Friday, June 16, 2017

CPP/NDF-Bicol: Hinggil sa Gawa-gawang Pahayag ng 903rd IB sa Insidente ng Pagsuko sa Masbate

NDF-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jun 15):
Hinggil sa Gawa-gawang Pahayag ng 903rd IB sa Insidente ng Pagsuko sa Masbate (Concerning the False Statement of the 903rd IB on the Surrender Incident in Masbate)

Maria Roja Banua, Spokesperson
NDFP Bicol Region (Region V)

15 June 2017

Mariing kinukundena ng NDF-Bikol ang 903rd IBgd. sa pagtugis at sapilitang pagpapasuko sa 19 na sibilyan sa Masbate nitong Hunyo 13. Walang katotohanan ang pahayag ni Brig. Gen. Fernando Trinidad na ang naturang mga residente ay mga aktibong kasapi ng BHB na kusang sumuko sa kanilang upisina. Ayon sa Jose Rapsing Command BHB-Masbate, wala na sa serbisyo ang 19 na pinasuko at matagal nang namumuhay bilang mga sibilyan ngunit patuloy silang tinarget ng pandarahas ng militar at sapilitang ihinarap sa madla bilang mga surrenderee. Ito ay malinaw na paglabag sa karapatan ng mga sibilyan sa ilalim ng Protocol II ng Geneva Conventions at Comprehensive Agreement on Human Rights and International Humanitarian Law (CAHRIHL) na kapwa sinang-ayunan ng rebolusyonaryong kilusan at ng gubyerno ng Pilipinas.

Alam ng 9th IDPA na lalong lumalakas ang rebolusyonaryong kilusan sa Kabikulan kahit matapos ang iba’t ibang taktikang ginamit nila laban sa mamamayan. Nagsasagawa sila ng mapanalasang operasyong militar sa kanayunan upang takutin at pasunurin ang masa. Gayundin, naglulunsad sila ng mga mapagpanggap na operasyong sibil militar (CMO) upang hamigin ang loob ng mga Bikolano. Ngunit sa kabila ng lahat nang ito, bigo ang dibisyon sa pagpapahina sa rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan at kalunsuran. Isang malaking kabalintunaang sa kabila ng mga hungkag na deklarasyon na conflict manageable na umano ang kalakhan sa mga prubinsya sa rehiyon ay idineklara ng Southern Luzon Command (SOLCOM) ang red alert status bilang paghahanda umano sa pag-igting ng mga taktikal na opensiba sa buong rehiyon. Patuloy na nahihintakutan ang mga militar sa lakas ng BHB at ng mga taga-suporta nito. Hindi magkandamayaw ngayon ang dibisyon sa pag-apula sa tumitinding pagbabalikwas ng mamamayang Bikolnon kung kaya binabalingan na lamang nito ang paglikha ng mga gawa-gawang insidente ng engkwentro o pagsuko. Dahil sa desperasyong kahit paano ay may maipakitang datos at maisalba ang kanilang imahe, itinututok ng kasundaluhan ang kanilang kabagsikan sa terorismo at pasismo laban sa mga sibilyan.

Nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayang Bikolnon na labanan ang nag-uulol na pang-aatake ng kasundaluhan sa rehiyon. Dapat singilin at pananagutin ang berdugong militar sa kanilang mga paglabag sa karapatang tao. Sa halip na ipagpatuloy ng 9th IDPA ang paghahasik ng terorismo at pasismong militar, dapat tumalima ito sa mga nauna nang napagkasunduang probisyon at internasyunal na batas na pumuprotekta sa karapatang tao kapwa ng mga kombatant at ng mga sibilyan.

Makaaasa ang taumbayan na mananatiling tapat ang lahat ng yunit ng BHB at ang buong kilusan sa pagsusulong ng makatwirang digma ng mamamayan sa harap ng hirap, sakripisyo at kamatayan. Hindi mapipigilan ni mapahihina ng samu’t saring bitag ng pasipikasyon at kapitulasyon ng estado ang paninindigan ng rebolusyonaryong kilusan na tumindig kasama ng masang api sa pagkamit ng tunay na kalayaan at kapayapaan sa pamamagitan ng rebolusyon. Gagap ng rebolusyonaryong kilusan na ang walang pag-iimbot na pagsuporta at paglahok ng masa sa digmang bayan ang mapagpasya sa katuparan na hinahangad na kalutasan sa kahirapan.

https://www.philippinerevolution.info/statements/20170615-hinggil-sa-gawa-gawang-pahayag-ng-903rd-ib-sa-insidente-ng-pagsuko-sa-masbate

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.