NDF-Mindoro propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 28): “Fake news” ng rehimeng US-Duterte, sintomas ng pagkabangkarote nito — NDF-Mindoro
Ka Maria Patricia Andal, Spokesperson
NDFP Mindoro
28 February 2018
Araw-araw ipinapahiya ni Rodrigo Duterte at ng kanyang mersenaryong AFP ang kanilang mga sarili sa kanilang mga hambog, pabago-bago, at puno-ng-kasinungalingang mga buladas at pahayag.
Sunud-sunod ang mga “fake news” hinggil sa diumano’y pagsuko ng mahigit 600 na mga kasapi ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA) sa Mindanao kapalit ng pangakong kabuhayan at iba pang insentibo. Kamakailan rin lang ay binaliktad nila ang kwento hinggil sa diumano’y pag-atake ng NPA sa relief mission ng mga sundalo sa Visayas, na sa katotohanan ay sila ang nanabotahe ng inilulunsad ng gamutang baryo ng mga Pulang hukbo.
Hindi na bago sa mga Mindoreño at sa buong sambayanang Pilipino ang pakanang “fake news” ng rehimeng US-Duterte. Napaslang ng mga tropa ng 4IB si Mario Verzosa, isang police asset, noong May 20 at si Pastor Leovelito Quiñonez noong Dis. 3 sa mga bigong operasyon nila laban sa NPA. Agad namang naglabas ng mga media stunt ang mga makinarya sa propaganda ng 203rd Brigade upang palabasing mga myembro ng NPA ang naturang mga sibilyang biktima.
Isang bugso rin ng crackdown ang ipinakana ng rehimeng US-Duterte laban sa ligal na progresibong kilusang masa. Iligal na inaresto at ipiniit si Dolores Solangon, residente ng Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Dis. 23, 2017 sa bisa ng mga gawa-gawang kasong kasama siya sa NPA na nakaengkwentro ng mga sundalo noong 2006. Hindi pa nasapatan dito, sinunog naman ng mga berdugong sundalo ng 76th IB ang bahay nina Solangon, kung saan iniimbak ang mga palay, saging at ilang maliliit na kagamitang pansaka. Ganito rin ang ginawa sa bahay naman ng isang magsasakang myembro ng Samahan ng mga Magsasaka sa Bar-aw na aktibo sa paglaban sa pangangamkam ng lupa sa Bulalacao, Oriental Mindoro.
Nitong nakaraang Enero naman, dinukot ng mga hinihinalang sundalo si Victorino Estrella Jr., isang volunteer-teacher ng mga katutubong Mangyan sa San Jose, Occidental Mindoro. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin siya inililitaw ng mga ahente ng estado.
Desperadong desperado ang rehimeng US-Duterte na lituhin at linlangin ang publiko sa hibang na pangarap nitong supilin sa kamalayan ng mamamayan ang diwa ng pakikibaka. Ngunit sa gitna ng sumisidhing krisis sa bansa, tinatapatan ng malalaking pagkilos ng mga transport groups, manggagawa, magsasaka, maralitang lunsod, kabataan-estudyante at lahat ng progresibong mamamayan ang jeepney phaseout, pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin, pagtaas ng matrikula, pagtaas ng buwis sa ilalim ng pakanang TRAIN Law, pakanang pederalismo at cha-cha, pandarahas at pandarambong ng estado. Samantala, araw-araw din ang mga taktikal na opensiba ng NPA sa kanayunan upang parusahan ang berdugong AFP at iba pang kaaway ng mamamayan.
Asahan ni Duterte at ng kanyang mga kasapakat ang tuloy-tuloy at mas malalaking pag-aalsa ng mga mamamayan. Sawang-sawa na sila sa kasinungalingan habang dumaranas ng matinding krisis araw-araw. Malinaw sa kanila na nabubulok at umaalingasaw ang baho ng kasalukuyang sistema sa bansa. Ang karahasan at kahungkagan ng rehimeng US-Duterte mismo ang patunay sa kawastuhan ng landas ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mga mamamayan.
Hindi kawala ang mga Mindoreño sa matinding krisis na ito. Marapat lamang na likhain ang mga dambuhalang protesta sa mga sentrong bayan upang ilantad at labanan ang kasinungalingan ng rehimeng pasista, pahirap at maka-dayuhan sa kaibuturan.
Nananawagan tayo sa mga alagad ng masmidya na tapat sa kanilang bokasyon bilang mga tagapagtanggol ng ating sagradong karapatan sa malayang pamamahayag. Sama-sama nating likhain ang kontra-agos sa pagbaha ng mga “fake news” sa iba’t ibang daluyan ng impormasyon. Tapatan natin ang anumang tangkang panunupil ng rehimen sa malayang pamamahayag ng lakas ng loob at katapangang isiwalat ang katotohanan.
Tulad sa panahon ng diktaduryang Marcos, gaganap muli ang masmidya ngayon ng makasaysayang papel sa harap ng panunupil ng rehimeng US-Duterte. Hinahamon ito ngayon upang pandayin ang progresibong kamalayan ng masa sa pamamagitan ng “mosquito press” na walang takot at tapat sa kanyang tungkuling isiwalat ang mga mahahalagang balita at matatapang na pagsusuri sa mga isyu’t suliranin ng bayan.
Marapat lamang na paalingawngawin ang katumpakan ng linya at programa ng Pambansa-Demokratikong Rebolusyon bilang ultimong kalutasan sa mga batayang suliranin ng kasalukuyang lipunan.
Ipalaganap ang mga tagumpay ng armadong rebolusyon upang ipamukha sa rehimeng US-Duterte ang pagkabangkarote ng kanyang gubyernong nakatuntong sa mga programang hungkag, makadayuhan at anti-mamamayan.
Tulad ng mga nakaraang rehimen, bibiguin sila ng sambayanang nakikibaka.
Ilantad at labanan ang papet, pasista at pahirap sa masang rehimeng US-Duterte!
Malayang pamamahayag, ipagtanggol at ipaglaban!
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.