Ang Bayan Editorial (Feb 28): Puspusang ilantad at labanan ang pakanang diktadurang Duterte at lahatang-panig na isulong ang rebolusyon
Ang Bayan
Communist Party of the Philippines
28 February 2018
Walang lubay ang mga maniobra at pakana ni Duterte para iluklok ang sarili bilang pasistang diktador. Sa anyo man ng pederalismong huwad o walang takdang batas militar sa buong bansa, sa paraang santong dasalan man o santong paspasan, determinado si Duterte na angkinin ang lahat ng kapangyarihan at ipataw ang kanyang pasistang paghaharing diktador.
Hindi magkasya kay Duterte ang supermayoryang kontrol ng mga sinuhulang alipures sa Kongreso. Hindi magkasya na nasa bulsa na niya ang mayorya ng mga mahistrado ng Korte Suprema at nagbibigay-basbas sa kanyang mga desisyon. Hindi magkasya na nakalukob sa buong Mindanao ang kanyang walang taning na batas militar. Hindi rin siya magkasya sa pagpapakawala ng nauulol na militar at pulisya para pulbusin ang Marawi City at ang kabuhayan ng daan-daan libong mamamayan, kitlin ang libu-libong buhay sa hibang na Oplan Tokhang at ihasik sa kalaparan ng kanayunan ang lupit at lagim ng todong gerang nagwawasiwas ng bandila ng “anti-terorismo”at “Kapayapaan.”
Asal-berdugo, diktador at hayok sa kapangyarihan si Duterte. Sa dalawang taon pa lamang nadaig na niya ang maraming pinakamalalaking salot sa bayan. Napakalaking kapahamakan na ang idinudulot sa sambayanan ng kanyang tiranikong paghahari. Kabi-kabila ang mga pagpatay, iligal na pag-aresto, pagtortyur, pambubugbog at iba pang pag-abuso at pagyurak ng militar at pulis sa mga karapatang-tao, laluna ng mga kabilang sa batayang masang magsasaka at manggagawa.
Pangunahing target ngayon ni Duterte ang rebolusyonaryong kilusan. Idineklara niyang “terorista” ang Partido at BHB upang insultuhin ang rebolusyon at bigyang-matwid ang todong pag-atake dito. Pagpapasikat din niya ito upang maglangis sa imperyalismong US, sa pasistang militar at iba pang sagadsaring reaksyunaryo. Todong ibinubuhos niya ang rekurso sa militar para magregkrut ng 15,000 bagong sundalo at bumili ng mga bagong sandata at kagamitan kabilang ang mga barko, helicopter, eroplano, drone at iba pang malakihang gasta para “patagin ang mga bundok” at balutin sa takot ang kanayunan. Nangunguna siya sa pagsulsol at pagpalakpak sa mga sundalo at pulis na gumawa ng mga pasistang krimen tulad ng kanyang udyok na “barilin ang mga ari” ng kababaihang mandirigma ng BHB. Bagong hilig niya ang mga palabas na pagsurender ng BHB (kahit pa sarili niyang mga kriminal na paramilitar ang gumaganap na mga “rebeldeng” sumurender) para makapamayagpag, mambuska at magbanta.
Mula Apayao hanggang Sultan Kudarat, sinisira ng mga pasistang sundalo ang katahimikan ng sinasakop na mga baryo ng mga magsasaka at minorya. Dumarami ang kaso ng paghuhulog ng mga bomba para lamang paulit-ulit na ipaalala at ipanakot ang pagwasak sa Marawi.
Binoblokeyo ng AFP ang daloy ng pagkain at hinahadlangan ang kilos ng mga tao. Ang mga Lumad ng Mindanao, laluna, ay hindi nilulubayan ni Duterte ng mga banta at pananakot para bigyang-daan ang pagpasok ng mga dayuhang korporasyon sa pagmimina at plantasyon.
Isinagasa niya sa Kongreso ang TRAIN ng karagdagang mga buwis na mistulang krus na ipinapapasan sa bayan. Pero ang pangakong wakasan ang kontraktwalisasyon, ipamahagi nang libre ang lupa at iba pang masidhing hinihingi ng bayan ay basta na lamang isinaisantabi at ibinasura ng nag-aambisyong diktador. Tulad ng maraming iba pang pangako niya, napako ang pag-apruba noong Enero sa batas para sa Bangsamoro.
