Wednesday, February 28, 2018

NDF/NPA-Quezon: Hinggil sa matagumpay na reyd ng AMC-NPA sa Tumbaga Ranch

NPA-Quezon propaganda statement posted to the National Democratic Front Website (Feb 28): Hinggil sa matagumpay na reyd ng AMC-NPA sa Tumbaga Ranch

Pebrero 27, 2018
Ka Cleo del Mundo
Tagapagsalita
Apolonio Mendoza Command-NPA-Quezon

Magsilbing babala sa lahat ng panginoong maylupa sa hacienda belt ng Bondoc Peninsula ang matagumpay na reyd ng New People’s Army sa Tumbaga ranch sa bayan ng San Francisco kahapon ng gabi.

Nakakumpiska ng anim na M-16 rifle ang mga pulang mandirigma.
Pansamantalang inaresto ang dalawang CAFGU at apat pang armadong tauhan sa loob ng rantso para mabigyan sila ng mahigpit na tagubilin na ang dapat nilang panigan ay ang kapwa nila magsasaka at maralita, hindi ang panginoong maylupa. Pinalaya rin sila kalaunan.

Ang reyd ay hakbang pamamarusa sa rantso ng baka na pag-aari ng pamilyang Murray dahil sa patuloy nitong pagkakait sa mga magsasaka ng lupang mabubungkal.
Notoryus ang pamilyang Murray sa pagiging asyendero at kontra-magsasaka, matatandaang noong December 14, 1997 ay nireyd na rin ng mga NPA ang naturang rantso.

Ang 5,000 ektaryang Tumbaga ranch ay inilalaan ng panginoong maylupa sa kanyang mga alagang baka, mais, ube at punongkahoy para sa komersyal na gamit habang mahigpit na pinagbabawalan ang mga magsasaka at manggagawang bukid na magtanim ng mga produktong ikinabubuhay.

Bawal rin sa mga magsasaka na mag-alaga ng sariling hayop gaya ng baboy dahil ayaw ng mga Murray na mababawasan ang kanilang niyog na ginagawang pakain ang sapal nito.

Masahol pa, sinisira ng mga armadong tauhan ni Murray ang mga panananim ng magsasaka. Tampok na karanasan ang ginawang pagbunot sa pananim na mais at saging ng isang magsasaka, pagkatapos ay sinunog ang kanyang kubo.
Dagdag na patunay ng pagiging despotiko ng pamilyang Murray ang hindi pagpapasahod sa kanyang mga manggagawang bukid. Ang lakas-paggawa ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa loob ng rantso ay tinutumbasan lamang ng mais na pangsaing o kaya ay perang kasinghalaga nito.

Mahigpit ang monopolyong kontrol ng mga panginoong maylupa sa hacienda belt ng Bondoc Peninsula. Hindi nilutas ng bogus na Comprehensive Agrarian Reform Program ng mga nagdaang rehimen ang pundamental na suliraning ito ng bansa. Katunayan, nagmamatigas pa nga ang mga kagaya n Murray, Matias, Reyes at Uy para matiyak na hindi maipamamahagi ang kanilang lupain sa mga magsasakang walang lupa.

Kung hindi pa sa masigasig na pagsusulong ng uring magsasaka ng rebolusyong agraryo, kailanman ay hindi tatamasahin ng mga maralita sa kanayunan ang pakinabang sa lupang kanilang ipinaglaban.
Mismong ang mga mamamayan ng Bondoc Peninsula ang buhay na saksi kung paanong ang hindi nalutas ng rehimeng US-Duterte na libreng pamamahagi ng lupa dahil sa pagtalikod nito sa Peace Talks ay patuloy na ipinaglalaban ngayon ng uring magsasaka katuwang ang kanilang Bagong Hukbong Bayan.

https://www.ndfp.org/hinggil-sa-matagumpay-na-reyd-ng-amc-npa-sa-tumbaga-ranch/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.