Friday, June 16, 2017

CPP/NPA-Panay: Paratang sa NPA na Protektor ni Previndido isang malaking kasinungalingan!

NPA-Panay propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jun 15): Paratang sa NPA na Protektor ni Previndido isang malaking kasinungalingan! (Allegations that the NPA is the Protector of Previndido is a big lie



Ka Julio Montana, Spokesperson
NPA-Panay (Coronacion Chiva “Waling-Waling” Command)

15 June 2017

Isang maitim na propaganda laban sa NPA at tabing sa kanilang inutil na pagsugpo sa iligal na droga. Ito ang pangunahing layunin ng 82nd IBPA, PNP-PRO-6 at PDEA sa kanilang paghahabi na gawa-gawang kwento na ang notorious na druglord na si Richard Prevendido ay tinatago daw ng NPA. Wala itong pinag-iba sa iba pang mga kasinungalingan na inihahasik ngayon ng AFP at PNP para pagtakpan ang kanilang palpak na kampanyang kontra-droga, lumalalang mga kalagayan ng paglabag sa karapatang-tao, at pilit na pagpapatupad ng batas militar sa iba pang bahagi ng bansa gamit ang histerya ng “anti-terror” at anti-Moro.

Mariing kinukundena ng Coronacion Chiva “Waling-Waling” Command ng NPA-Panay ang ipinalabas sa midya ni Police Director Tuzon ng Iloilo Police Provincial Office (Iloilo PPO) na NPA daw ang protektor sa kilalang druglord na si Richard Prevendido, kung bakit hindi pa nila nahuhuli hanggang ngayon.

Malisyoso naman si Vener Murga, Commanding Officer ng 82nd IB PA ng magdeklarar na maaring nasa 1st District ng probinsya ng Iloilo ang nasabing druglord.

Ang NPA ang pinakamadaling sangkalan at dahilan ng kanilang inutil at kapalpakan sa paghuli ng nasabing druglord na mismong matataas na mga opisyal ng PNP ang protektor, kasabwat ang armadong grupo ng RPA-RBB.

Hindi nagtatago ang NPA ng sino man at ano mang mga sindikato at mga kriminal! Hindi nito pinapahintulutan na maging sanktwaryo ang organisasyon at teritoryo nito sa sino mang mga sindikato. Ito ay dahil labag at makasisira ito sa tunay na interes ng mamamayan.

Gayunman, patuloy na inilulunsad ng NPA ang sarili nitong kontra-druga at kontra-sindikatong kampanya noon pa man, sa saklaw na teritoryo na ginagalawan sa Panay. Pinatunayan ito ng mga inilunsad na kampanyang kontra-droga sa Silangan at Timog na bahagi ng Panay. Ito ay pareho ng pagdis-arma sa grupo ni Darwin Celiz sa Cuartero, Capiz, at nitong huli ang sa mga Longno sa Dumarao na may tinatagong armas ng mga sindikato; ganundin ang pagkabuyagyag ng mga tauhan at opisyal ng 8ndIB na imbolbado sa pagbebenta at paggamit ng nakaka-adik na droga. Tuloy-tuloy rin na sinusulong ng NPA ang kampanyang edukasyon sa masa laban sa nakaka-adik na droga.

Kaya, sa simpleng salita, kung walang mga kasabwat na matataas na mga opisyal sa AFP, PNP, PDEA at mga korap na politiko, matagal nang nahuli itong si Prevendido dahil imposible siyang hahayaan na lamang ng NPA na makapagtago saan mang sulok ng base nito.

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.