NPA-Mindoro propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 28): Pulang Saludo sa NPA-Rizal sa matagumpay na opensiba laban sa SAF-PNP
Ka Madaay Gasic, Spokesperson
NPA-Mindoro (Lucio De Guzman Command)
28 February 2018
Pulang saludo sa mga Pulang kumander at mandirigma ng New People’s Army (NPA) – Rizal (Narciso Antazo Aramil Command) sa kanilang matagumpay na opensiba laban sa mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police (AFP-PNP), Pebrero 18, Brgy. San Jose, Antipolo City, Rizal.
Pinarusahan ng NPA-Rizal sa naturang opensiba ang mga elemento ng Special Action Force (SAF-PNP) at 2nd Infantry Division ng AFP na isinasakdal ng mamamayang Rizaleño bilang protektor ng energy projects, tulad ng dam, solar at wind power projects, na nagdudulot ng malawakang pangangamkam ng lupa at pangwawasak sa kalikasan.
Pursigido ang mga dambuhalang korporasyong dayuhan at komprador na itayo sa lalawigan ng Rizal ang Laiban Dam sa Tanay, Wawa-Violago Dam sa Antipolo City at Rodriguez, ATN-Solar Energy Project sa Rodriguez, at wind power project sa Pililia. Habang pinoprotektahan ang mga kumpanyang ito, karahasan ang tugon ng rehimeng US-Duterte at mga lokal na pulitikong tuta nito sa mga katutubong Dumagat at Remontado, magsasaka at maging sa mga sektor ng estudyante at taong simbahan na tumututol sa mga proyektong ito.
Sampal sa kanang pisngi ng rehimeng US-Duterte ang opensibang ito matapos ang buong paghahambog nilang deklarasyong mauubos nila ang NPA sa loob ng dalawang taon. Sampal sa kaliwang pisngi naman dahil naganap ang naturang opensiba sa tungki ng ilong ng kaaway — sa Antipolo City na isang mayor na syudad na ilang minuto lamang ang layo sa mga sentrong kuta ng AFP-PNP sa Sentrong Punong Lungsod.
Nagagalak ang mamamayang Mindoreño sa tagumpay na ito sapagkat hangad din nilang maparusahan ang mga malalaking kumpanyang lokal at dayuhan ng pagmimina at energy projects na nagdudulot ng malalaking trahedya sa isla. Kabilang rito ang Sta. Clara minihydroelectric powerplant na lansakang nagdi-drilling at blasting o pagpapasabog sa ilalim ng kabundukan. Pinalambot nito ang lupa, dahilan upang malawakang bahain ng “banlik” o putik ang mga bayan ng Naujan, Baco, Calapan at Victoria, Oriental Mindoro. Ipinagbunyi ng mga Mindoreño ang matagumpay na reyd ng NPA-Mindoro sa planta ng kumpanyang Bluemax, Inc. na nagmimina sa Lumintao river sa tabing ng operasyong quarry, Nob. 1 noong nakaraang taon.
Bukod dito, malawakang pangangamkam ng lupa at pangwawasak sa natitira nang kagubatan ng Mindoro ang napipintong idudulot ng mga corporate renewable energy projects na pinagmamay-arian ng malalaking dayuhang kumpanya at mga lokal na subsidyaryo nito. Ilan sa mga ito ang wind powerplant ng PHESI sa Pto. Galera at ng Philcarbon, Inc. sa Bulalacao; Montelago Geothermal Plant sa Naujan; minihydroelectric powerplant sa San Teodoro at Baco; mga dambuhalang dam sa Bongabong, Oriental Mindoro at San Jose, Occidental Mindoro; pagmimina ng natural gas ng Pitkin, Ltd. sa Mansalay at Bulalacao sa Oriental Mindoro, at sa Magsaysay, San Jose, Rizal, Calintaan at Sablayan sa Occidental Mindoro; at mahigit 50 iba pa.
May mahigit pang 100 aplikasyon ng dayuhang pagmimina sa buong isla, katulad ng pagmimina ng nickel at cobalt ng notoryus na Intex Resources sa Sablayan at Victoria; at pagmimina ng maruming coal ng Semirara Power Corporation ng DMCI sa Bulalacao at Magsaysay.
Sa gitna ng todo-largang gyera ng rehimeng US-Duterte sa rebolusyonaryong kilusan, nagsisilbing panandang-bato ang opensiba ng NPA-Rizal na hindi magagapi ang armadong rebolusyon. Sinasalin ng NPA-Rizal ang rebolusyonaryong enerhiya sa lahat ng nakikibaka upang ipaglaban ang kalikasan at kabuhayan.
Mabuhay ang NPA — ang hukbo ng masa para ipaglaban ang kalikasan at kabuhayan!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.