Tuso at manggagantso ang demagogong si Duterte. Sadyang nagsasalita siya ng bulgar para magpakitang-gilas, gumawa at mang-agaw ng eksena, umarteng makamasa o mag-astang walang sinasanto. Pinalalabas niyang nagmula siya sa mahirap at may dugong Moro para pagtakpan na siya ay pasista, bulok at kriminal na burukratang kapitalista at kasosyo ng malalaking komprador-burgis at mga bantog na mandarambong. Sinasabi niyang suklam siya sa droga habang pinoproteksyunan ang kanyang anak at mga kasanggang malalaking utak ng sindikato sa droga. Paulit-ulit niyang idinedeklarang galit siya sa mga Amerikano habang masunuring ipinapatupad ang mga patakarang dikta ng imperyalismong US at tuluy-tuloy na nanunuyo sa pagsuporta nito. Siya daw ay Kaliwa, “sosyalista” at “rebolusyonaryo”: Ang totoo siya ay isang sagadsaring pasista, papet at reaksyunaryo.
Ginagawa ngayon ni Duterte ang lahat para ituloy ang ambisyon niyang maging diktador. Tinataktikahan niya ang pagratsada ng cha-cha para unahan ang eleksyong 2019 at ariin ang MalacaƱang sa sampung-taon ng “panahon ng transisyon.” Marami pa siyang nakatagong baraha at hindi mauubusan ng mga maniobra at daya. Hindi malayong lumikha o sunggaban niya ang isang malaking krisis, tulad ng ginawa niya sa Marawi, para ilusot o ipataw ang kanyang imbing pakanang diktadura sa anyo ng batas militar o ibang anyo ng paghaharing pangkagipitan.
Layunin ni Duterte na ikonsentra sa sariling kamay ang kapangyarihan at gamitin iyon para masakmal niya at ng kanyang mga kasapakat na dinastiyang pampulitika ang pinakamalaking kulimbat, habang ipinagtatanggol ang papet na estado at makauring paghahari ng imperyalismong US at malalaking kumprador at asendero sa pamamagitan ng maramihang pagpatay at walang-awang pagsupil sa mamamayang lumalaban.
Dapat puspusang ilantad, ihiwalay at labanan ng sambayanang Pilipino si Duterte at ang kanyang pakanang pasistang diktadura. Sa buhong na estilo ni Duterte, hindi siya basta magpapahadlang sa anumang tuntunin ng batas o pamantayan ng katwiran. Upang lubos siyang pigilan at biguin, dapat kumpletong sumalig ang sambayanan sa sarili nilang lakas at paglaban.
Ang mga patakaran at hakbanging anti-mamamayan na rin mismo ni Duterte ang nagtutulak para malawakang mapukaw at kumilos ang masa ng sambayanan. Dapat sunggaban ng mga pambansa-demokratikong pwersa ang napakapaborableng kalagayan para mapangahas na palawakin at patindihin ang armado at di-armado, ligal at iligal na paglaban ng mamamayan. Dapat paigtingin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at palawakin ang demokratikong kapangyarihang pulitika.
Gayunpaman, hindi kailanman dapat mag-akala o mag-asam na madaling mailuluwal ang makapangyarihang pagdaluyong ng protesta at pakikibakang bayan. Dapat ubos-kayang balikatin ang mabibigat na kinakailangang mga tungkulin sa pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa sambayanan, laluna ang batayang masang manggagawa, magsasaka at intelihensya. Dapat matatag na harapin at labanan nang pukpukan ang mga pasistang kabuktutan ni Duterte at kanyang mga pasistang alagad.
Dapat gamitin ng mga pambansa-demokratikong pwersa ang pinakamalawak at pinakapleksibleng mga taktika at gawaing alyansa at kabigin ang pinakamalawak na hanay upang labanan ang pinakamakitid na target na binubuo ng naghaharing pasista at papet na paksyong Duterte. Dapat matuto tayong lumapit at makipagkaisa sa lahat ng pwedeng makaisa laban sa pasistang rehimeng Duterte.
