Friday, June 16, 2017

CPP/NPA-ST: Presensya ng tropang US sa Marawi City, magdudulot ng higit na kaguluhan sa bansa

NPA-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jun 12): Presensya ng tropang US sa Marawi City, magdudulot ng higit na kaguluhan sa bansa (Presence of US troops in Marawi City causing more chaos in the country)



Jaime “Ka Diego” Padilla, Spokesperson
NPA-Southern Tagalog (Melito Glor Command)

12 June 2017

Mariing kinukundina ng Melito Glor Command-New People’s Army Southern Tagalog ang presensya ng pwersang militar ng US sa Marawi City sa panahon ng Martial Law sa Mindanao at masugid na operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa lugar.

Sa dalawang linggong labanan ng AFP sa Maute, kinumpirma ang presensya ng mga tropang Amerikano at partisipasyon nito sa labanan sa anyo ng gawaing paniktik at paggamit ng mga US drones sa Mindanao. Samantala, hindi iniuulat ang bilang ng mga sundalong Amerikano, anu-anong mga kagamitan at sasakyang pandigma ang ipinasok at kailan sila dumating sa bansa.

Ang mga aksyong ito ay malinaw na pakikialam sa panloob na problema ng bansa at magdudulot lamang ng higit na kaguluhan. Maaalalang ang US mismo ang nagpondo sa grupong ISIS na naghahasik ng teror sa iba’t ibang mga bansa. Ang US-CIA rin ang nagpakana sa presensya ng Abu Sayyaf Group sa Bohol, Central Visayas, kasabwat ang AFP para bigyang katwiran ang presensya ng tropang Amerikano sa Lanao at ang pagtatayo ng mga pasilidad-militar. Nais ng US na bigyang katwiran ang panghihimasok sa mga bansa tulad ng Pilipinas lalo’t nais nilang payukurin si Duterte sa mga planong neoliberal at polisiyang pang-ekonomiya.

Ginagamit ngayon na tabing ang digmaan kontra-terorismo sa Mindanao upang makapanghimasok ang mga sundalong Amerikano at yurakan ang kalayaan at pambansang soberanya ng bansa sa pinalaking kaaway at multo ng rehimeng Duterte na Maute Group.

Dapat labanan ng mamamayan ang nagpapatuloy na panghihimasok-militar ng imperyalismong US sa bansa. Sa paggunita ng ika-119 taon ng Huwad na Kalayaan sa Hunyo 12, dapat imarka ng mamamayan ang malalaking kilos-protesta na naggigiit ng pambansang soberanya at kalayaan laban sa patuloy na kontrol ng US.

Hindi kinakailangan ang tulong mula sa US o deklarasyong Martial Law upang makamit ang isang tunay na malayang bansa na ligtas sa anumang uri ng terorismo. Kayang harapin ng sambayanang Pilipino ang anumang banta ng terorismo nang walang panghihimasok ng US basta’t seryoso ang gobyernong Duterte na lutasin ang ugat ng panlipunang ligalig.

Marapat lamang na bigyang katuparan ni Duterte ang kanyang mga retorikong pahayag laban sa gobyernong US. Dapat agarang ipawalambisa ang anumang hindi pantay na tratado ng Pilipinas sa US tulad ng Enhanced Defense Cooperative Agreement (EDCA), Visiting Forces Agreement (VFA), Mutual Defense Treaty (MDT) at mga katulad nito.###

https://www.philippinerevolution.info/statements/20170612-presensya-ng-tropang-us-sa-marawi-city-magdudulot-ng-higit-na-kaguluhan-sa-bansa

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.