag-uumapaw sa buhay at kasiyahan. Magaling siyang makisama at walang pinipiling gawain – mula sa paglilinis ng mga kaldero hanggang sa pamumuno ng tropa sa isang labanan. Siya ang kasamang mababaw ang kaligayahan ngunit napakalalim ng pagmamahal sa bayan.
Lagi siyang bukas sa mga bagong bagay at ibang palagay. Para sa kanya, hindi dapat tumitigil ang pag-unlad ng paggawa. Kaya una sa lahat, kinakailangang maging bukas upang matuto at sumulong. Dahil sa likas niyang katangian na simple, mabait, mahinahon at makwelang kadre, bihira ang pagkakataong may mag-alangan sa kanyang kasama, kahit yaon pang mga bagong sampa sa hukbo. Abala man sa iba’t-ibang gawaing ginagampanan, nakahahanap siya ng panahon upang makipagtalakayan sa mga kasama. Lagi siyang may panahong makinig at magpayo – personal mang usapin o mga problema ng mga kasama sa kani-kanilang gawain. Kaya niyang makipagsabayan mula sa pinakabago at batang kasama hanggang sa mga pinakamatatagal nang kadre ng kilusan. ‘Tatay na tatay,’ ‘ika nga ng mga kasama.
Larawan ng kasimplehan at mapagkumbabang kahusayan si Ka Bendoy. Sa kabila ng kanyang mga sakit, na nagiging dahilan para mahirapan siya sa matatarik na lakarin at mahahabang lakbayin, hindi kailanman iniwanan ni Ka Bendoy ang rebolusyon at ang masa. Sa kabila ng napakaraming mga pagkakataong ihinahapag sa kanya upang magkaroon ng maalwang buhay, pinili niyang paglingkuran ang sambayanan. Hanggang sa kanyang huling hininga, mahigpit pa ring pinanghawakan ni Ka Bendoy ang pagkapit sa prinsipyo ng buung-buong pagmamahal sa masa buhay man ang ialay.
Taglay ni Ka Bendoy ang walang sinlalim na pagmamahal sa bayan – na wala ni anumang ninanais kundi ang ipagtagumpay ang rebolusyong magpapalaya sa mga uring inaapi at pinagsasamantalahan. Kung kaya isang pambihirang pagkakataon para sa mga kasama at masa na makasalamuha si Ka Bendoy. Isang pambihirang pagkakataon para sa mga kasama ang ubos-kayang pagbabahagi ni Ka Bendoy ng mga karanasan at ang kanyang pagsasanay sa mga susunod na henerasyon na magdadala ng rebolusyon. Isang pambihirang pagkakataon na nag-iwan ng malalim na bakas sa puso’t isapan ng mga nakasama niya sa pakikibaka. Ang pambihirang pagkakataong iyon ang patuloy na bumubuhay sa dugo’t kalamnan ng malawak na sambayanan. Ang nasimulan ni Ka Bendoy ay hindi matatapos – patuloy itong madurugtungan at habambuhay na isusulong ng mga kasama nang walang pagdadalawang isip, nang buong husay at nang buong katatagan.
Hindi kailanman nabawasan ang nagkakaisang lakas ng sambayanan sa buong rehiyon. Napaslang man ng mga berdugo ang katawan ni Alfredo “Ka Bendoy” Merilos ngunit ang kanyang mga naiambag at ang marka ng lalim ng pagmamahal niya sa sambayanan at sa rebolusyon ay hindi mananakaw ng mga kaaway sapagkat ipinunla ito ni Ka Bendoy sa kaibuturan ng bawat puso at isipan ng mga kasama at masa.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.