Kaalinsabay, dapat maging mulat tayo sa makauring pananaw at interes ng iba’t ibang pwersang anti-Duterte. Bilang mga proletaryong rebolusyonaryo, layunin nating palawakin at palalimin sa abot ng makakaya ang pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos ng sambayanan, laluna ang batayang masang manggagawa at magsasaka, laban sa pasista at papet na rehimeng Duterte. Nais nating komprehensibong palawakin at palakasin ang kilusan at pakikibakang antipasista, antipyudal at anti-imperyalista laban sa rehimeng US-Duterte at palakasin nang lahatang-panig ang rebolusyonaryong pwersa at kilusan.
Sa kabilang banda, nais ng mga reaksyunaryong anti-Duterte at mga repormistang burgis at petiburgis na labanan at talunin ang pangkating Duterte habang pinangangalagaan at ipinipreserba ang naghaharing sistema at estado. Gusto nilang engganyuhin ang paglaban ng mga mamamayan habang nililimitahan at pinakikitid ang layunin nito. Kaya nais nilang ituon ang pansin sa ilang isyu lamang at tabunan ang mga isyu at pakikibaka ng batayang masa.
Dapat mulat na isulong ng mga pwersang pambansa-demokratiko ang sariling inisyatiba at ang pagbubuo ng nagsasariling lakas at pakikibaka ng sambayanan sa pamamagitan ng komprehensibong linya at pakikibakang antipasista, antipyudal at anti-imperyalista. Ibig sabihin, dapat mulat na akuin at puspusang asikasuhin natin ang mahirap na mga gawain sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng mamamayan para sa rebolusyon.
Dapat tuluy-tuloy na ilantad ang korupsyon, kroniyismo, nepotismo, kabulukan, mga krimen, pasismo at pagkapapet ni Duterte. Ihiwalay at labanan si Duterte sa pamamagitan ng pagbubuo ang pinakamalawak na posibleng pagkakaisa laban sa pakanang cha-cha, gayundin laban sa TRAIN, laban sa batas militar sa Mindanao, laban sa todong gera kontra sa BHB at rebolusyonaryong kilusan, laban sa mga pagpatay sa gera kontra-droga at iba pang mga pang-aabuso at kabuktutan ni Duterte.
Buuin ang malawak na pagkakaisa ng iba’t ibang pwersang anti-Duterte para labanan ang malupit na gerang Oplan Kapayapaan, tutulan ang pagbibigay ng mga karapatang ekstrateritoryal sa militar ng US, labanan ang panghihimasok militar ng US at pagbibigay ng ayudang militar sa rehimeng Duterte, suportahan ang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa, laban sa pagpapalawak ng mga plantasyon at asyenda, laban sa pagpasok ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina, laban sa kontraktwalisasyon, para sa umento sa sahod at iba pang mga demokratikong kahilingan ng bayan.
Ang malalapad na protestang anti-Duterte ay dapat iugnay at pagsilbihin sa pagpapalakas at pagsusulong ng mga pakikibakang masang anti-pasista, anti-pyudal at anti-imperyalista. Sa kabilang dako, sa lahatang-panig na pagsusulong ng mga pakikibakang masa at pagpapalakas ng mga pwersang rebolusyonaryo, higit ding magiging epektibo ang paggamit ng mga taktikang alyansa para ihiwalay at labanan ang naghaharing rehimeng US-Duterte.
Higit sa lahat, dapat palakasin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang kanilang sarili. Dapat mulat at mahigpit na hawakan ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa ang mga tungkulin para palakasin at palawakin ang Partido, ang Bagong Hukbong Bayan at lahat ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa ilalim ng NDFP.
Kaakibat nito, dapat lagumin ang mga karanasan, pangibabawan ang mga kahinaan at pagkukulang, at komprehensibong buuin ang mga balak batay sa kongkretong sitwasyon para matatag at malakas na isulong ang pakikibaka para wakasan ang rehimeng US-Duterte kasabay ang pagsusulong ng mga pakikibakang masa at digmang bayan sa buong kapuluan.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.